Chapter 6

39 3 0
                                    

NAGSIMULA silang kumain nang dumating si Gabriel kasama ang katiwala at katulong nito sa pag-aalaga at pagpapastol ng mga kabayo na si Mang Dado, na ama ni Lope at kapatid nitong si Anton. Kasalo rin nila sa pagkain ang ilan pang nagtatrabaho sa rancho. Akala mo ay isang malaking handaan sa pyesta ang kanilang pinagsasaluhan dahil sa rami ng mga pagkaing ibinaon nila.

At masaya pala kapag marami kang kasama sa pagkain. Iba't ibang kwento ang maririnig mo at mabubusog ka hindi lang sa mga pagkain kung hindi pati na sa tawanan. At napupuno ang puso ni Eleonor sa kasiyahan dahil ngayon lamang niya naranasan ang ganito at hindi nila siya itinuturing na iba.

Noong nasa Hacienda Costello siya ay palagi siyang mag-isa. Kahit pa sabihin niyang naroon din ang mga kasambahay at napapalibutan siya ng kaniyang mga bodyguards ay pakiramdam niya nag-iisa pa rin siya. Ang papa naman niyang si Don Miguel ay palaging abala. Kung kaniyang titimbangin ay mas maraming oras ang iginugugol nito sa pagtatrabaho kaysa ang makasama niya ito at makasabay sa pagkain. Bilang lamang niya sa kaniyang mga daliri ang mga pagkakataong iyon.

"Kumain ka pa Eli. Marami pang pagkain. Gusto mo ba ng prutas? Anong gusto mo? Sabihin mo lang," kuntodo sa pag-aasikaso sa kaniya ang katabing si Gabriel. At umawang ang labi niya nang abutin nito ang isang piling saging at ibinigay sa kaniya.

"Gusto mo ba ng saging?"

"A-Ayos lang ako, Gabriel. Ako na lang ang kukuha ng pagkain ko," nahihiya niyang sabi lalo pa at nakita niya ang paglingon sa kanila ni Lope. Naiilang siya sa ginagawang pag-aasikaso sa kaniya ni Gabriel lalo pa at alam din niya na may gusto rito si Lope. Baka magselos ito at kung ano pa ang isipin nito tungkol sa kaniya.

"Parang hindi ka naman kumukuha eh. Ang liit lang niyang kinakain mo. Pusa ka ba?" anas nito sabay turo sa laman ng kaniyang pinggan dahilan upang bumaba rin ang tingin niya roon.

Tama nga ito. Maliit lang ang laman ng pinggan niya dahil tatlong sandok ng kutsara lamang ang ginawa niya sa pagkuha ng kanin kanina.

"P-Paabot na lang ako ng kanin," nasabi na lamang niya.

Naaaliw naman si Gabriel sa panood kay Eleonor. Hindi niya alam kung sadyang gutom ito o natataranta ba o ano dahil hindi yata nito napapansin na napaparami ang pagsandok nito sa kanin. Pinabayaan niya na lamang kaysa punain pa ito.

Nang matapos si Eleonor ay ibinalik niya kay Gabriel ang bandehado na siyang tinanggap naman ng huli at muling inilapag sa gitna ng lamesa. Hindi niya nakalimutang ngitian at pasalamatan ito.

"Mauubos mo naman bang lahat iyan?" kapag kuwan ay naitanong nito at inginuso ang pinggan niya. Hugis bundok ang kanin sa pinggan niya nang ito'y makita at tila ngayon lamang niya iyon napagtanto. Nang lingunin niya si Gabriel ay nakangiti nanaman ito kaya nahihiya at tipid din siyang napangiti.

"Naparami ang kuha ko," nahihiya niyang sabi.

"Akin na. Ilipat mo rito sa pinggan ko ang iba," anito at kinuha ang pinggan niya para ilagay sa sarili nitong pinggan ang ibang kanin. Di hamak na mas kumunti ang laman ng pinggan niya kung kumpara kanina nang ibalik ito ni Gabriel.

"Anong gusto mong ulam?" tanong muli nito dahilan para ilibot niya ang paningin sa ibabaw ng lamesa na sinundan ni Gabriel. Pero agad ding kumunot ang noo nito at nanlaki ang mga mata nang kumuha siya noong paborito nitong ulam.

"T-Teka! Sigurado ka ba riyan?" mabilis nitong pinigilan ang kamay niya nang akma niyang isusubo ang maliit na hiwa ng karne.

Hindi naman sa pinagdadamutan siya ni Gabriel pero naisip nitong baka lang kasi hindi siya kumakain niyon at ngayon pa lang yata makakatikim. Halata niya kasi sa hitsura ni Eleonor ang pagiging kuryuso.

Kumunot ang noo ni Eleonor. Nagtataka siya sa reaksyon ni Gabriel at pati na rin ng iba pa. Pero ngumiti na lamang siya at tumango ng ulo. Nang hindi pa rin binibitawan ni Gabriel ang kamay niya ay iyong isang kamay ang ginamit niya sa pagsubo.

"Hmm... Masarap! Lasang adobo," tatango-tango niyang sabi.

Si Gabriel naman ay alanganing ngumiti at napapatango rin ng ulo habang pinapanood ang pagnguya at muling pagsubo ni Eleonor. Ganoon na rin sila Lope, Mang Dado, Tiya Nelia at iba pa.

"Adobo naman talaga 'yan," ani Anton dahilan upang lingunin ito ni Eleonor.

"Talaga? Is it chicken adobo or pork?"

"Ah," napapakamot ito ng ulo.

Si Eleonor ay nakangiti pa rin at ngumunguya nang muling bumaling kay Gabriel habang naghihintay sa sagot nila.

"Adobong palakang bukid," anito.

Dahil sa narinig ay unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Eleonor. Awtomatikong natigil ang kaniyang pagnguya na halos hindi na niya magawa pang idikit ang dila sa ngala-ngala. Napagtanto niyang hindi ito nagbibiro nang lingunin niya ang kanilang mga kasama at pare-pareho lamang ang reaksyon ng mga ito at animo'y prinaktis ang sabay-sabay nilang pagtango.

Muli niyang nilingon si Gabriel pagkatapos ay ang iba pa ng may nahihiya at alanganing ngiti bago siya tumayo at tumakbo palabas ng kubo upang iluwa ang kaniyang kinain. Ayaw sana niyang gawin iyon dahil parang magmumukha siyang bastos pero talagang hindi na niya kaya pang lunukin iyon. Sa tanang-buhay niya ay ngayon pa lamang siya nakakain ng palakang bukid. Masarap pero sadyang hindi niya lamang nakasanayan kaya halos baliktarin niya ang kaniyang sikmura mailuwa lamang ang mga nakain.

Nasa ganoon siyang sitwasyon nang biglang sumulpot si Gabriel sa kaniyang gilid at hinimas ng kaniyang mainit na palad ang kaniyang likod.

"Tubig ka muna," anas nito sabay abot ng isang basong tubig.

"S-Salamat," nakasimangot pa siya nang tanggapin niya iyon na siyang ikinatawa naman ni Gabriel.

Hindi naman masama ang kaniyang loob dahil sa nangyari pero naiinis siya dahil sa pang-aasar sa kaniya ni Gabriel. Nakakaasar ang paraan ng pagtawa nito at napipikon siya na ewan. Hindi niya kasi magawang magalit dito dahil katangahan naman niya iyon. Tuloy ay wala siyang ibang magawa kung hindi ang pabiro itong siringan na lamang ng tingin at irapan si Gabriel na mas lalo lamang ikinatawa nito.

Walang pasabi niya itong tinalikuran at naunang naglakad pabalik sa kubo. Si Gabriel ay tumatawa pa rin nang siya ay tawagin at mabilis itong sumunod sa kaniya. Nang siya ay maabutan ay sumabay ito sa bilis ng kaniyang paglalakad.

"Sorry na Eli. Nagbibiro lang naman ako," sabi nito sa tabi niya.

"I can't believe you. Ikinaliligaya mo ang misfortune ng ibang tao?" lingon niya rito nang tumigil siya sa paglalakad kaya ito ay napatigil din.

"Misfortune na ba iyon?" sabay tagilid ni Gabriel ng ulo.

Umikot ang mga mata ni Eleonor at hindi ito sinagot. Bagkus ay nagpatuloy siya sa paglalakad at lihim na lamang na ngumiti nang marinig ang muling pagtawag ni Gabriel sa kaniyang pangalan. Akala ba nito ay siya lamang ang marunong magbiro?

"Eleonor!" tawag pa nito. Narinig niya ang paghabol sa kaniya ni Gabriel hanggang sa naramdaman niya ang paghawak ng kamay niyo sa kanyang braso dahilan upang muli siyang mapatigil sa paglakad. Kunwari ay wala siyang ganang hinarap ito.

"Pero aminin mo," sabi nito. "Parang manok ang lasa 'di ba? 'Di ba?" pinilit niyang ikubli ang ngiti sa pagiging makulit nito pero hindi niya napigil ang pagkibot ng kaniyang mga labi habang pinag-iisipan ang tanong nito. "Nasarapan ka rin. Aminin mo na," dagdag pang sabi nito habang may pagmamalaking ngisi sa mga labi. Tuloy ay hindi niya napigil ang pagsilay ng kaniyang ngiti at huli na nang subukan niya itong itago sa pamamagitan ng pagtalikod kay Gabriel dahil nakita na nito ang pagguhit ng ngiti sa kaniyang labi dahilan upang humalakhak ito ng tawa.

"Masarap ang adobong palakang bukid!" sigaw nito. Nakangiting naiiling na lamang siyang tumakbo pabalik sa kubo.




Itutuloy...

Heredera Series: Langit Sa Piling MoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon