Chapter 3

260 4 0
                                    

Mulat na mulat ang expressive na mga mata ni Roseyell nang malingunan ang may-ari ng bahay. Sino ba ang mag-aakalang makikita na naman niya si "Mr. Lockhead?"

"Uhrm," muling tikhim ng lalaki. "Interesado raw kayong makita ang bakante rito?"

"Oo," agad na sagot ni Tess kasabay ng patagong kalabit sa likod niya. Na ang ibig sabihin ay "papa material" ang kaharap nila. "Ako nga pala si Tess. Siya naman si Roseyell."

Inabot ng lalaki ang nakaumang na kamay ni Tess. Ito naman ang nag-umang ng palad sa gawi niya pagkatapos kaya napilitan siyang ilahad ang kamay rito.

Muntik na siyang mapakislot nang lumapat ang balat nito sa balat niya. May kakaibang init siyang nadama roon na tumagos sa bawat himaymay ng kanyang laman, ugat, sumagad pa hanggang buto.

Disimulado niyang binawi agad ang kanyang palad.

"Ricardo naman ang pangalan ko. Ricardo Manlangit," sabi nitong sa kanya nakatingin. "Halikayo, iyong gitnang pinto ang bakante sa ngayon."

Sumunod naman sila agad. Higit na maluwang ang loob ng pintong binuksan ni Ricardo kaysa sa napuntahan nila kanina. Maaliwalas din ang kulay ng pintura sa mga dingding at kisame. Karugtong naman ng nag-iisang kuwarto ang banyo. May sariling kuntador ng kuryente at tubig.

At higit sa lahat, maganda ang ventilation ng buong silid.

Dahil reasonable naman ang halaga ng upa, excited na binayaran agad ni Tess ang deposito.

"Puwede namang sa paglipat n'yo na," pakli ni Ricardo nang ibigay na ni Tess ang bayad.

"Naku, kunin mo na para hindi na 'to mapunta pa sa iba," giit pa rin ng kanyang kaibigan.

Binigyan sila nito ng resibo at makaraan ang ilang paglalahad ng iba pa nitong patakaran sa pagpapaupa, nagpaalam na sila.

Inihatid pa sila ni Ricardo sa ibaba. Hindi niya inaasahan ang sasabihin nito bago sila tuluyang lumabas.

"I'm glad na nagkita tayong muli, Roseyell."

TUMITIPA na sa harap ng computer ay ayaw pa rin siyang tantanan ni Tess sa katatanong.

"Saan ba talaga kayo unang nagkita ng Ricardo na 'yon? Bakit kunwari ka pa kaninang hindi mo siya kilala?"

"Tess naman, patahimikin mo muna 'ko, okay?" Pinandilatan na niya ito.

"Ito naman, para simpleng sagot lang sa simpleng tanong ko, abala na ba 'yon?"

"Eh, ano pa ba naman ang gusto mong sagot? Nasabi ko na nga sa 'yong nakasakay ko iyong tao sa LRT at pagkatapos sa jeep. Pero hindi naman kami nagkakilala noon."

"Naman, Yeli, napaka-unusual naman na nakasakay mo lang ang isang tao sa dalawang sasakyan, tapos, natandaan n'yo nang pareho ang isa't isa? To think na napakaraming tao sa LRT."

Tumayo siya mula sa kinauupuan at parang gererang hinarap niya ito.

"Please, minsan lang akong makikiusap, Tess. Hindi ko alam kung ano na ang magagawa ko 'pag hindi mo pa 'ko tinantanan ngayon."

Nakangusong tumalikod na ito. "Sige na nga!"

"IF YOU need anything, huwag kayong mahihiyang magsabi kay Tor," tukoy ni Ricardo sa houseboy na nagbukas sa kanila ng pinto noong unang punta nila roon.

Kasalukuyan silang nag-aayos ni Tess ng mga gamit na hinakot mula sa iniwang boardinghouse. Sila lang dalawa ang magkasamang umalis. Ang iba nilang dating roommates ay naghiwa-hiwalay na.

"Salamat," tugon niya. "Wala naman kaming gaanong gamit na aayusin dahil bedspace lang iyong inalisan namin."

"Na-reassemble na ba iyong computer stand mo?" tanong nitong mukhang walang balak na umalis sa tabi ng pinto.

Eternity - A Piece Of Heaven - Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon