Chapter 12

28 2 0
                                    

PAWISAN AT HAPONG-HAPO si Eleonor ngunit patuloy pa rin siya sa pagtakbo habang palingon-lingon siya sa paligid. Kailangan niyang magmadali upang makalayo at magtago mula sa mga humahabol sa kaniya. Wala na siyang pakialam kung ano na ang hitsura niya sa mga oras na ito. Basta, kailangan niyang lumayo at magtago!

Ramdam na niya ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso na tila ba ano mang oras ay magigiba na ang kaniyang dibdib sa lakas ng pagkabog doon dahil sa nararamdaman niyang kaba habang nagmamadali at puno ng pag-iingat siyang tumatawid sa maliit na tulay na yari lamang sa kawayan. Napapalunok na lamang siya ng sariling laway dahil hindi iyon mapirmi. Bawat hakbang niya ay gumagalaw naman ang tulay at dumuduyan. Isang maling galaw niya ay maaari siyang madulas at mahulog sa ilog.

Napabuga siya ng malalim na paghinga nang sa wakas ay nalampasan niya ang tulay. Noon lamang siya nakaramdam ng sandaling kaginhawaan. Pero saglit lamang iyon dahil muli siyang inatake ng kaba nang marinig niya ang nagmamadaling yapak ng mga paa at kaluskos sa paligid. Bahid ng pag-aalala ang mukha ay muli siyang lumingon sa kaniyang likuran.

"Dali! Bago pa siya makalayo!"

Napalunok siya ng laway. At bago pa man nila siya makita ay mabilis na siyang kumilos. Walang lingon-likod siyang tumatakbo ng mabilis hanggang sa marating niya ang bakuran ni Gabriel. Ni hindi niya inalintana ang mga nakasampay na telang nagpahirap sa kaniyang makita ang nasa unahan. Hanggang sa bumangga siya sa isang matigas na bagay nang magawa niyang makalusot. Sa lakas ng impact ay napaatras siya at muntikan pang matumba kung hindi lamang sa mga kamay na mabilis na humawak sa magkabila niyang mga braso.

"Eleonor..." nanlaki ang kaniyang mga mata ng makilala kung sino ito.

"Bakit ka tumatakbo at takot na takot? Anong problema?" kunot ang noo at sunod-sunod kaagad na tanong ni Gabriel at labis ang pag-aalala sa kaniyang mukha na nililingon ang nasa likod ni Eleonor bago siya nito muling binalingan at tinitigan sa mga mata.

"Anong nangyayari? Sabihin mo sa akin, Eli," muling tanong ni Gabriel sa tila namamaos na tinig. Tonong nakikiusap at kumikislap ang nangungusap nitong mga matang nakatitig sa kaniya habang tila hindi naman makaapuhap ng sasabihin niya si Eleonor.

"Gabriel..." mababa ang tonong banggit niya sa pangalan nito. Iniiling niya ang ulo at hinawakan ang kamay isang kamay nitong nasa kaniyang balikat. Akma na siyang magpapaliwanang nang may marinig nila ang mga yabag ng paang nagsisipagtakbuhan at sabay pa silang napalingon sa likod.

"Bilis! Dito ko siya nakitang lumusot," anas ng boses.

Mabilis siyang napalingon kay Gabriel. Napabuga ito ng isang malalim na buntong-hininga at binitawan si Eleonor upang harapin ang mga humahabol sa babae subalit naging mas mabilis din namang kumilos si Eleonor para pigilan siya. Hinuli niya ang kamay nito at hinila. Pumasok sila sa loob ng maliit na bodega at tambakan ng mga gamit ni Gabriel sa pagkukumpuni at doon nagtago.

"Nasaan na iyon? Dito ko lang nakitang lumusot si Ate Eli ah," kamot-kamot ni Pia ang ulo habang nagpapalinga sa paligid. Napatakip naman ng bibig si Eleonor at mahinang humagikhik.

"Eleonor–"

"Shh..." putol at saway niya rito na idinikit pa ang hintuturo sa labi nito. Nakangiti pa siya nang magtaas siya ng tingin dito. At nais niyang pagsisihan ang ginawang aksyon dahil noon lamang niya napagtanto kung gaano sila kalapit sa isa't isa.

Ang kaninang ngiti sa labi niya ay unti-unting nawala. Dahil halos magkayakap na silang dalawa ay agad niyang naramdaman ang mabilis na paglatay ng init na nagmumula sa katawan ni Gabriel. Tila ayaw maampat ang kaba sa kaniyang dibdib nang makita niya kung gaano kaseryoso ang hitsura ni Gabriel. Nagniningning ang nangungusap nitong mga mata habang nakayukong nakatitig sa kaniya. Pakiramdam pa niya ay libo-libong bultahe ng kuryente ang dumaloy sa katawan niya nang hawakan ni Gabriel ang kamay niyang nasa labi nito at hindi iyon binitawan. Marahan siyang napalunok. Pakiramdam niya ay kinakapos siya ng hininga anupa't bahagya niyang ibinuka ang mga labi upang doon huminga pero ang mga tingin ni Gabriel ay nahulog doon sa labi niya. At bago pa man siya makahuma ay naramdam na lamang niya ang malambot at mamasa-masang labi ni Gabriel na dumampi sa labi.

Ang mga mata niyang nanatiling mulat dahil sa gulat ay unti-unting napapapikit dahil sa labis na emosyon habang dinadama ang mabilis at malakas na tambol sa puso niya. Hanggang sa unti-unti ay naramdaman niya ang pag-galaw ng labi ni Gabriel na tila nais pang palalimin ang paghalik sa kaniya. Doon ay para siyang natauhan at itinulak niya si Gabriel.

Labis-labis ang kaba sa dibdib niya habang magkahalong gulat at pagsisisi ang nakikita niyang emosyon sa mga mata ni Gabriel. Umakma itong lalapit sa kaniya subalit mabilis siyang lumayo mula rito at walang salita na tinalikuran niya ito at nagmamadaling lumabas sa bodega.

"Eleonor!" narinig pa niyang tawag nito sa kaniyang pangalan pero walang lingon-likod na tumakbo siya palayo at iniwan ito.







Itutuloy...

Heredera Series: Langit Sa Piling MoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon