Only The Bravest Hearts - chinn4monroll
Hi thank you for trusting this shop! Pasensiya na kung natagalan ang paglapag ko ng critique sa iyong likhang nobela. Naging abala lamang ako sa ilang personal na gawain. Gayunpaman, hayaan mong ibigay ko ang ilang magagandang katangian ng iyong likhang kuwento maging ang mga bahagi na kailangan pa ng ibayong pag-unlad.
Book Cover - 9.5/10
Sa tingin ko, wala nang kailangang baguhin sa pabalat ng iyong nobela. Nagustuhan ko ito. Maganda ang kulay ng font na ginamit, saktong-sakto rin ang font size. Talagang naglaan ka rin ng simbulong puso sa itaas na bahagi upang doon mo ilagay ang pamagat na nagbibigay ng isang espesyal at makahulugang elemento sa disenyo. Nakatutuwa rin ang ginawa mong pagbalanse ng mga elemento lalo na sa paggamit ng mga kulay na hindi masakit sa mata, kaya‘t kaagad itong nakakatawag ng pansin.
Nakabibilib din ang paraan ng pagkakapresenta ng iyong pangalan bilang may-akda. Maayos itong naipasok sa disenyo nang hindi ito nakakagulo sa iba pang mga elemento. Hindi mo ito masyadong nilakihan ‘di ba? Saktong-sakto lang. Hindi mo ginawang OA ang font size na siyang nagbigay tuwa sa akin. Lalo pa‘t metikuloso ako sa ganiyang bagay.
Karagdagan pa rito, ang kombinasyon ng mga kulay, font, at layout ay nagpapakita ng husay sa disenyo at nagbibigay ng isang makinis at kaakit-akit na presentasyon. Para sa kabuuan, masasabi ko na ang pabalat ay hindi lamang estetikong kasiya-siya kun ‘di pati na rin ay naghahatid ng ideya tungkol sa tema ng iyong nobela. Mahusay ang pagkakagawa at malinaw na pinag-isipan mo ito nang mabuti. Good job!
Plot - 7.5/10
1.) Story description: Sa bahaging ito, hindi ko pa nababasa ang laman ng iyong nobela. Gusto ko lang maramdaman kung mahihikayat ba ako ng iyong kuwento sa pamamagitan pa lang ng story description na ginawa mo. Tatapatin na kita, hindi ganoong kaganda ang naging atake mo sa paggawa ng parteng ‘to. Masasabi kong hindi na masyadong ‘unique’ ang plot na ginamit mo – nagkagusto siya sa kaibigan niya. Hindi ka man lang din nagdagdag ng kaunting palabok na magbibigay sa mambabasa ng engganyo upang buksan ang libro. Direkta mo lang sinabing – one of them will be Ayana's feeling for Winston. Ano ba ang dapat naming abangan? Kung paano lang magkakaroon ng feeling si Ayana? Sa ganitong paraan mo lang bang gustong umikot ang iyong nobela? Kasi kung oo, masasabi kong sobrang babaw.
Kung nais mong ituloy ‘yan, kinakailangan mo ng mas malalim na elemento sa iyong kuwento para maging mas makabuluhan at kaakit-akit sa mambabasa. Maaari kang magdagdag ng mga plot twist o mga komplikasyon sa relasyon nila na magbibigay ng mas malalim na kahulugan at emosyon sa kuwento. Uulitin ko, hindi ko kasi maramdaman, sinabi mo sa story description na maraming bagay na magte-test sa kanila, pero ang binigyang pansin mo lang ang nararamdaman ni Ayana na hindi man lang ginawang mas nakaaakit sa mambabasa. I want more, gusto kong maramdaman sa story description pa lang ang excitement. ‘Yung pakiramdam na gusto ko siyang buksan dahil macu-curious ako sa magiging takbo ng kuwento. Wala kasing ganiyang factor, kulang na kulang.
Ang story description pa naman ay unang hakbang upang mahikayat ang mga mambabasa, kaya‘t tandaan mo na mahalagang mapukaw mo ang kanilang interes sa umpisa pa lang. Kailangan mong mag-iwan ng mga tanong at kuryosidad sa kanilang isipan, upang sila'y magtuloy-tuloy sa pagbabasa ng iyong nobela. Nagkakaintindihan ba tayo?
Pahabol: natapos ko ng basahin ang kuwento, isingit ko lang dito kung ano ang puwede mong gawing improvement. Bakit hindi natin isingit si Wren sa eksena? Mas maganda kasi kung bibigyan mo agad kami ng conflict sa umpisa pa lang. Dahil sa conflict naman nakukuha ang interest ng mambabasa, ‘di ba?
BINABASA MO ANG
EaglePen Critique Shop
Random✓ Batch 1 - Close ✓ Batch 2 - Close ✓ Batch 3 - Soon [2024]