Parang isang maliit na sunog ang impormasyon sa Citadel na oras na dumapo sa isang tao, kakalat na iyon hanggang sa pinakasulok ng lugar.
Wala pang sampung minuto matapos lumabas ni Xerez sa ICU, alam na ng lahat ng Guardian na hindi pinirmahan ng Fuhrer ang order of revocation na kailangan para magamot siya, sa halip ay mas pinili nitong mamatay kung hindi ito agad magagamot sa loob ng isang linggo. Alam ng mga doktor na himala na lang ang mangyaring malaman nila ang kompletong datos kung bakit nagkakaganoon ang Fuhrer sa loob lang ng pitong araw na palugit, at hindi pa man natatapos ang araw na iyon at nasa kalahati pa lang kung tutuusin, sumuko na sila.
Nanatiling nakaposas ang magkabilang pulsuhan ni Max gamit ang metal cuff na gaya ng metal cuff na ginamit sa kanya noong Kill for Will Tournament. Matibay iyon, makapal, dalawang pulgada ang sinakop sa balat niya kompara sa normal na posas na hindi pa aabot ng isang pulgada ang kapal. Kampante lang siya, hindi natatakot, hindi nagwawala, hindi nag-aalala. Sinabihan na rin siyang ililipat pagsapit ng alas-sais sa silid kung saan dating inilagay si Arjo. Natawa na lang siya roon nang isiping matapos ilabas doon si Arjo, siya naman pala ang papalit.
Ala-una impunto nang may kumatok sa pintuan ng ICU. Buong galang itong yumukod sa pinto pa lang.
"Magandang araw, Lord Maximillian," pagbati ng Guardian na nagpabagsak kay Max noong nakaraang gabi.
Walang bakas ng galit o inis sa mukha ni Max nang titigan si Sav. Sinabi ni Xerez na suspendido ito dahil sa ginawa sa kanya kaya naging bago sa paningin niya na nakasuot na lang ito ng casual white button-down shirt na nakatupi ang magkabilang manggas at ipinatong sa cream-colored trouser. Kaiba sa mga uniporme ng mga Guardian na formal suit and tie na itim at puti lang.
Pinanood ni Max na isara ng Guardian ang pinto at lumapit sa kanya para pumuwesto sa dulo ng kama.
"Ipinatawag n'yo raw po ako, milord."
"Sinabi ni Xerez na tatagal ng tatlong araw ang parusa mo dahil hindi mo ipinangakong hindi na mauulit ang nangyari, at hindi mo rin sinabing nagsisisi ka sa ginawa mo."
Walang pagbabago sa diretsong tingin at seryosong mukha ng Guardian nang bahagyang tumungo. "Ginawa ko iyon upang protektahan si Lady Josephine. Taos-puso akong humihingi ng tawad sa ginawa ko, ngunit kung mangyari mang malagay ulit sa peligro ang buhay niya sa kahit ano pang dahilan ay hindi ako mangingiming ulitin ang ginawa ko—sa kahit sino pang taong magtatangka."
Nangibabaw ang katahimikan matapos ng mahabang litanyang iyon ng Guardian. Tinitigan lang ni Max ang kausap. May ibinigay na kautusan dito si Xerez na kailangan nitong protektahan ang Project ARJO, at malamang na ginagawa lang nito ang inutos dito ng Citadel. Napabilib lang siya rito dahil hindi man lang ito kinabahan sa parusa o sa ginawa dahil hindi lang naman siya isang simpleng taong nakatira sa Citadel. Siya ang Fuhrer. At bawat gawin ng lahat na makasasama sa kanya ay may katumbas na parusa.
"Sinabi ni Xerez na ikaw ang papalit sa posisyon niya dalawang taon mula ngayon," pagbasag ni Max sa katahimikan nila.
"Ayon nga kay Tio, milord, ako nga."
Tiningnan lang ni Max ang Guardian. Hindi niya masabi kung malapit ito kay Arjo dahil si Jean ang butler nito. Pero madalas na magkasama ang dalawa dahil nga sa trabaho nitong pagbabantay sa Project ARJO.
"Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari sa 'kin," sabi ni Max sa namagitang katahimikan sa kanila. "Alam kong may alam ka sa lagay ko ngayon."
Tumungo lang ang Guardian doon.
"Hindi ko alam kung mabubuhay pa 'ko sa susunod na linggo."
"Ngunit hindi naman kami nawawalan ng pag-asa na gagaling kayo, milord," pakunswelo ng Guardian sa katotohanang imposible ang sinabi niya.
BINABASA MO ANG
Herrings Eyes (Book 10)
ActionPagkatapos ng kasal nina Max at Arjo, kailangan na nilang kaharapin ang bagong buhay bilang mga natitirang dugo ng mga Zordick at Zach. _______________ Lena0209 All Rights Reserved June2015