"KUYA GABRIEL!"
Mabilis silang sinalubong ng mga batang nagsisitakbuhan at pumalibot ang mga ito sa kanila. Si Eleonor ay natutuwa na makitang masisigla ang mga ito sa umaga habang si Gabriel ay tumayo sa harap ni Rusty na para bang harang sa makukulit na mga batang ito.
"Magdahan-dahan lang kayo at baka magulat itong kabayo, masipa kayo ni Rusty," saway nito sa mga bata.
Sa edad ng mga batang ito na tingin niya ay nasa anim hanggang walong taong gulang ay madali na kung umintindi. Kaya namangha siya nang agad na sumunod ang mga ito sa isang salita lamang sa kanila ni Gabriel. Halatang maganda ang pagpapalaki ng mga magulang nila dahil hindi matitigas ang kanilang mga ulo.
"Ang ganda niya naman po. Sino po siya kuya?" inosenteng tanong ng isang napaka-cute na batang babae at itinuro siya. Mukha itong buhay na manika sa bilugang mukha at matabang pisngi na nais niyang panggigilan. Bilugan din ang mga mata nito at mapilantik ang mahahabang pilik-mata, matangos na ilong at maliit na labi. Mahaba ang tuwid at itim na itim nitong buhok, at bagay sa kaniyang hitsura ang full bangs niya.
Nakangiting nilingon siya ni Gabriel bago nito niyuko ang bata upang magpantay ang kanilang mukha. Marahan niya pa niya itong hinawakan sa balikat.
"Siya ang Ate Eleonor ninyo," nakangiti pa ring sagot naman ni Gabriel.
"Nobya mo ba siya, Kuya Gabriel?" segunda ng isa pang batang lalaki na mas nakatatanda na sa tingin niya ay nasa pito o walong taong gulang na ito. Ang tanong nito ay nasundan ng pilyong ngisi sa labi at tukso na mula sa iba pang mga bata.
Nahihiya namang ngumiti si Eleonor at sunod-sunod ang mabilis na pag-iling ng ulo ang ginawa niya upang itanggi at linawin ang maling akala ng mga ito. Pero hindi iyon pinansin ng mga bata dahil patuloy ang mga ito sa panunukso sa kanila ni Gabriel.
"Tiyak akong maraming kababaihan dito sa ating nayon ang iiyak kapag nalaman nilang may nobya ka na kuya."
"Oo nga! Lalo na si Ate Lope!" anas ng isa pa.
Bumuntong-hininga si Gabriel matapos umayos ng tayo.
"Kayo talagang mga bata kayo oh! At anong alam ninyo tungkol sa pagkakaroon ng nobya? Ha? Baka gusto niyong isumbong ko kayo sa mga nanay at tatay ninyo? Hala, sige na at doon na kayo maglaro," kunwaring nagagalit at saway nito sa kanila.
"Oy, si Kuya Gabriel nagagalit samantalang nagbibiro lang naman kami. Ang sabi nga po namin ay sa bandang doon na lang kami maglalaro. Tara na!" iyon lang at parang walang nangyari na sunud-sunod na nagsipagtakbuhan ang mga ito.
Pareho silang dalawa na sinundan ng tingin ang papalayong mga bata. Iiling-iling naman si Gabriel nang kaniya itong lingunin. Sandali pa ay nahihiya itong bumaling sa kaniya na kaniyang ikinagulat ngunit hindi na lamang niya ito ipinahalata. Ngumiti siya at kunwari ay muli niyang hinabol ng tingin ang mga naghahabulang mga bata para itago ang pag-iinit at pamumula ng kaniyang pisngi.
"Pasensya ka na sa mga batang iyon. Sadyang makukulit pero mababait naman sila," narinig niyang sabi nito.
"Okay lang naman sa akin. Pero hindi mo na dapat sila pinagalitan pa," may ngiti sa labing sabi niya.
"Hindi ko naman pinagalitan. Kaunting pananaway lang naman iyon," sabi nito. "Atsaka, kapag hindi ko ginawa iyon ay hindi sila titigil sa panunukso sa atin."
"Is that okay? Paano kung magsumbong sila sa parents nila?" kunot ang noong tanong pa niya.
"Edi sila pa rin ang mapapalo," tumatawa nitong sagot na tumigil lamang nang mapansing hindi nagbago ang kaniyang ekpresyon at parang namamangha pa nga ito.
"Huwag mo nang masyadong alalahanin iyon, Eleonor. Ang mga tao rito sa rancho ay magkakaibigan at parang pamilya na kung magturingan. Lahat ng mga nakatatanda rito ay tulong-tulong sa pagsaway at pagdidisiplina sa mga bata, maturuan sila ng mabuting asal, maging magalang at marunong rumespeto sa mas nakatatanda sa kanila," mahaba pa nitong paliwanag. Iyon lang naman ang magagawa nila sa mga bata. Ang pananakit at paglalapat ng kamay ay hindi nararapat gawin ng isa kung ito ay hindi kasapi ng pamilya. Kung kailangang paluin ang isang bata ay walang kapangyarihan si Gabriel na gawin iyon, karapatan iyon ng magulang.
"Gabriel," pareho silang napalingon sa tumawag dito. Isang babaeng may dalang bilao at nakasukbit sa baywang nito ang dumating. Her skin complexion is darker than Eleonor, pero hindi iyong itim na itim. Latina ang beauty nito at tingin niya ay hindi nalalayo ang agwat ng kanilang mga edad.
"Lope," anas ni Gabriel sa kaniyang tabi.
Sa kabilang banda ay halos hindi matanggal ang tingin ni Eleonor sa babae. Talagang maganda ito lalo na kapag ngumingiti dahil lumalabas ang biloy nito kaliwang pisngi. At tama ba ang narinig niyang pangalan na itinawag ni Gabriel dito? Siya ba ang Lope na sinasabi ng mga bata kanina na may gusto sa binata? Ayaw na lamang niyang pakaisipin at tila nakararamdam ng kaunting kirot ang kaniyang puso lalo na at nakikita niyang malapit sila sa isa't isa. Iba rin ang kislap sa mga mata ni Gabriel kaya hindi malabong isipin niyang may gusto rin ito kay Lope.
"Saktong-sakto pala ang dating ninyo eh. Naghahanda na kaming kumain. At hulaan mo kung ano ang dala naming ulam?" nakangiti at waring nambibitin nitong sabi. "Iyong paborito mo!"
"Talaga? Naku, tamang-tama at nagugutom na rin ako. Hindi pa kami kumakain eh. Hintayin mo at lalantakan ko iyan mamaya. Ipapasok ko lang si Rusty sa kwadra," nagagalak na wika ni Gabriel.
"Bilisin mo lang at baka mabusan kita!" natatawang sabi ni Lope dahilan upang matawa rin si Gabriel. At si Eleonor ay tahimik na nakikinig at nakangiti ng tipid.
"Ah, siya nga pala Lope," kapag kuwan ay sabi ni Gabriel pagkatapos ay binalingan siya. "Siya ang sinasabi ko sa iyo, si Eleonor."
Nakangiti itong bumaling sa kaniya kaya ngumiti rin siya matapos ng sandaling paglingon niya kay Gabriel.
"Ako si Penelope. Pero Lope ang tawag nila sa akin," pagpapakilala nito. Dagli naman niyang tinaggap ang pakikipagkamay ng babae.
"Oh, ikaw na muna ang bahala sa kaniya Lope. Ihahatid ko lang itong si Rusty," iyon lang at umalis na si Gabriel hila sa tali ang kabayo.
"Tara rito," pagyaya ni Lope sa kaniya.
Hindi naman kalayuan ang nilakad nila patungo sa bahay-kubong naroon. Ang bawat taong madaan nila ay binabati ni Lope at ganoon din ang mga ito sa kanila. Nang makarating sila sa bahay-kubo ay kaagad na ibinaba ni Lope ang bitbit niyang bilao sa pahabang lamesa. At katulad nga ng sinabi nito kanina ay nakahanda na ang mga pagkain nila roon na sadyang tinakpan ng dahon ng saging.
"Magandang umaga po Tiya Nelia," pagbati nito sa may edad ng babae.
"Oh, mabuti at bumalik ka na Lope," sabi nito at natigilan nang makita siya. "Sino ang magandang dilag na kasama mo?"
"Siya po si Eleonor. Kaibigan ni Gabriel."
"Good morning po," nahihiya pa siyang ngumiti sa pagbati kay Tiya Nelia. Kinuha pa niya ang kamay nito upang mag-mano sa likod ng kaniyang palad na siyang ikinangiti nang malawak ng huli.
"Kaawaan ka po ng Diyos, senyorita. At ikaw naman Lope," sabi nito sabay bumaling kay Lope. "Nasasanay ka na yatang tawagin sa pangalan lang si Senyor Gabriel. Hindi porke't mabait at hinahayaan niya eh nilulubos mo na. Igalang mo pa rin ang Senyor," pangangaral nito sa dalaga.
"Opo."
Lihim namang natawa si Eleonor nang sumimangot si Lope at umismid. Ginaya pa nito ang galaw ng labi ni Tiya Nelia nang ito ay tumalikod at sabay pa silang tahimik na bumubungisngis. Natigil lamang sila nang muli itong pumihit paharap.
Itutuloy...
BINABASA MO ANG
Heredera Series: Langit Sa Piling Mo
RomanceEleonor Costello had everything in life. As the sole proprietor of Hacienda Costello she is expected to take over her family estate and continue her family's legacy of wealth and power. Kaya lubos siyang iniingatan ng kaniyang papa at nagtalaga ito...