11

6 0 0
                                    

Di ko alam kung gaano kami katagal na nakatambay sa lobby. Nakahalandusay ako mapalit sa isang poste habang si Dom ay nasa tabi ko. Gutum na gutom na kami, pero wala naman kaming makain. Nang inalala ko kung ano ang huli kong kinain, naisip ko yung fishball sa Vinzons Hall. Ilang oras na bang nakalipas yun? Nang sinilip ko ang aking phone, nakita ko ang oras. Mag aalas-diyes na pala ng gabi sa aming pinanggalingan. Pero sa lugar na ito, ang hirap matantya ang paglipas ng oras. Kung tama ang phone ko, lampas lang ng apat na oras kami rito, ngunit pakiramdam ko ay parang mas matagal pa.

Nakatayo lang si Maestrocampo sa may mga pintuan, sumisilip sa may labas, nag-aabang. Hindi ko alam kung ano ang inaasahan niyang maabutan. Ako nga, parang kinakabahan sa maaaring tumambad sa may labas.

"Makabalik pa kaya tayo sa atin?" tanong ko sa sarili.

Pero narinig ako ni Dom. "Gusto mong bumalik?"

Napalingon ako sa kanya. "Ayaw mo?"

Umiling si Dom bago tumingin sa kawalan ng dilim. "Hindi ako makatulog sa atin."

"Bakit naman?"

"Hindi ko lang masikmura ang mga nagawa ko sa utos ni Sarge."

Napatikhim ako. Wala pa naman akong napatay dahil bago pa lang ako at wala pang ilang buwan, pero kung tutuusin, complicit din ako sa pinaggagawa ng grupo namin. At ngayon ko lang maaamin sa sarili, di na rin ako makatulog simula ng isang linggo matapos ma-torture ng aking mga kasamahan ang babaeng estudyante. Kapag ipinipikit ko ang aking mga mata, ang mukha niyang nakatitig sa akin ang aking nakikita. Ngayong nasa dilim kami ng lobby, kahit hindi na ako pumikit ay nakatitig na siya sa akin.

Napasandal ako sa poste. "Nasa purgatoryo na ba tayo? O impyerno?"

"Umaasa ka ng kaligtasan balang araw?"

Napayuko ako. Hindi na rin kasi ako umaasa.

Psst!

Napaupo kami nang tuwid ni Dom at hinagod ng tingin ang buong lobby. Maging si Maestrocampo ay napalingon sa amin. Ngunit wala namang ibang tao maliban sa aming tatlo.

Psst!

Napatingin ako sa malaking mural ng mga mananayaw na may mga mukha, na nababanaag ko dahil sa liwanag ng mga lamparang lumulusot sa siwang sa pagitan ng mga pintuan sa may harap. Ngunit nanatili silang pipi.

"Doon kaya nanggaling?" ani Dom.

Nang sinundan ko ang tinuturo niya, napuna kong bahagyang nakabukas ang isang pintuan sa may gawing kaliwa ng mural—ang pintuang patungo dapat sa auditorium—kung ito ay ang Benitez Hall. May mahinang liwanag na nagmumula roon, na ngayon lang namin napansin.

Tumayo kami ni Dom, di alam kung ano ang gagawin. Ngunit si Maetrocampo na ang nagpasya para sa amin. Habang nakaabang ang baril sa kanang kamay, lumapit siya sa may pintuan. Mabilis kaming sumunod sa kanya.

Sutsot (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon