Nasa body clock ni Max ang magising nang maaga kahit na anong oras pa siya makatulog. Kaya kahit na apat na oras lang ang tulog niya sa malambot na couch na nilipatan imbis na sa kamang kanya naman kung tutuusin dahil nakikitulog lang sa kuwarto niya si Arjo, nagising pa rin siya nang alas-singko pasado. At madilim pa iyon kahit na nangangasul na ang langit.
Wala siyang sariling ref sa loob ng kuwarto kaya kailangan niyang mag-utos sa butler o sa mga Guardian para kumuha ng maiinom. Iyon nga lang, ayaw niyang sumigaw umagang-umaga para lang sa iisang basong tubig.
Malawak ang seventh floor ng kastilyo ng mga Zach, at sa isang wing pa lang, talo pa niya ang nilakad ang dalawang basketball court. Kaya habang nilalakad niya ang tinitirhan nilang iyon, iniisip na lang niyang ehersisyo iyon sa umaga.
Sa kabilang pasilyo ang daan papuntang opisina niya. Lampas naman sa opisina ni Labyrinth ang pantry kung saan siya kukuha ng inumin. Hindi niya madaraanan ang mismong opisina dahil liliko pa sa kanan at kaliwa ang pantry mismo.
Tahimik sa oras na iyon, at alam na agad niya kung bakit hindi siya pinalaki sa malaking bahay nina Armida. Parating pumipili ang mga ito ng bahay na isang lingon lang ng mga magulang niya ay makikita na nila ang isa't isa. Kung sa ganoon kasi sila titira, pakiramdam niya, wala siya sa bahay.
Hindi siya madalas sa pantry dahil nababantayan siya ni Seamus at ni Xerez. Isang tango lang niya, may tubig na agad siya. Iyon nga lang, wala ang mga ito sa harapan ng silid niya—gaya na rin ng inutos niyang huwag muna silang abalahin ni Arjo dahil nga kagagaling sa mahabang biyahe. Gusto na tuloy niyang pagsisihan ang utos.
Bukas ang isang pinto ng swing door sa pantry, may naririnig siya roong nag-uusap bago pa siya makalapit. Isang babae at dalawang lalaki na may magkaibang timbre ng boses. Nagtatawanan ang mga iyon na nakapagpakunot ng noo niya dahil wala siyang naririnig na tumatawa sa Citadel maliban kay Arjo na hindi yata nakakatawa nang hindi sisigaw.
"Buti pa kayong dalawa, Decurion na," sabi ng isang lalaking may pamilyar na tinig. "Ako, hindi ko alam."
"Wow, talagang galing sa 'yo?" natatawang sinabi ng babae.
"Kunwari, hindi namin alam na OJT ka ni Tio Giuseppe," sabi ng lalaking may matinis na boses.
"Kung hindi naman umalis si Xylamea, di naman ako kukunin."
Sinilip ni Max ang pinto para makita kung sino-sino ang nag-uusap. Palingon-lingon pa siya dahil napakaraming estante roon na pinaglalagyan ng napakaraming pagkain na mukhang kukunin na lang anumang oras. Hindi niya makita ang mga iyon dahil para siyang pumasok sa library ng mga pagkain.
"E kahit naman hindi siya umalis, hindi naman talaga siya makukuha." Base sa tono ng pananalita ng babae, parang may galit ito sa pinag-uusapan nila.
Dahan-dahan nang pumasok si Max at dumiretso sa water dispenser na katabi lang naman ng pinto. May mga disposable cup doon kaya hindi na niya kailangang magkalkal pa sa buong pantry na sinlaki na halos ng dati nilang kusinang idinugtong sa sala.
"Anyway, how's the Fuhrer?" tanong ng lalaking matining ang boses na ikinahinto ni Max bago pa mailapat ang bibig ng baso sa labi niya. Lumiyad pa si Max para sumilip sa likuran ng mga estante na may mga naka-display na mababangong tinapay.
"They're funny. I didn't expect na pumapayag siyang tawaging masama ang ugali ni Lady Josephine," kuwento ng lalaking may mabigat na boses.
Natawa naman ang babaeng kausap nito pero mahinhin at hindi malakas na halakhak. Pero dinig dito ang kakaibang tuwa.
"Si Lady Evari ang nagpalaki sa kanila, di ba? Ang layo ng ugali nilang dalawa," tanong ng isang lalaki.
"Mas malayo naman ang ugali ng Fuhrer ngayon kay Lord Ricardo saka Lady Evari. Nakakapagmeryenda pa 'ko noon noong si Lord Ricardo pa ang nakaupo. Pero pagdating ni Lord Maximillian, kahit si Lady Cassandra, hindi nakatulog nang maayos kakatrabaho sa pinagawa niya."
BINABASA MO ANG
Herrings Eyes (Book 10)
ActionPagkatapos ng kasal nina Max at Arjo, kailangan na nilang kaharapin ang bagong buhay bilang mga natitirang dugo ng mga Zordick at Zach. _______________ Lena0209 All Rights Reserved June2015