Ilang minuto ring tahimik sina Max at Arjo habang nakatanaw sa dagat. Nananghalian sila nang tahimik. Maraming gustong sabihin si Arjo pero mas piniling huwag munang umimik habang hinihintay si Max na maunang magsalita.
Pagkatapos ng nangyari sa lugar ni Greta Macini, sinabi ni Max na huwag munang magsalita si Arjo, at sinunod naman nito dahil may kung anong hindi makitang aura ang lumalabas sa kanya at nararamdaman ni Arjo na hindi iyon magandang balita.
May sikat na seafood restaurant sa seaside ng La Caletta kung saan napiling kumain ni Max at hindi na inalmahan iyon ni Arjo. Tipid ang salitang um-order si Max para sa kanilang dalawa. Sinabi ni Arjo na si Max na ang bahala sa pagkain dahil alam naman nito ang pagkaing bawal sa kanya.
Malawak sa restaurant, gawa sa kahoy ang mesa, at may cushion naman ang ladderback dining chair. Hindi gaya tuwing kasama nila ang mga magulang na animo'y may fiesta parati—na kadalasan ay si Armida lang ang nakaka-apat na plato—may seafood platter at tig-isang single serving java rice na pinatungan ng scrambled egg at binuhusan ng special sauce.
Pasulyap-sulyap si Arjo sa nananahimik na si Max tuwing hihigop ng order nilang lemon juice.
Hindi talaga niya maipaliwanag ang nararamdaman. Minsan na niyang na-encounter ang ganoong aura ni Max noon na kayang patahimikan ang nasa loob ng imaginary personal space nito. High school pa siya noon nang huling mangyari iyon. May nakaaway itong lalaking Sophomore nang dahil din sa kanya. Pero alam naman niyang nag-behave siya ngayon at hindi nangialam di gaya noong nakaraang gabi. Iyon nga lang, hindi talaga alam kung paano kakausapin si Max dahil tila ba anumang sandali, oras na magbuka siya ng bibig, sisigaw na lang ito at magwawala. At ayaw niyang mangyari iyon.
Natapos ang pagkain nila nang tahimik, wala pa ring imik si Max, kaya wala ring inimik si Arjo. Na kay Arjo ang credit cards na dala nila kaya siya na rin ang nagbayad ng bill na naka-credit naman sa opisina ng Fuhrer bilang travel expenses.
Nanatili sa restaurant sina Max dahil humabol pa ng sherbet si Arjo bilang dessert.
Nakatulala lang si Max sa labas ng bintana kung saan tanaw na tanaw ang napakalapit na Porto di La Caletta na pinagpaparadahan ng magagandang mga bangka at yate. Maraming nagtatawanan at nag-uusap na mga italyano sa paligid nila, at kapansin-pansin na mesa lang nilang dalawa ang tahimik at may kakaibang ambience na hindi nakakatuwa.
Ngata-ngata na lang ni Arjo ang kutsara niya habang nakatitig kay Max na napakalalim ng iniisip. Gusto na talaga niyang magtanong kung ano ba ang iniisip nito pero hindi talaga niya magawa dahil pinatatahimik siya ng napalibot ditong kung anong masamang awra.
Tumayo na si Max, tumayo na rin siya, naglakad ito palabas, sumunod naman siya. Talagang hindi ito nagsalita kahit noong imbis na tumungo sila sa hotel ay mas pinili nitong pumunta sa seawall na nagsisilbing bakod ng kalsada at ng beach.
Naupo roon si Max kahit na napakainit ng sikat ng tanghaling araw. Nakiupo na lang din si Arjo na takip-takip ng kamay ang ulo.
Malamig ang hangin na galing sa dagat. Maingay ang mga tugtugin sa paligid, halo-halo ang boses ng mga tao, at ingay ng mga stork na lumilipad sa malapit na port.
Kinakabahan na talaga si Arjo sa pananahimik ni Max. Pero imbis na maunang magsalita, nginatngat na lang niya ang strap ng sling bag habang nakatanaw sa asul na dagat. Nahihirapan siya kung paano pakakalmahin si Max. Kapag siya kasi, yayakapin lang siya nito, ayos na siya. Ito, wala siyang ideya kung paano aamuhin.
"Jo." Sa wakas ay naputol na rin ang katahimikan ni Max.
"Hmm?" simpleng sagot ni Arjo habang nakikiramdam sa katabi.
"Close kayo ni Papa, di ba?"
"Uhm-hmm." Tumango naman si Arjo.
"You think, kung siya ang nasa posisyon ko, pupunta siya ulit mamayang gabi ro'n sa bahay na 'yon?"
BINABASA MO ANG
Herrings Eyes (Book 10)
ActionPagkatapos ng kasal nina Max at Arjo, kailangan na nilang kaharapin ang bagong buhay bilang mga natitirang dugo ng mga Zordick at Zach. _______________ Lena0209 All Rights Reserved June2015