4: Correlation

2.9K 166 41
                                    

Hindi nabawi ni Max ang tulog niya sa gabi kaya bumabawi siya sa mga oras na iyon. Katatapos lang nilang kumain ng tanghalian at sapat nang dahilan iyon para hilahin siya ng kama para makatulog bago sila umalis nang alas-otso ng gabi. May schedule sila na dalawang araw para makausap ang unang candidate na kailangan nilang bigyan ng Summons. At dahil walang ideya si Max sa kung ano ang gagawin, iniisip niyang isa lang iyong regular appointment na puwedeng ipa-schedule dahil iyon naman ang standard meeting process na nakasanayan niya.

Ni hindi na niya inabala ang sariling magbihis. Naghubad lang siya ng suit, binukas ang dalawang butones ng white shirt, nagtanggal ng sapatos at medyas, at dumapa na sa kama. Wala pang limang minuto, nilamon na siya ng antok.

Samantala, inubos ni Arjo ang oras niya kauusisa sa buong suite na pansamantala nilang tinutuluyan.

Malaki iyon, pero mas malaki pa rin talaga ang kuwarto nila sa Citadel. Kasalukuyan siyang mag-isa sa banyo at tinitingnan ang mga nakahilera doong shower gel na amoy bulaklak.

"Gusto mo bang lumabas?" tanong ng babae sa salamin.

Ngumiti naman si Arjo saka umiling. "Ayoko."

"Puwede ka nang tumakas dito, Arjo."

"Walang sasama kay Kuya," tugon niya.

"Hindi mo naman siya kapatid."

"Alam ko." Nginitian na naman niya ang salamin. "Aalis kami mamaya, Erah. Gusto mong sumama?"

"Pasasamahin mo 'ko?"

Natawa lang nang mahina si Arjo. "May option ba 'kong iba?" Lumabas na si Arjo ng banyo at binalikan na naman ang paglilibot sa suite hanggang sa maubos ang kalahating oras niya sa pagtitingin-tingin.

Hindi rin mahaba ang pasensya niya sa paghihintay, lalo pa't sinasamantala ng mga boses sa utak niya ang katahimikan para bulabugin siya. Kaya naman mabilis siyang sumampa sa kama at tinapik ang balikat ni Max.

"Kuya, tulog ka pa?"

Hindi ito sumagot.

"Kuyaaaa . . ." Niyugyog niya ang balikat nito para gisingin. "Kuya, pahiram ako ng phone moooo . . ."

"Jo, ano ba?" basag ang boses na ungot ni Max. "Kita nang natutulog yung tao e."

"Kuya, pahiram na'ng phone!"

"Wala akong phone." Isinubsob pa ni Max ang buong mukha sa puting unan na hinihigaan para iwasan ang pangungulit ni Arjo.

"Kuyaaaaaa!" Lalo pang niyugyog ni Arjo ang balikat ni Max. "Saglit lang, hiram lang ng phone!"

"Buwisit na—" Padabog na bumangon si Max at nakakunot ang noong tiningnan si Arjo. Kitang-kita ang pamumula ng mata niya gawa ng malalim na tulog. "Bulag ka ba? Nakikita mong natutulog ako, di ba?"

"Hiram lang ng phone e," nakangusong sinabi ni Arjo.

"Mukha ba 'kong may phone? Nakita mong may dala 'ko?"

"Wala," sabi ni Arjo habang nakanguso at nakasimangot na rin. "Ang boring dito, Kuya. Lalabas na lang ako."

Ang lalim ng hugot ng hininga ni Max at mariing pumikit dahil gusto na talaga niyang batukan nang malakas si Arjo. "Jo, wala pa 'kong tulog, okay?" mahinahon niyang paliwanag.

"Lalabas na lang ako para di ka maistorbo," nagtatampong sinabi ni Arjo at paahon na sa kama para umalis kaso . . . "Aaaah!"

Nakita na lang niya ang sariling patalbog-talbog sa malambot na kama habang nakatitig sa kisame.

"Jo, puwede huwag nang matigas ang ulo, hmm?" pakiusap ni Max. "Napuyat ako dahil sa 'yo, umayos ka. May trabaho pa 'ko mamaya."

Hindi nakasagot si Arjo nang biglang gumapang ang kilabot sa buong katawan niya. Tinitigan niya ang baywang niya kung saan nakapulupot ang braso ni Max, sunod ang mukha nitong malapit sa mukha niya. Naaamoy niya ang pabango nitong amoy matamis na prutas. Naramdaman niyang nag-iinit nang bahagya ang bandang tainga niya na halos mamula na sa mga sandaling iyon. Nakatitig lang siya sa nakapikit na mata ni Max na sapat na para makaramdam ng kakaiba sa sikmura niya.

Herrings Eyes (Book 10)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon