2

16 0 0
                                    

Pasado alas-singko y medya na ng hapon, Biyernes, at naglalabasan na ang mga estudyante sa kanilang classrooms. Nag-aabang lang kami ni Dom sa lobby ng Benitez Hall. Nakatingala siya sa kisame at mga naninilaw na haligi habang kumakain ng cheese sticks na nabili sa katabing Vinzons Hall. Nakatitig naman ako sa isang malaki at makulay na mural sa dingding sa pagitan ng dalwang pintuan papasok ng auditorium habang sa paanan nito ay ang mga malalaking letra ng EDUK. Dahil papalapit na ang Disyembre, maagang lumulubog ang araw, kaya kapuna-puna ang pagdilim sa labas at sa hallways na bumubukas sa atrium. Binuksan na rin ang ilang mga ilaw, pero sa pangkalahatan ay mas nananaig ang dilim.

"Nakakatakot naman dito," ani Dom nang maubos na niya ang cheese sticks at itinapon ang tinuping paper plate sa malapit na basurahan. "May multo ba rito?"

"Naniniwala ka sa multo?" sabi ko. Sa laki niyang tao, di mo aakalain.

"Mas kabado ako sa mga NPA at pumapatay sila." Napatingin din siya sa mural na tinititigan ko. "Pero siyempre, iba rin pag nakaranas ka ng kababalaghan."

"Ows?"

"Sa probinsya ng tatay ko sa Antique, dami kaya. Ilang beses akong nakaramdam ng mga maligno. Pati rin sa probinsya ng nanay ko sa Zambales. Daming pamahiin din doon. Ang mga matatanda—may sarili silang mga sinasamba."

"Eh dito, may nararamdaman ka ba?"

Hinagod ni Dom ang kanyang paningin sa paligid. "Di ko pa alam. Ikaw, di ba nag-UP ka? Wala ka bang naririnig na kuwento tungkol sa building na ito?"

Napatawa ako. Dalawang taon lang ako sa Diliman, sa Bachelor of Secondary Education, haggang sa lumipat ako sa Philippine Military Academy nang makapasa ako sa PMACQT. "Maraming kuwento. Dating barracks daw ito ng mga Hapon nung gera." Ngumuso ako sa isang nakapinid na grey gate sa dulo ng hallway sa may gawing kaliwa namin katapat ng Schuster St. palabas ng Katipunan. "Diyan daw, may nagpapakitang babaeng biglang nawawala pag nilalapitan."

Sinundan ni Dom ang tinuturo ko, nanliit ang mga mata habang nababanaag ang mga jeep at ibang sasakyang napapadaan sa ibayong dako ng gate.

"Tapos nag-uusap daw ang mga painting dito sa isa't isa pag gabi."

Nagtitigan kami ni Dom, at pagkatapos ay sa mural sa harapan namin, na parang abstract painting ng sumambulat na samu't saring kulay mula sa bahaghari at waring nagkakaanyo ng mga mananayaw na may tangang iba't ibang bagay—may apoy, lira, easel, globo, at kung ano pang di ko mamukhaan. Paborito ko ang mural na ito noong freshman pa lang ako kasi tanaw na tanaw ito bago pa man pumasok ng Benitez Hall dahil sa labis na tingkad ng mga kulay.

Wala namang mukha ang mga mananayaw, kaya imposible silang nag-uusap sa gabi—kung ganun nga ang nangyayari.

Pero imbes na mga kuwento tungkol sa Benitez Hall, sumagi sa isipan ko ang estudyanteng na-interrogate namin nung isang linggo. Ilang gabi na akong di makatulog at laging lumilitaw sa aking mga panaginip ang nakahalandusay na hubad na katawan. Officially ay hindi sanctioned ang aming ginawang operation, at magpahanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam sa aming superior officers. Nagiging malimit na ang panlalamig ng aking mga kamay, at minsan ay nagigising na lang akong di makahinga.

"Ano na nga pala ang nangyari sa—estudyante?"

Hindi pa rin tinatanggal ni Dom ang kanyang titig sa mural. "Yun? Hinagis nina Menandro at Catacutan sa Tullahan River."

"Hindi kaya—lumitaw din yung katawan?"

"Yun nga ang point. Para ang paghinalaan ay yung mga nakatira sa squatters na nakatira sa may ilog. Maraming durugista roon!"

May logic naman ang sinabi ni Dom. Hindi ko lang maisip na magagawa yun ng mga kasamahan ko, lalo na ni Menandro na may asawa at batang anak na babae. Pero we are trained to follow orders. At yun nga, mga kaaway ng bayan ang mga komunista.

"Pero alam mo ang sinabi ng dalawa?" biglang sambit ni Dom, at naalala kong nasa tabi ko pa pala siya. "Nang ihagis daw nila ang katawan, agad daw itong lumubog. Tapos biglang lumutang ang katawan ng puno ng saging. Ang weird, no?"

May inaalala ako tungkol sa puno ng saging at sa mga patay, pero bago pa man may mabuo sa aking isipan ay biglang nagbukas ang magkabilang pintuan ng auditorium kung saan ay may nagaganap na seminar. Dali-dali kaming tumabi sa gilid ng lobby at pinagmasdan ang mga nagsisilabasan. Lumipas din ang mahigit sampung minuto bago sumulpot ang taong pakay namin.

Madaling malampasan si Professor Mallari. Lahat na yata sa kanya ay pawang pangkaraniwan. Pangkaraniwan ang pangangatawan at tangkad, pangkaraniwan ang pagkayumanggi ng kutis, at ang edad ay mahirap matantya, siguro sa pagitan ng trenta at singkwenta. Payak lang ang damit, nakaputing polo shirt at khaki na pants. Wala rin masyadong masasabi sa pagmumukha niya—maliban sa dalawa. Una, ubanin ang kanyang buhok. Pangalawa, kirat ang kanyang kaliwang mata.

"Siya na ba yan, Alex?"

Sinundan ko ng tingin ang lalaki habang kumaliwa ito at nagtungo sa hagdan. Saglit siyang napatingin sa aming kinaroroonan, pero di ko alam kung kami ang napansin niya o iba pang taong namamalagi sa lobby, pero nagpatuloy lang siya sa pag-akyat hanggang sa maglaho na siya sa aming paningin. Hindi ko alam kung namukhaan niya ako, pero di ko makalilimutan ang dati kong teacher sa Values Education.

"Affirmative."

Dinampot ni Dom ang kanyang mobile phone at may tinawagan. Ilang saglit lang ay: "Go na Sir. Narito na po ang target."

Sutsot (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon