Chapter 10

210 4 0
                                    

Kaaalis lang ng delivery van na minamaneho ni Ricardo nang may kumatok. Iniwan ni Roseyell ang ginagawa at agad na inalam kung sino iyon.

Nabigla siya sa napagbuksan. "E-Elvie?"

"Puwede ba kitang makausap, Yeli?"

"Sure. Halika, pasok ka." Sabay sila nitong umupo sa sofa. "Ano ba'ng kailangan mo? Kaaalis lang ni Ricardo, eh."

"Ikaw talaga ang sadya ko."

"Bakit?"

"Aaminin ko sa 'yong mahal ko pa rin siya hanggang ngayon. Kaya lang, nakipag-break siya dahil may dapat na raw siyang panagutan sa 'yo." Nangingilid ang luha nito at naaawa siya.

"I'm sorry, Elvie, hindi ko naman gustong agawin sa 'yo si Ricardo. Kaya nga lumayo ako, pero hinanap niya ako and he found me."

"No, hindi naman kita sinisisi. Gusto ko lang ipaalam sa iyong handa akong ipaglaban ang pag-ibig ko kay Ric pero kung mahal mo siya, magpaparaya ako."

Sa sinabing iyon ni Elvie, lalong nadagdagan ang paghanga niya rito.

"Sabihin mo sa 'kin ang totoo, please, mahal mo ba si Ric?"

Bakit nga ba kailangang magdusa ang mga ito dahil lang sa isang pagkakamali?

Pinili niya ang magsinungaling. "H-hindi."

SAKAY ng bus na patungong Lemery si Roseyell. Pinili niyang takasan ang paniningil ni Ricardo.

At ang pag-ibig niya rito...

"Naku, Ma'am Yeli," salubong ng driver sa kanya. "Tumawag na lang sana kayo at nang nasundo ko kayo."

"Hindi bale na. Kumusta kayo rito? Tumawag na ba si Tiya Armida?"

"Hindi pa, Ma'am. Ang sekretarya n'yo ang araw-araw na tumatawag dito, saka ang katiwala sa rancho."

"Sige, salamat."

Inalam lang niya ang kalagayan sa bahay at tumuloy siya agad sa opisina. Relief ang nakita niya sa mukha ng sekretarya nang pumasok siya.

"Naku, Ma'am, salamat naman at dumating na kayo. Ang daming naghahanap sa inyo. Hindi rin makagalaw iyong ibang shipments dahil walang approval n'yo."

"Okay, dalhin mong lahat sa opisina ang mga papeles na pipirmahan ko."

Napakarami ngang trabahong natambak doon para sa kanya. Wala na siyang inaksayang sandali. Isinubsob niya ang sarili sa trabaho hanggang manakit na ang kanyang likod at braso.

Siya na lang ang taong naiwan sa opisina nang iunat niya ang katawan sa pagkakaupo—napatda siya. Naroon at nakakuwadro sa pinto ang Tiya Armida niya, karga ang kanyang anak.

"Heaven!"

"Ibinabalik ko na siya sa iyo, Roseyell."

Nasugod niya ng yakap at halik ang anak na noo'y nanlalaki ang mga matang nakatitig lang sa kanya. Malaki na ito. Panay ang tulo ng mga luha niya dahil sa pananabik dito. Waring may isang putol na lifeline na noon lang muling nakabit sa kanya.

May tumikhim at saka lang niya nakita ang isang lalaking nasa likuran ni Tiya Armida. Katamtaman ang taas nito at malaki ang katawan. Nagtatanong ang mga matang tiningnan niya ang tiyahin.

"Ahm, Roseyell, siya nga pala si Alfonso. H-he's an old friend. Nagkita kami sa Palm Springs at sumabay na siya sa 'min pauwi rito sa Pilipinas."

Tila may split-second recognition siya sa mukha ng lalaki. Tiyak niyang noon lang niya ito nakita ngunit bakit parang pamilyar sa kanya ang mukha nito?

Eternity - A Piece Of Heaven - Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon