Taon na ang lumipas. Napakaraming taon. Hindi ko na matandaan ang mukha nila. Siguro, sinadya ko na lang din na hindi sila maalala. Dati, iniisip ko na masaya siguro ang tumira sa malaking bahay dahil nasanay kami na nakatira sa bahay na sasapat lang sa aming pamilya.
Tama pala si Papa. Nakikita ko na ang punto ni Mama.
Napakalaki ng Citadel. Hindi sapat upang libutin nang isang buong araw—gaya ng hindi sapat upang paligayahin ako.
Nasa akin na ang halos lahat. Mga kayamanan nina Armida Zordick at Richard Zach. Ganoon din ang yaman ni Daniel Ash Wolfe. Isama pa ang yaman na natatanggap ng Order para sa mga Superior na ako lang mag-isa ang nakikinabang bilang Fuhrer. Marami akong lugar na pagmamay-ari at mga taong pinasusunod ngunit kulang pa rin ang lahat.
I'm taking everything ended up having none. Mahirap sabihing nasa akin na ang lahat kung napakalaki ng kulang.
Ilang beses na ba akong humiling na sana magising ako sa bulyaw ni Mama para sabihing mahuhuli na ako sa klase ko. Ilang beses kong hiniling na sana asarin ulit ako ni Kuya Max dahil bobo ako sa Math o dahil napakatigas ng ulo ko. Ilang beses kong hiniling na sana bilhan ulit ako ng stuff toy ni Papa kahit na alam niyang magagalit sa kanya si Mama. Ilang beses kong hiniling na sana makipaglaro ulit ako kay Zone ng mga mind games na siya lang ang nakakaintindi kung paano laruin.
Napakadaling magkaroon ng mga materyal na bagay ngunit hindi madaling makuha ang halaga. Kahit isang maliit na manika lang galing kay Papa, kaya nang tumbasan ang milyones na halaga ng kahit anong alahas na mayroon ako ngayon. Nakakalungkot lang dahil mas posible pa sa aking mabili lahat ng sikat na mga mamahaling alahas na gawa ni Faberge kaysa mabilhan kahit simpleng teddy bear ni Papa.
Ilang taon na ba?
Pakiramdam ko, kalahating siglo na ang lumipas . . .
Hindi ko na rin matandaan kung kailan ba ako ipinanganak . . . kung talaga bang ipinanganak nga ako.
Sampung taon?
Sampung taon na rin noong huli kong nakita at nakausap sina Papa at Mama. Sampung taon na ring hindi bumabalik si Kuya.
"Milady."
Lumingon ako nang marinig ang tawag ni Jean sa likod ko.
"Nakahanda na ang hapunan."
Tumango na lang ako at hindi na siya sinagot pa. Nakakawalang-gana. Naisip ko kung umabot din ba sa punto si Mama na ipinagdarasal niya at tinatanong ang Diyos kung kailan ba siya mamamatay. Nakakapagod mabuhay kung laging ganito ang gagawin ko. Talo ko pa ang mga abogado sa araw-araw na ginagawa ko. Naalala ko ang laging paalala ni Mama sa aming magkakapatid noon na dapat naming tapusin ang pag-aaral na umaabot sa puntong pati ang acceleration program, pinipigilan pa niya. Hindi pala niya habol ang diploma kundi ang taon na igugugol namin sa normal na eskuwelahan para maging normal na mga bata.
Siguro nga, mahalaga ang pera at kapangyarihan . . . pero wala pala iyon sa makukuha mo. Naroon pala iyon sa pinagdaanan mo bago iyon makuha. Basic classical conditioning na huli na nang maisip ko.
Hindi ko makita ang saysay ng lahat ng ito. Hindi ko makita kung bakit kailangan ng batas sa mundong marunong lumabag sa lahat ng utos; kung bakit kailangang ayusin ang matagal naman nang sira; kung bakit kailangang maging mabuti kahit na likas naman sa lahat ang maging masama.
Ngayon ko naiisip na tama nga sina Mama at Papa sa plano nilang pabagsakin noon ang Citadel at ang Order.
Laging may tamang tao para sa tamang trabaho.
Sila ang tamang tao para sa naturang trabaho at ako ang maling tao upang mailuklok sa malaking mali na ito.
Naisip ko noon kung kailan ba ang tamang panahon, kaso nalaman kong lahat ng panahon ay tama; mali lang ang mga bagay na ating nagagawa.
Tama na noon ang panahon, nagkataon lang na maling-mali ang lahat ng nagawang desisyon.
"Jean," tawag ko.
"Yes, milady."
"May gusto akong puntahan bukas. Lalabas ako ng Citadel."
"As you wish, milady."
----
To be continued . . .
Next book: Amygdala's End
BINABASA MO ANG
Herrings Eyes (Book 10)
ActionPagkatapos ng kasal nina Max at Arjo, kailangan na nilang kaharapin ang bagong buhay bilang mga natitirang dugo ng mga Zordick at Zach. _______________ Lena0209 All Rights Reserved June2015