Chapter 8

213 3 0
                                    

Awtomatikong nayakap ni Roseyell ang bitbit na tuwalya sa swimsuit-clad niyang katawan, habang tumaas-bumaba roon ang nang-uuyam at napopoot na mga mata ng lalaki.

"Ricardo?"

"In flesh and blood, Yeli." Nakaakyat na ito at bahagya siyang napaatras. Gumalaw naman ang mukha nito na tila nasaktan.

"A-ano'ng ginagawa mo rito?" Masasal na ang kaba ng dibdib niya.

Bumalik ang pang-uuyam sa anyo ni Ricardo. "Hindi mo alam? O talagang hindi ka marunong makaalala ng inutang?"

"Utang?" naguguluhang tanong niya.

Lalo itong lumapit sa kinatatayuan niya. Hindi niya na makuhang umatras pa. Nanigas na ang kanyang mga paa.

"I've just discovered your precious little secret." Tila bakal na humawak ang isang kamay nito sa kanyang braso at sapilitan siyang iniupo sa lounge chair. "Care to tell why you chose to keep it from me?"

"Please, Ricardo. Don't make a scene here, please... Nakakahiya," sabi niyang pilit na hinahatak ang brasong ayaw pawalan nito.

Tumawa ito. Mapakla. "Nakakahiya? Sino ba sa atin ang may ginawang nakakahiya? Even the word abominable is an understatement with what you did!"

Napapikit siya sa tindi ng poot sa mga mata nito. "You're wrong. Hindi mo alam ang totoo, Ricardo. Hindi mo alam ang buong katotohanan."

Lalong humigpit ang hawak nito sa kanyang braso at wala siyang nagawa kundi ang kagatin na lang ang kanyang labi. May pakiramdam siyang pinipigilan lang nito ang sarili para siya sakalin.

"Sino sa palagay mo ang may kasalanan kung hindi ko man nalaman ang lahat? Kung ang nakaabot lang na impormasyon sa akin ay ang ibinibigay ng taong inupahan ko para subaybayan ka?"

Napadilat siya. "Pinasubaybayan mo ako?"

"Oo!" sigaw nitong namumula na ang mukha. "Pero nahuli na ako dahil wala na ang anak ko! Ipinamigay mo ang anak ko kapalit ng kayamanang tinatamasa mo ngayon!"

Alam niya ang tungkol sa anak namin!

"Hindi totoo 'yan," sabog ang luhang sabi niya, hindi alam kung paano paglulubagin ang galit nito. Sa kabila ng nakikitang poot, nagdurugo ang puso niya para dito. Sa maling akala nito.

"Kung hindi totoo, paanong napunta sa ibang bansa ang anak ko habang naiwan ka rito, sa gitna ng kasaganaang dulot ng kayamanan ng tiyahin mo?"

"Kung totoong pinasubaybayan mo ako, bakit hindi mo nalamang itinakas sa akin ni Tiya Armida ang anak ko?" halos pabulong niyang tanong.

"At wala ka namang ginawa para mabawi siya!"

Nagyuko siya ng ulo. Nauunawaan niya ang galit nito. Siya man ay gayon din nang malamang basta na lamang itinakas ng tiyahin ang kanyang anak.

"Ano nga ba ang magagawa ko kung hindi ko alam kung saang parte ng mundo niya dinala si Heaven?" nagpauunawang sagot niya.

"Magbihis ka," anito sabay bitiw sa braso niya.

Napatingin siyang muli rito. Hinimas niya ang brasong namula sa higpit ng pagkakahawak nito.

"B-bakit?"

"Sasama ka sa akin ngayon din."

"Saan?"

"Saan?" gagad nito. "Sa palagay mo, saan? Baka nakakalimutan mong may utang kang dapat bayaran? Umalis kang walang paalam at nawala na lang na parang bula. Inilihim mo pa sa akin ang tungkol sa anak ko."

"Ricardo," aniyang dinadampian ng mga daliri ang luhang bumasa na pala sa pisngi niya.

"Isang taon at walong buwan, Yeli," tila pagod na pagod na sabi nito. "Do you think nakakatulog ako nang mahimbing sa loob ng mga gabing 'yon? Knowing na may isang babaeng dapat kong panagutan? Worse, I learned later na may dapat nga pala akong panagutan."

Eternity - A Piece Of Heaven - Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon