Bakit nga ba ako naging sundalo? Wala naman sa aking angkan ang sumubok sa larangang ito. Siguro dahil sa benefits? O sa scholarhsip na ibinibigay ng PMA? Malaking bagay kasi ang allowance na natanggap ko, at naitawid ko ang isa ko pang kapatid sa college dahil dito. Hindi rin ako mareklamo at kinakaya ang lahat ng ibato sa akin. Tapos may sense of nationalism naman ako. At handa naman akong ipaglaban ang Pilipinas. Pero hindi ko lang alam kung sapat ang mga dahilang ito upang maging sundalo.
Dahil tatlo na sa aking mga kasamahan ang napahamak, ngunit wala rin akong nagawa.
Kung ipinagpatuloy ko kaya ang aking kurso sa UP Diliman, ano na kaya ang aking kinahinatnan? Siguro teacher na ako o nagtatrabaho sa DepEd. At siguradong hindi ko masasaksihan ang mga karahasang sinapit ng maraming tao, maging anong panig pa man sila nabibilang.
Pero ganun daw, sabi ni Maestrocampo. Laging may collateral damage.
Yun din kaya ang aking magiging kapalaran, ang maging collateral damage? Pag hindi kami makalabas dito nang buhay, malamang ay yun na nga ang iisipin ng mga pinuno namin sa ISAFP.
Ito ang tumatakbo sa aking isipan nang mabangga ako kay Dom sa gitna ng kalsada sa may harapan ng gusali.
Di ko siya namalayang hinaharang na niya pala ang dinadaanan ko at pinapakalma na ako. Saka ko lang naramdamang nanginginig pa ako at hinihingal.
Sinipat-sipat ako ni Dom. "Alex, anong nangyari? Ba't mag-isa ka na lang?"
Lumapit na rin si amin sina Maestrocampo at Paparan. Nakalabas ang kanilang mga baril habang iginala ang kanilang paningin sa likod ko.
Kumalas ako kay Dom. Minata ko silang tatlo. "Kayo ba talaga yan?" May halong ngatal ang aking tinig na hindi ko mapigilan.
"Ano bang pinagsasabi mo, Bueno?" Hinawakan ako ni Maestrocampo sa pisngi, ngunit hindi ito marahan. "Nasaan na sina Roque at Menandro?"
Huminga ako nang malalim. Mukhang di nga nila alam ang nangyari sa mga kasamahan ko. Sinuri ko ang kanilang mukha, mula kay Dom na puno ng pag-aalala, kay Paparan na handang kumilos, at kay Maestrocampo na naiinip. Pero lahat sila ay may guhit sa pagitan ng kanilang ilong at bibig. At kasama ko silang nakatapak sa kalsada.
"Sarge, di—dinakip sila ng mga aswang!"
"Ano kamo?"
At inilahad ko ang nangyari sa amin. Nang matapos ako, hindi na ako hinihingal, ngunit hindi pa rin napawi ang aking pangamba. At saka ko na lang napunang magtatakipsilim na. Nakasindi na rin ang mga kandila sa mga lampara. Subalit pilit na nananaig pa rin ang kadiliman sa buong paligid, kaya't ang gusali sa harapan namin ay isang napakalaking anino. Wala kasing liwanag na nagmumula rito. Tulad kanina, nakabukas pa rin ang malalaking pintuan nito.
"Sarge, mas delikado po yata kung dito tayo sa labas," ani ko, pagkatapos ay nginuso ko ang gusali. "At least doon po sa loob, alam nating may lagusan pabalik sa atin."
Ngunit sa gubat lang nakatitig si Maestrocampo, nanlilisik ang mga mata. "Hindi tayo babalik hangga't di natin nahuhuli si Mallari."
"Pero Sarge, siguradong maligno si Sir M.," ingos ni Dom. "Anong laban natin?"
"Wala akong pakialam! Babaligtarin ko ang gubat na yan hanggang sa mahanap natin siya!"
Nagtinginan kami ni Dom. Marahil ay pareho ang iniisip namin. Baka nasiraan na ng bait si Maestrocampo. Nang mapabaling naman ako kay Paparan, parang ninanamnam niya ang bawat salita ng officer namin.
Biglang may tumawa mula sa gubat. Nanigas kami sa aming kinatatayuan. Noong una ay mahina lang ito, subalit nagpatuloy lang ito habang palakas nang palakas. Hindi ko alam kung si Sir M. ito dahil hindi ko na matandaan kung tumawa man siya sa aming klase, pero hindi maipagkakailang tila nanlalait ang tawang ito. Maya-maya pa'y malakas at napakalalim na ng tawa kaya waring niyayanig na ang lupa. At doon ko lang napagtantong imposibleng galing ito sa maliit na katawan ni Sir M.
Nakalabas na ang mga baril nina Maestrocampo at Paparan, listo sa anumang magaganap. Dahan-dahan naman kaming umatras ni Dom.
Biglang may aninong gumalaw sa tabi ng puno ng kapok. Ngunit nagahis ako sa takot dahil mas mataas pa pala ang anino sa puno. At doon nagbubuhat ang tawa. Binuksan ni Dom ang kanyang flashlight sa cellphone at tinutok ang ilaw sa anino, ngunit nang magawa niya ito ay halos malaglag niya ang cellphone.
Dahil sa tabi ng puno ng kapok ay may isang matabang higanteng may bundat na tiyan at walang suot na damit. Ang kanyang mga bisig at binti ay mas malaki pa sa katawan ng nara o akasya. At sa kanyang mukha, naaninag namin ang kanyang mga labi, sa labis na haba ay halos umabot na sa magkabilang tainga, habang sa ibabaw ng malaking ilong ay may isa lang siyang mata, na sa sobrang laki ay halos isang-kapat na ito ng kanyang mukha. Parang sinasalamin pa ng matang ito ang liwanag mula sa mga lampara at flashlight ni Dom habang patuloy na nakabungisngis ang higante.
"Sarge, balik na tayo sa building!" sigaw ko. Sumunod naman sa akin si Dom.
Ngunit di nakinig sina Maestrocampo at Paparan at sa halip ay lumabas sila ng kalsada. Inangat nila ang kanilang mga baril at nagpaulan ng mga bala sa higante.
Naglaho ang bungisngis ng higante sa pagkagulat sa mga putok. Nagpakawala ito ng isang malakas na palahaw na dumagundong na parang kulog sa buong gubat. Pagkatapos, gamit ang mga braso, ay pinaghahampas niya ang kinatatayuan nina Maestrocampo at Paparan.
Mabilis namang nakaiwas ang dalawa nang sumibat pabalik sa kalsada si Maestrocampo habang tumawid sa gubat si Paparan.
"Putang-ina mo!" sigaw ni Paparan habang nagpatuloy siya sa pagpapaputok.
"Come back here, damn it!" mando ni Maestrocampo.
Subalit di na siya naulinig ni Paparan. Abala siya sa pag-ilag sa pag-apak ng higante habang binabaril niya ito sa may katawan at ulo. Pero parang di naman ito tinatablan. Sa halip ay lalo pa itong nagagalit.
Naglabas na rin ng baril si Dom, at mula sa kalsada ay sabay sila ni Maestrocampo na nagpaputok sa higante.
Ngunit halos di na sila pinapansin nito dahil nakatuon na ang buong pansin nito kay Paparan, na lalong napapaloob sa gubat sapagkat nagawang harangin ng higante ang daan pabalik sa kalsada. Walang karaka-raka'y nakabig nito si Paparan, at narinig naming may mga butong nabasag nang humampas siya sa puno ng ipil habang ang salamin niya ay lumipad sa ibang direksyon. Napaungol sa sakit si Paparan, at pilit niyang bumangon, pero hindi niya ito magawa.
Nagtangka akong tumakbo patungo kay Paparan para tumulong, pero pinigilan ako ni Dom.
"Huwag na, hindi natin yan kaya!"
Samantala, nagpatuloy pa rin si Maestrocampo sa pamamaril sa likod ng higante hanggang sa maubos ang kanyang bala. Pero hindi siya pinansin ng higante. Kinapa pa niya ang kanyang bulsa para kumuha ng bagong magazine, ngunit hinawakan siya sa braso ni Dom.
"Sarge, halika na po! Alis na tayo!"
Lumapit ang higante sa nakaratay na si Paparan, at parang basahan ay dinampot niya ito at inamoy-amoy. Pagkatapos ay initsa niya si Paparan sa malayo sa loob ng gubat. Kung saan siya bumagsak ay hindi na namin batid.
Biglang umikot ang higante at hinarap kami. Puno ng galit ang kanyang nag-iisang mata, at nakatuon ito sa amin. Nagsimula itong lumakad patungo sa amin.
Napaatras kami, maging si Maestrocampo. Hindi namin alam kung makatatapak ang higante sa kalsada, pero hindi na kami nagpatumpik-tumpik pa. Humangos kami pabalik ng gusali at pumasok sa madilim na lobby.
Bahagya naming ipininid ang mga pintuan, pero nag-iwan kami ng siwang upang masilip kung ano ang ikikilos ng higante.
Subalit nanatiling nakatayo lang ito sa gilid ng kalsada, nakatitig sa amin, bago tumalikod at pumasok sa loob ng gubat.
BINABASA MO ANG
Sutsot (Short Story)
FantasíaLingid sa kaalaman ng kanilang superior officers, at taliwas sa provisions ng UP-DND Accord, pinasok ng isang pangkat ng ISAFP agents ang UP Diliman--sa College of Education--para dakpin ang isang professor na pinaghihinalaang recruiter ng mga NPA. ...