Chapter 1

774 8 0
                                    

Nakatingin lang si Roseyell sa malawak na forested area na sakop ng Subic Bay Metropolitan Authority—sa malaki at matayog na bundok ng Zambales na ang tuktok ay nakukulapulan ng tila bulak at mapuputing ulap. Buhay na buhay ang repleksiyon ng mga iyon sa tahimik at malinaw na dagat.

Nakadarama siya ng kapayapaan sa dibdib, kahit sandali, sa ilang beses na rin niyang pagbabakasyon sa malinis na white sand beach ng Minanga.

A piece of heaven... Heaven...

"Don't be a killjoy, Yeli, wear your swimsuit," paalala sa kanya ni Primrose na naka-two-piece aquamarine bikini na. Patakbo itong bumaba sa balkonahe ng beach house, tuluy-tuloy sa tubig.

Hindi naman siya natinag sa pagkakasandal sa lounge chair. Pinanood lamang niya ang pagkakaingay nina Lourela at Aspen habang pinagkakatuwaang palutangin sa tubig ang mahigit isang taon nang anak nina Gabriel at Cymbeline.

Siyang-siya ang bata na sa gayong edad ay marunong nang lumangoy. Nakababad naman sa tubig-dagat sina Cymbeline at Erika—seryosong nag-uusap—habang suwabeng pinaglalaro ni Gabriel ang jet-ski sa tubig.

Ikatlong taon na noon mula nang araw na muntik na silang anim na magbuwis ng buhay sa payapang dagat na iyon ng Minanga.

"Ikaw na lang ang naiwan d'yan," puna ng kalalabas na si Vincent, naka-trunks na rin. Kalong nito ang tatlong buwang sanggol na namumungay na ang mga mata sa antok. "Bakit hindi ka pa naliligo? Nag-e-enjoy na sila ro'n."

"Mamaya na lang siguro. Medyo malamig pa at ayokong ginawin agad 'pag nasa tubig na."

"Would you mind kung ipahawak ko muna sandali sa 'yo itong baby ko?"

"No, sige, iwan mo muna siya sa 'kin. Ako na ang magbabantay."

"Are you sure?"

"Sure. Sige na, join them. Bandang tanghali pa 'ko lulusong." Kinuha niya rito ang sanggol. "Did you feed him already?"

"Oo, kaaawat lang niya ngayon. Bahala ka na muna, ha? Thanks." Nagmamadali na itong bumaba pagkasabi niyon.

Pinagmasdan niya ang natutulog na sanggol. Ang malagong buhok, balbon, at mamula-mulang balat; ang cute na ilong at mapupulang labi.

"Maganda kang kombinasyon ng daddy at mommy mo," sabi niya na para bang mauunawaan na nito.

Pinagsawa niya ang mga mata sa pagmamasid sa inosenteng mukha ng sanggol—sa manipis at malambot na kutis, at sa mumunting kamay—habang nilulukuban ng kaiga-igayang pakiramdam na makalong ang maliit na bundle ng buhay.

Heaven...

Maingat niyang hinalik-halikan ang noo nito't pisngi. Nilanghap niya ang amoy-sanggol na samyo nito. Sa gayong ayos siya nalabasan ni Yaya Viring.

"Tingnan mo na nga, sa 'yo pala iniwan ang batang 'yan kaya hindi ka makapaligo," bungad nito.

"Hindi pa naman po talaga ako maliligo, kaya ako na muna ang umako sa pag-aalaga sa kanya."

"Wala na rin naman akong gagawin. Pabayaan mo nang dalhin ko sa kuwarto at nang maayos siyang makatulog."

Napilitan siyang iabot dito ang sanggol.

"Dalawa na ang nakapag-aasawa sa inyo," nakangiting sabi ni Yaya Viring habang inaayos ang pagkakakarga sa sanggol. "Sino naman kaya ang susunod?"

"Baka ho si Aspen. Siya ang alam kong may steady boyfriend sa aming apat."

"Eh, ikaw, kailan? Wala pa ba?"

"Wala pa ho, eh."

Bigla silang nakarinig ng isang matinis na tili. Sabay silang napalingon sa dalampasigan. Karga-karga ni Vincent si Erika mula sa likod na ikinagulat marahil ng huli.

Ikinagulat din ng sanggol ang tili ng ina—bahagya itong umigtad—ngunit nanatiling nakapikit pa rin ang mga mata nito.

"Iyan talagang mommy at daddy mo," sabi ni Yaya Viring sa sanggol. "Balak yatang sundan ka agad kung magsiasta." Muli itong tumingin sa kanya. "Dadalhin ko na ito sa kuwarto at baka magising pa."

Tumango lang siya.

Mayamaya'y umahon na si Cymbeline. Inakay nito ang anak patungo sa beach house.

"Humihingi na ng dede," sabi nito habang umaakyat sa hagdan ang mag-ina, "kaya napilitang umahon sa paliligo. Bakit nga pala nagmumukmok ka rito? Maligo ka na."

"Nalalamigan pa ako, eh. Mamaya na lang."

Ilang sandali lang ang lumipas at bumalik sa balkonahe si Cymbeline, may nakapatong lang na roba sa katawan nito.

"Nasa'n na ang anak mo?"

"Iniwan ko kay Yaya Viring. Tiyak naman na makakatulog agad 'yon pagkatapos dumede." Umupo ito sa katabi niyang lounge chair. "Hanggang ngayon, hindi mo pa sinasabi sa akin kung bakit hindi ka nakasama no'ng last year dito."

"May problema lang kasi sa amin."

"Problema? Ano'ng problema?"

"M-may sakit ang father ko. Mukhang seryoso ang pinag-uusapan n'yo ni Erika kanina, ah,"

pag-iiba niya. "May problema ba siya?"

"Hindi siya, ako," pakli nito.

Napatuwid siya ng tingin kay Cymbeline. "Bakit, may dapat pa bang problemahin ang asawa

ng isang Jose Gabriel Arnaiz?"

Napangiti naman ito. "Wala nga, pero hindi naman siya ang problema."

"Ano pala?"

"'Sino pala' ang dapat na tanong, Yeli."

"Sino nga ba?"

Napalis ang ngiti nito. "Si JM, uuwi na raw sa Pilipinas kasama ang mag-ina niya."

"Ano naman ang problema ro'n?"

May bahagyang pag-aalalang bumakas sa mga mata nito. "Paano kung... kung hindi pa rin

niya 'ko nakakalimutan?"

"Hindi ka nga makakalimutan n'on. Pero palagay ko naman, sa mahigit dalawang taon na

nilang pag-i-stay sa Australia, nabaling na kay Dory ang pagmamahal niya sa 'yo."

"Sana nga, Yeli. Ayokong lumawak ang gap nilang magkapatid nang dahil sa 'kin. Kilala

ko'ng asawa ko, nagtitimpi lang 'yon noong may sakit pa si JM."

"Huwag mo munang problemahin ang isang bagay na hindi pa naman nangyayari. Besides,

umuwi man sina JM dito, tiyak namang hindi makikisuno sa inyo."

"'Sabagay nga."

Sandali pa silang nag-usap at tumayo na si Cymbeline pagkatapos.

"Sumabay ka na sa 'kin pabalik sa dagat," yakag nito.

"Sige, mauna ka na. Magbibihis lang ako ng pampaligo." Tumayo na rin siya.

Isang one-piece swimsuit na dark blue ang isinuot niya. Bitbit ang tuwalyang lumabas siya.

Para lang mapatda sa nabungaran sa hagdanan ng balkonahe.

"Still remember me?" sabi ng lalaking humakbang na sa tukal ng hagdan. Naglalatang ang

poot sa guwapong mukha nito habang ang mga mata nito ay tila nanunuring nagtaas-baba sa

kanyang kabuuan. "Kumusta ka na, Yeli?"

Naglaho na yatang lahat ang kulay niya sa mukha. Biglang sumalakay ang magkakahalong

kaba, pagkabigla, at takot.

Paano ba niyang malilimutan ang lalaking ito...?

Eternity - A Piece Of Heaven - Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon