Alas-diyes ang sabi ni Xerez at kailangang nasa hangar na sila ng Citadel. At kung ano ang ikinapormal ng suot ni Max na three-piece suit, iyon naman ang ikina-kaswal ng kay Arjo na plain T-shirt na naka-tuck in sa denim jeans at running shoes.
"Kuya, puwede tayong pumunta sa mall pagkatapos mo?" tanong ni Arjo habang inugoy-ugoy ang magkahawak na kamay nila ni Max.
"Ano namang gagawin mo sa mall?" tanong ni Max na tinatanaw mula sa aviator shades niya ang private plane na gagamitin nila sa biyahe.
"Mamamasyal, siyempre!"
"Lalabas na nga tayo ng Citadel, di ba?" sabi ni Max nang tingnan si Arjo na lulukso-lukso. "Malamang kahit sina Papa, hindi mamamasyal habang naghahanap sila ng mga Superior. Huwag kang libot nang libot. Kaya ka naki-kidnap e."
Napanguso na lang si Arjo at huminto sa paglukso niya nang matapat sila sa puting plane na sapat lang ang laki para sa iilang tao.
"Kuya, bakit di sinabi dati ni Papa na mayaman pala siya?" tanong ni Arjo habang inaalalayan siya ni Max paakyat ng plane.
"Para di mo ubusin yung pera niya. Ang gastos mo kasi," sagot ni Max.
"Di naman ako magastos a!" Nagdabog si Arjo pagtapak na pagtapak niya sa loob. "Saka kaunti lang kaya pinapabili ko kay Papa."
"Alam mo, kapag gumawa ako ng list of Arjo's scam lines, may pantapat na ako sa Criminel Credo." Nauna na siyang umupo sa tabi ng bintana saka niya hinatak si Arjo papaupo sa tabi niya. Alam naman niyang ayaw nito sa tabi ng bintana dahil nahihilo ito.
Minuto lang ang lumipas saka nag-take off ang eroplano. Tuwang-tuwa pa si Arjo dahil matagal-tagal na rin noong nakabiyahe siya.
"Sabi ni Xerez, magbibigay ka raw ng card. Ano 'yon, Kuya, ibibigay mo lang?" usisa ni Arjo nang makita na ang mga ulap na kapantay na nila.
"Malamang, ibibigay nga, di ba?" Tinulak niya agad ang kaliwang sentido nito. "Alam mo, ikaw, buti no'ng binuksan 'tong ulo mo, may nakita silang laman."
"Napakasama talaga ng ugali mo, Kuya!" naiinis na sinabi ni Arjo at humalukipkip habang nakanguso. Napatingala si Arjo at sinundan ng tingin ang kadaraan lang na babaeng Guardian na magsisilbing attendant nila sa flight na iyon. Ngumiti iyon sa kanila at tumungo bago sila lampasan. "Ay, alam mo, Kuya, narinig ko yung ibang maid saka Guardian na nag-uusap." Biglang ngumisi si Arjo para mang-asar. "Crush ka raw nila. Yiieee! Guwapo mo, Kuya. Yuck. Hahaha!"
Biglang sumimangot si Max at "Uhm!" tinampal na naman ang noo ni Arjo. "Tsismosa ka talaga."
Parang pusang hinagod ni Arjo ang ulo niya sa balikat ni Max. "Yiiee, Kuya, hanap ka na kasi ng girlfriend mo."
"Uhm!" Isang tampal na naman sa noo ni Arjo. "Asawa mo na nga 'ko, di ba? Gusto mong patayin ako ni Xerez? Gusto mong bumalik sa laboratory?"
Napanguso na naman si Arjo. "Ayaw mong maghanap ng kabit? Mukhang kailangan mo e."
"Uhm!" Tampal na naman sa noo. "Common sense at utak, ayaw mong maghanap? Mukhang mas kailangan mo, Jo."
Napahawak na sa noo niya si Arjo dahil namumula na iyon katatampal ni Max. "Nagsa-suggest lang naman ako e."
"Puwes nagsa-suggest din akong mag-isip ka muna nang maayos."
Nanlaki lang ang ilong ni Arjo saka napanguso. "E boyfriend, Kuya, ayaw mong maghanap?" pahabol na biro niya.
"Isa pa, Arjo, ihahagis na kita palabas nitong plane."
"Ba't napakasungit mo, Kuya? Kaya natatakot sa 'yo yung mga Guardian mo e."
BINABASA MO ANG
Herrings Eyes (Book 10)
AksiPagkatapos ng kasal nina Max at Arjo, kailangan na nilang kaharapin ang bagong buhay bilang mga natitirang dugo ng mga Zordick at Zach. _______________ Lena0209 All Rights Reserved June2015