Chapter 13

34 3 0
                                    

"ELEONOR!"

Sinubukang habulin ni Gabriel ang dalaga pero tumakbo lamang ito palayo. Bakit nga ba niya hinalikan ito? Kahit gusto-gusto niyang suntukin ang sarili dahil masyado siyang nagpadala sa kaniyang damdamin at naging mapusok ngunit masisisi ba naman niya ang kaniyang sarili kung iyon ang idinidikta ng puso niya sa kaniya. Na para bang iyon ang hinihingi ng sitwasyon na nararapat niyang gawin.

Masyadong nakahuhumaling si Eleonor. Ang maganda at inosente nitong mukha. Ang natural at mabangong amoy nito na kahit pawis ay tila nagpalasing sa kaniyang diwa. Ang mga labi niyang sinlambot ng marshmallow nang ito ay kaniyang halikan. Nakakaadik na sinubukan pa niyang palalimin ang halik. Pero hindi niya napaghandaan ang naging reaksyon ni Eleonor. Masyado niya itong binigla kaya hindi na siya magtataka kung galit ito sa kaniya ngayon.

Ngunit ang malakas na pagpintig ng puso niya sa kaniyang dibdib ay tila nagpapahiwatig na hindi iyon matatanggap ng kaniyang kalooban. Kaya para siyang nanghina at nawalan bigla ng lakas at napasandal sa haligi habang tinatanaw na lamang ang papalayong dalaga. Lingid sa kaniyang kaalaman ay naroon din si Lope hindi kalayuan sa kaniya at pabalik-balik ang tingin sa kanilang dalawa ni Eleonor buhat pa kanina.

"Anong nangyari?" Mabilis siyang napalingon at noon lamang tumayo nang maayos nang makita si Lope na tinatanaw din ang kanina pa niya tinitingnan. Hanggang sa tuluyang hindi na maabot ng tanaw nila ang pigura ni Eleonor.

"Ikaw pala, Lope. Anong ginagawa mo rito?" balik niyang tanong upang maiwasan ang tanong nito.

Nilampasan naman siya ni Lope. "Ibabalik ko lang itong tools na hiniram ni Kuya Anton," ani nito sabay taas ng hawak na tools upang ipakita sa kaniya.

"Akin na," anas niya at kinuha ito mula kay Lope upang hindi na ito mahirapan at mabigatan. "Salamat."

Isang ngiti ang isinagot nito at nagtagal ang pagkakatitig sa mukha niya. At alam na alam na niya ang mga ganoong tingin sa kaniya ni Lope. Senyales ng pagpapahiwatig ng paghanga o higit pa. Kaya bago pa man ang lahat ay tinalikuran na niya ito upang ilagay sa loob ng bodega ang mga tools bago muling lumabas.

Isang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan. "Sinabi ko na sa iyo, parang kapatid na ang turing ko sa inyo ni Anton at nirerespeto ko si Mang Dado na iyong ama. Kaya ibaling mo na lamang sa iba ang kung ano man iyang nararamdaman mo para sa akin,"

"Assuming ka?" sabay pag-irap nito ng mga mata. "Kota na ako sa ilang beses na pagtanggi mo sa akin. At isa pa ay nilimot ka na ng puso ko kaya eww, Gabriel!"

Sa narinig ay nagpanting ang mga tainga niya. Hindi niya alam kung matatawa ba siya o maiinis kay Lope ngayon. Gayunpaman ay hindi niya magawang magalit para rito.

"Iyon naman pala! Bakit nagpapa-cute ka pa rin sa akin ngayon?" bigla namang nalukot ang mukha ni Lope sa kaniyang pang-aasar. Ngumuso pa ang mga labi nito bago siya inirapan ng mga mata.

Huminga ito ng malalim tapos ay muli siyang binalingan ng tingin. "Nakita kong lumabas si Eleonor at nagmamadaling tumakbo. Anong nangyari? May ginawa ka ba sa kaniya?" tila nang-aakusa ang tinig nito.

Natahimik si Gabriel na para bang nahuli sa kalokohang ginawa. Ngunit imbes na umamin ay pasimple siyang umiwas.

"Wala."

"Talaga?" parang hindi pa ito naniniwala sa kaniya. "Eh bakit namumula ang mukha niya nang makita ko?"

Mabilis pa sa alas-quatro niya itong nilingon. At nais niyang pagsisisihan iyon nang makita ang ngisi sa labi ni Lope na parang mayroon itong nalalaman. "Malay ko. Siguro dahil sa pagod mula sa paglalaro nila ng mga bata," palusot pa niya. "atsaka ano naman ang gagawin ko kay Eleonor? Kung meron man, sa aming dalawa na lamang iyon."

Pinilit niyang pigilan ang ngiting nais kumawala nang maalala ang nangyaring paghalik niya kay ni Eleonor. Ngunit pinagtaksilan siya ng sariling mga labi kaya hindi siya tinigilan ni Lope.

"May nangyari nga?"

"Wala nga," ginawa niyang seryoso ang ekspresyon ng mukha. "Bakit mo ba ako kinukulit. Tanong ka ng tanong diyan."

Bumuntong-hininga si Lope. Pinagkrus nito ang mga braso sa ilalim ng dibdib at pinakatitigan si Gabriel.

"Napapansin kong mas madalas mo ng samahan ngayon si Eleonor. Gusto kong malaman kung ano ang tingin mo sa kaniya. May gusto ka ba sa kaniya, Gabriel?"

Sandali siyang natigilan at pinaglabanan ang bigat ng mga titig ni Lope. Bahagya ang pag-galaw ng kaniyang lalamunan nang lumunok siya ng laway. "Ano ba namang klaseng tanong iyan? Nakalimutan mo na bang ako ang personal niyang tagaturo kung paano sumakay ng kabayo?"

"Bakit kailangang ikaw kung pwede namang si Anton?"

Iyon ay dahil nais niyang mapalapit kay Eleonor. Nais niyang sabihin subalit mas minabuti niyang sarilinin na lamang iyon.

"Hindi mo ako kailangan sagutin," dagdag nito nang matagal bago niya sinubukang magsalita. "Dahil sa rami ng mga babaeng nagkakandarapa sa iyo rito sa rancho, kay Eleonor na kailan mo lamang nakilala, nakita ko ang kakaibang kislap sa iyong mga mata sa tuwing tinititigan mo siya. Kaya alam ko ang sagot sa totoo mong nararamdaman para sa kaniya Gabriel."

"Lope..." tanging nasabi niya.

"Bakit hindi mo sabihin sa kaniya? Malay mo, magkapareho pala kayo ng nararamdaman," sabay alay nito ng matamis na ngiti.



Itutuloy...

Heredera Series: Langit Sa Piling MoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon