Chapter 7

210 4 0
                                    

"Baka naman ho nagkakamali kayo," sabi ni Amparing sa taong nagpakilala na abogado ng isang land developer.

"Hindi ho kami maaaring magkamali, Misis," giit ng lalaki. "Dalawang ulit na naming na-check ang records ng lupang nais bilhin ng kliyente ko sa munisipyo ng Calapan at sa Bureau of Lands. Talagang sa inyo nakapangalan ang lupa."

"Paanong mangyayari 'yon? Maliliit pa kaming magkakapatid, naibenta na ng aming mga magulang ang lahat ng lupa namin sa Calapan."

"Well, it seems na may isang property kayo na hindi nakasamang ibenta."

Tumingin siya sa asawa.

"Ito na siguro ang sagot sa mga hinihiling nating tulong sa Diyos, Amparing."

"At sa value ngayon ng lupang iyon na nasa commercial area, malaking halaga ho ang mapapasa-inyo kung papayag kayong ibenta iyon sa kliyente ko."

"Pero paano nga naming ibebenta sa inyo gayong wala sa mga kamay namin ang titulo?" protesta pa rin niya.

"Kami na ho ang bahalang mag-asikaso ng mga affidavits at iba pang papeles na kailangan para ma-issue sa inyo ang titulo. Ang kailangan ko lang ho sa inyo ay ang assurance na sa kliyente ko n'yo ibebenta ang lupa dahil gagastusan din niya ito."

"Kung nakatitiyak kang amin nga ang lupang iyon, bakit hindi?" sa wakas ay ayon niya.

"TUMAWAG na si Attorney Dumaunahan, hija," pagbabalita ni Armida kay Roseyell.

"Napasakamay na nina Ate Amparing ang tulong na ibinigay ko."

Nayakap niya ang tiyahin, tuwang-tuwa. "Totoo, Tiya?"

"Oo, kaya wala ka nang dapat ipag-alala ngayon."

"Salamat po."

"Ano bang salamat? Tungkulin kong tulungan si Ate dahil kapatid ko naman siya. Halika," masigla nitong yaya. "Maganda rin lang ang panahon, maglibot tayo sa rancho."

Bigla siyang namutla. "M-may katayan din ba ro'n, Tiya?"

Noong isang araw na ipasyal siya nito sa pag-aaring slaughter house, nahilo siya pagkakita sa kinakatay na mga baka.

Natawa naman ito. "Wala. Lahat ng hayop na kinakatay ng mga tauhan ko, ginagawa saslaughter house. Halika na."

Napakalawak nga ng Rancho Virtusio—iyon ang apelyido ng asawang namatay ng kanyang Tiya Armida. May sarili itong beterinaryo at hindi lang sa Batangas dinadala ang mga kakataying baka, pinakamalaking volume niyon ay sa Maynila iniluluwas.

"Pahinga muna tayo, Tiya," suko nang sabi niya habang nakaangkas sa sinasakyan nitong kabayo. Hindi siya marunong mangabayo kaya nakiangkas na lamang siya rito.

Natawa ito. "Ang bilis mo namang mapagod. Hindi pa tayo nangangalahati."

"Please, Tiya, hindi ko na kaya."

"Naaalarmang tiningnan siya nito. "Diyos ko, hija, putlang-putla ka!"

URONG-SULONG si Ricardo kung lalapitan ang isa sa mga nagsisipagtrabaho. Nasa harapan siya ng ginagawang bahay na ayon sa address na ibinigay sa kanya ni Tess ay siyang kinatitirikan ng tirahan ni Roseyell sa Mindoro.

Hindi maliit na bahay na yari sa hollowblocks, kawayan, at yero ang nasa harapan niya. Isa iyong malaki at konkretong bahay. Hindi pa nga lamang tapos.

"May kailangan ka ba, amang?" lapit ng isang lalaki sa kanya.

"Magandang araw po," bati niya na tinugon din nito. "Hinahanap ko po kasi ang bahay ni Roseyell de Castro."

Lumarawan agad ang interes sa anyo nito. "Bakit mo siya hinahanap?"

Eternity - A Piece Of Heaven - Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon