Chapter 8

37 4 0
                                    

"HIYA! Bilisan mo pa, Rusty."

Matulin ang takbo ng kabayo habang sakay nito si Eleonor. Hindi niya alintana ang hanging humahampas sa kaniyang mukha at nililipad niyon ang nakalugay at mahaba niyang buhok. Sanay na sanay na siyang mangabayo. At si Rusty ang paborito niyang sakyan.

Higit isang buwan na rin siyang nananatili rito sa Rancho de Guerrero at inaamin niyang nahirapan siya sa mga pagbabago sa buhay niya. Malayo sa nakasanayan niyang maalwan at magaang buhay, dito ay kailangan niyang magtrabaho. Hindi dahil sa inoobliga siya ni Gabriel o ng mga naninirahan dito, kung hindi ay dahil sa pagpupumilit niya. Nais niyang makisama sa lahat at tumulong sa mga gawain bilang kabayaran niya at pasasalamat sa pagpapatuloy nila sa kaniya.

Gayunpaman ay hindi siya binigyan ng mahihirap at mabibigat na trabaho. Pagpapakain ng mga manok, paglilinis ng kwadra ng mga kabayo at iba pang magagaan na trabaho ang madalas niyang gawin. Minsan ay nagkukusa naman siyang tulungan si Lope sa paglilinis ng bahay ni Gabriel, pagdidilig ng mga halaman at natuto na rin siya kung paano magluto ng kanin at ulam.

Noong una ay mahirap ang adjustment para sa tulad niyang sanay sa marangyang buhay ngunit sa paglaon ng mga araw ay nagugustuhan niya ang uri ng pamumuhay dito sa rancho. Simple lang at walang may nagdidikta sa kaniya kung ano ang dapat at hindi dapat niyang gawin.

She is living her life to the fullest and loving it more than ever before.

Humina ang takbo ni Rusty nang malapit na sila sa kwadra at kinuha iyong pagkakataon ni Eleonor upang hilahin ang tali nito at tuluyang patigilin. "Magaling, Rusty. Hindi ka pa rin nagbabago. Kasingbilis pa rin ng kidlat ang tulin mo sa pagtakbo," komenda niya habang hinihimas ito at halinghing ng kabayo ang narinig niyang sagot dahilan ng mas lalong paglawak ng kaniyang ngiti.

Napalingon naman siya sa likod nang marinig ang mga yapak ng tumatakbong puting kabayo. Ito naman ang personal na paborito ni Gabriel si Primrose. Bumaba si Eleonor mula sa likod ni Rusty at hinintay ang pagdating ni Gabriel. Nginisihan niya ito at nakangiting iiling-iling ang ulo ng lalaki na bumaba sa kabayo.

"Mahusay, Primrose," kausap niya rito at matapos na himasin ang leeg nito ay nilingon siya. "Mahusay ka na rin mangabayo, Eli."

"It's all because of you, Gabriel. Kung hindi dahil sa pasensya mong turuan at sanayin ako ay hindi ako matututo," sinsero siyang ngumiti.

"At isang malaking pagkakamali ko na hamunin ka sa isang karera."

Pareho pa silang natawa ni Gabriel. Sino ba ang mag-aakala na magagawa niyang daigin ito? Isang eksperto si Gabriel kaya kahit siya ay hindi makapaniwalang mananalo siya sa kanilang karera. O marahil ay pinagbigyan lamang siya nitong manalo ngunit nang tanungin niya ay itinanggi iyon ni Gabriel at sinabing magaling siya. Hindi naman niya magawang paniwalaan ito hanggang sa nagbiro itong magkaroon sila ng rematch sa susunod.

Nang sumunod na araw ay naaaliw siyang makasama ang mga bata sa gazebo. Kung noon ay nakikita niya itong naglalaro kung saan-saan kahit tirik ang araw ay ngayon nama'y tila naging tambayan na nila ang garden at gazebo ni Gabriel. Dito ay naglalaro sila ng may kabuluhan. May mga pagkakataong nagbabasa sila ng mga librong pambata, she will tell them a story tapos iaakto ng mga bata ang bawat kaganapang ikinukwento niya na para mga artista pagkatapos ay mapupuno sila ng tawanan.

Ngayon ay kasalukuyan niya silang tinuturaan kung paano gumuhit ng larawan na maiisip nila. Pero dahil mga bata pa ay hindi ganoon kaganda ang mga gawa pero may nakikita siyang potensyal na sa paglipas ng panahon at kung maeensayo ng mabuti ay tiyak niyang magiging mga dalubhasa ito sa pag-guhit pagdating ng araw.

"Gusto kong lagyan ng kulay ito Ate Eli," anas ng batang may matabang pisngi na noon pa niya pinanggigililang kagatin.

"Ano ba ang igunuhut mo, Pia?" nilapitan pa niya ito upang silipin ang nasa papel nito.

"Butuin po tapos bahay namin. Ito si nanay tapos si tatay at ako," itinuro nito sa kaniya ang bawat larawan sa papel.

"Ang galing mo naman Pia. Sige kulayan mo na," ngiting sabi niya. "Kayo rin, lagyan niyo ng kulay ang drawings niyo ha."

"Opo Ate Eli!" sabay-sabay na sagot ng mga ito at hindi niya inaasahan na sasabayan iyon ni Lope na kadarating lang.

"Ikaw pala, Lope," nakangiti kaagad siya rito.

"Ang galing naman ng guro na iyan," ang lawak ng pakakangiting anas ni Lope. "Sa sobrang galing ay nakukuha ang atensyon kahit hindi estudyante," dagdag pa nito na nasundan ng bungisngis.

Kumunot naman ang noo ni Eleonor ngunit naroon pa rin ang ngiti sa labi. "Ano ba ang sinasabi mo riyan, Lope? Bago ka dumating ay kami lang ng mga bata ang naririto sa gazebo. At alam mong hindi ako naniniwala sa mga multo kaya hindi mo ako matatakot."

"Eh hindi naman multo o kung anong sa-maligno ang ibig kong sabihin," ngiting-ngiti nitong sagot. "Ang tinutukoy ko ay si Gabriel," sabi nito pagkatapos ay nagpakawala ng hangin. "Hindi mo siguro napapansin pero madalas kong makita si Gabriel na nakatanaw sa iyo at tinititigan ka."

Lumalim ang guhit sa pagitan ng kilay niya. "Ano? Niloloko mo nanaman ako Lope."

Hindi talaga magandang desisyon na umamin siya sa babaeng ito na crush niya si Gabriel. Minsan lang siyang nahuli nito na nagnanakaw ng tingin sa lalaki ay mabilis pa sa alas-quatro na kanastigo siya ni Lope. Simula noon ay parati na lamang siya nitong niloloko at inaasar kay Gabriel.

"Totoo ang sinasabi ko, Eli kahit tingnan mo pa ang balkonahe niya ngayon," parang kinikilig pang sabi ni Lope.

At hindi niya alam kung bakit nagpauto nanaman siya sa sinabi nito dahil nilingon nga niya ang balkonahe ni Gabriel. At tama ito, naroon nga ang lalaki at nakatanaw sa pwesto nila o tamang sabihing sa kaniya dahil nang lingunin niya ito ay nagtama ang kanilang mga tingin. Matagal at tila may pwersang humihigop sa kaniya hanggang sa ito na ang unang nagbawi ng tingin. Ramdam niya ang malakas na pagkabog sa kaniyang dibdib habang impit na pinakawalan ni Lope ang kilig at napahampas pa sa braso niya.

"Tama ako 'di ba?" kinikilig pa ring sabi ni Lope na hindi niya nagawang sagutin. Bagkus ay napakuha siya ng tubig at tuloy-tuloy na inubos ang lamang ng isang baso.

Matagal na niyang alam na maganda ang mga mata ni Gabriel at tila isa iyon sa mga asset nito. Pero bakit ganoon iyon kung makatitig sa kaniya kanina? Sobrang lalim at tila may malisya ang nangungusap nitong mga mata.




Itutuloy...

Heredera Series: Langit Sa Piling MoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon