2: Good Morning

3.7K 180 30
                                    

May kuwartong inilaan para kay Armida Josephine sa loob ng Citadel, at masaya si Max pagkatapos ng kasal nila dahil inaasikaso na ito nang maayos ng mga Guardian. Nandoon pa si Jean na butler nito galing sa pamilya ng mama nila. Maligalig pa nga si Arjo sa araw-araw kaya hindi na nag-alala pa si Max kahit na halos pag-aralan niya buong araw ang mga naiwang trabaho sa opisina ng Fuhrer habang tinitingnan ang status ng iba pang opisinang naiwan ng mga Superior na nawala sa posisyon.

Iyon nga lang, ilang linggo matapos ang kasal nila, nang dalawin niya si Arjo sa sarili nitong kuwartong patay ang ilaw, naabutan niya itong natutulog sa sahig at namamaluktot doon.

"Arjo?" mahinang pagtawag niya dahil kalagitnaan ng gabi at malamang na makakabulahaw siya ng iba kapag sumigaw pa siya. Nilapitan ito at napansing nanginginig doon. Tiningnan pa niya ang paligid kung masyado bang mababa ang temperatura, pero hindi naman malakas ang air-conditioning system doon at hindi rin naman malamig sa sahig dahil carpeted. "Arjo—"

"HAH!" Bigla itong sumigaw at itinulak siya nang malakas saka ito umatras palayo habang pinandidilatan siya ng mata.

Hindi agad nakaimik si Max sa mga sandaling iyon habang nakatitig kay Arjo na hinihingal at takot na takot. Ilang segundo rin ang pinalipas niya bago gumapang dito palapit.

"Sorry . . ." mahinang sinabi ni Arjo at mabilis na pinunasan ang mata niyang lumuluha.

"Ayos lang," tugon ni Max at pinunasan ang noo ni Arjo na basang-basa ng malamig na pawis. Napakalikot ng mata nito at papikit-pikit. "Nanaginip ka nang masama?"

Tumango naman si Arjo.

Inalalayan na niya itong tumayo ngunit halatang bigat na bigat ito sa sarili habang nanginginig. Naalala niya noong huli niya itong masugatan. Ganoon din kasi ang nangyari.

Ang papa lang niya ang nakakapagpakalma kay Arjo noon kapag nagkakaroon ito ng panic attack. Hindi lang niya alam kung paano iyon nagagawa ng ama, at ayaw niyang manghingi ng tulong sa kahit sinong medical expert sa Citadel dahil alam niyang ibabalik nila si Arjo sa medical facility.

"Doon ka na matulog sa kuwarto ko," sabi ni Max. Ipinalibot niya ang braso ni Arjo sa batok niya at inangat ito hanggang sa makarga niya nang maayos. Mas lalo tuloy niyang naramdaman ang panginginig ng katawan nito.

Alam naman niyang tapos na ang nangyaring Kill for Will Tournament at gusto na rin niyang sabihin kay Arjo na wala na itong dapat alalahanin pa, pero hindi maiaalis ng salita niya ang katotohanang maiiwan at maiiwan sa isipan nito ang masamang nangyari sa kanila kahit pa araw-araw niya itong nakikitang masaya. Gusto niyang itanong kung mula ba noong mag-isa itong natutulog sa kuwartong iyon, parating ganoon ang nangyayari. Dahil kung oo, ilang araw na rin pero wala man lang itong nababanggit.

Isang pasilyo lang ang layo ng kuwarto ni Arjo sa kuwarto niya. At pansin niyang gumagaan ito kaysa noong huli niya itong binuhat.

"Lord Maximillian!" gulat na bungad sa kanya ni Seamus nang makita siyang karga-karga na parang bata si Arjo.

Bahagya lang siyang umiling para sabihing hayaan na siya. Yumukod lang ito bilang tugon at inunahan na siya sa pinto ng silid para ito na ang magbukas. Binuksan din nito ang lahat ng ilaw para sa kanila at pinatay ang ilaw sa lampshade na tanging nakabukas doon.

"Milord, may kailangan ba kayo?" mahinang tanong ni Seamus.

"Dalhan mo 'ko ng tubig," utos ni Max.

Tumungo naman ang butler at lumabas na ng silid.

Iniupo ni Max si Arjo sa kama at hinawi ang buhok nitong basang-basa ng pawis.

"Arjo, ayos ka lang?" tanong ulit niya at hinawakan ang pisngi nito para ipaharap sa kanya. Kumunot agad ang noo niya nang mas matingkad na ang kulay ng kanang mata ni Arjo kaysa sa kaliwa. Hindi naman iyon ganoon tuwing nakikita niya ito.

Herrings Eyes (Book 10)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon