Mahigit isang taon na pala kaming AWOL at pinaghahanap. Sa ilang oras naming pamamalagi roon, mahigit isang taon pala ang nakalipas dito sa daigdig natin.
Ang tagal ng aking debriefing sa ISAFP. Hindi naging malinaw sa kanila ang totoong nangyari sa akin. Marahil ay di malinaw ang aking mga sinagot.
Ano yung special operation na ginawa namin at sino ang nagbigay ng authorization? Ang sabi ko'y we were supposed to target a potential NPA recruiter at si Sargeant Maestrocampo lang ang may alam ng order.
Mga NPA ba ang dumakip sa amin? Sabi ko'y di ko alam.
Saan ba kami nadakip? Sabi ko'y hindi ko matandaan, pero somewhere in QC.
Saan ba kami dinala? Sabi ko'y sa isang undisclosed building sa gitna ng isang malawak na gubat.
Na-torture ba kami? Sabi ko'y ako mismo ay hindi. Pero maaari ang mga kasamahan ko.
Ano ang nangyari sa mga kasamahan ko? Sabi ko'y hindi ko na alam at di ko nakita ang huling nangyari sa kanila, maliban kay Private First Class Dominic Villarin, na nabaril ni Sargeant Bill Maestrocampo in an altercation habang nasa kampo ng mga kalaban.
Paano raw ako nakatakas? Sabi ko'y hindi ako sigurado, pero parang pinatakas ako. Wala na akong matandaan kung paano ako nakarating sa UP Diliman.
Ipinagtapat ko rin ang mga ginawang clandestine operations ng pangkat namin para tugisin ang mga pinaghihinalaang NPA's na dumukot sa anak ni Maestrocampo.
Hindi pa ako pinalabas agad sa aking barracks hanggang sa sinuri na ako ng specialists sa V. Luna Medical Center-at natuklasang may post-traumatic stress disorder ako. Wala silang magawa kundi isalang ako sa honorable discharge. Nanuluyan ako sa aking nakababatang kapatid at doon ay nanahimik.
Pilit ding nakipag-ugnayan ang mga kamag-anak ng mga kasamahan ko upang makakuha ng anumang impormasyon, ngunit wala na akong naidagdag pa sa ibinigay ng ISAFP sa kanila. Magpahanggang ngayon ay Missing in Action pa rin sila. Hindi ko alam kung tama ba ito, dahil maaaring magbigay pa ito sa mga kamag-anak ng pag-asang maaaring buhay pa ang mga kasamahan ko kahit na alam ko, mula sa kailaliman ng aking puso, na taliwas ang tunay nilang kalagayan.
Dahil baka nasa purgatoryo nga sila. O impyerno.
Ilang buwan pa ang nakalipas bago ako naglakas-loob na bumalik sa UP-bilang isang sibilyan. Enforced pa rin ang UP-DND accord, kaya hindi puwedeng basta-bastang pumasok ang sinumang uniformed personnel sa loob ng kahit saang UP campus nang walang pahintulot ng UP President o ng Chancellor ng campus. Napaisip ako, kung ginalang na lang ni Maestrocampo ang accord, malamang ay iba ang aming sinapit. O baka naman nakatadhana talagang mangyari yun sa amin-sapagkat nahatulan na kami. Ngunit bakit ako lang ang nakalusot at sila ay hindi? Ano kaya ang dahilan? Ang katanungang ito ay dunagdag pa sa mga dahilan kung bakit dilat na dilat ang aking mga mata hanggang sa kinaumagahan.
Tanghaling tapat nang muli akong tumapak sa lobby ng Benitez Hall. Maaliwalas ito, maliwanag, taliwas sa aking huling pagkakatanda. Naroon pa rin ang mural, pero hindi ko magawang masilayan ito kahit na anong tingkad pa ng mga kulay nito. Nagtanong ako sa Dean's Office kung naroon pa si Sir M. Ang sabi ng staff na nakausap ko ay matagal na siyang nag-retire. Huling araw na pala niya noong gabing bumisita kami. Wala na rin silang naririnig tungkol sa kanya at hindi nila alam kung saan sa Zambales siya nananahan.
Hindi ko maintindihan, pero dinala na lang ako ng mga paa ko sa dating opisina niya sa ikalawang palapag. Pagsapit ko roon ay ibang pangalan ng faculty ang nakapaskil sa may pintuan. Hindi ko alam kung ano ang aking inaasahan, pero nagbakasakali akong baka makita ko pa siya roon at may gusto pa akong tanungin.
Bago pa man kasi ako pumunta sa Benitez Hall, nababasa ko na sa mga blog tungkol sa mga kababalaghang nagaganap sa UP. At minsa'y nasagap ko ang isang kuwento tungkol sa Benitez Hall. May mga guwardyang nakapagsabing madalas, pag gabi na at wala nang tao, may naririnig silang sumisigaw sa auditorium na tila nanghahamon at may hinahanap.
Hindi na rin ako nagtagal, kaya nilisan ko na ang labas ng faculty room ni Sir M. Pero bago ako bumaba, napadaan ako sa men's CR sa tabi ng stairway. Bigla akong nanigas sa may pintuan. Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakatayo roon, pero nang lumaon ay pinasok ko na rin ito. Agad akong nagtungo sa dulong cubicle at binuksan ito. At hayun, tulad ng dati, naroon pa rin ang plywood na nakasandal sa dingding sa tabi ng inidoro. Habang nanginginig ang aking kamay, inangat ko ang plywood.
Ngunit dinging lang ang naroon. Wala na ang lagusan.
Di ko alam kung nalungkot o nahimasmasan ako, pero ibinalik ko rin sa pagkakasandal ang plywood. Bigla kong kinuha ang aking cellphone at binuksan ang picture gallery para makasiguro. At tulad ng dati, naroon pa rin ang kinuha kong litrato ng hallway na walang hanggan sa lugar na iyon.
Psst!
Agad akong lumabas ng CR para alamin kung sino ang sumutsot. Ngunit wala naman akong nakitang ibang tao sa hallway.
BINABASA MO ANG
Sutsot (Short Story)
FantasyLingid sa kaalaman ng kanilang superior officers, at taliwas sa provisions ng UP-DND Accord, pinasok ng isang pangkat ng ISAFP agents ang UP Diliman--sa College of Education--para dakpin ang isang professor na pinaghihinalaang recruiter ng mga NPA. ...