Chapter 11

237 3 0
                                    

"Ano'ng sabi ng parents ko nang ipaalam mo sa kanilang natagpuan mo na 'ko?" tanong ni Roseyell kay Ricardo nang bumibiyahe na sila. Dala nito ang delivery van.

"Nagalit sila nang malamang doon ka nga pumisan sa Tiya Armida mo. Sinuway mo raw sila. Ipinahiya pa sa pamilya ni Mang Lino."

"Kaya nga ayaw kong umuwi roon kahit gustung-gusto ko. Pero alam ko ang nangyayari sa kanila. May tao akong pinapupunta roon para alamin ang kalagayan nila."

Sumulyap ito sa kanya. "So, alam mo na rin pala na maganda na ang kabuhayan nila at magaling na ang tatay mo?"

"Oo. Si Tiya Armida ang gumawa ng paraan para matulungan sila. Of course, sa paraang hindi sila magdududa na ang tulong na iyon ay galing sa kanya."

Napatangu-tango ito. "I wonder kung ano ang rason at gano'n na lang ang galit ng parents mo sa Tiya Armida mo. Anyway, nangako ang parents mo sa akin na hindi ka na nila pipiliting ipakasal kay Mang Lino. Nabayaran na raw nila ang lahat ng utang nila rito."

Nang marating ang Batangas Pier, kinuha nito si Heaven mula sa kanya nang ipasok na ang dala nilang sasakyan sa loob ng barko.

"Nakuha niya ang mga mata mo, Yeli," sabi nitong tila nasisiyahan. Hinalik-halikan nito ang kanilang anak sa noo at ilong. "Ngayon pa lang, tiyak na pasasakitin ni Heaven ang ulo natin 'pag nagdalaga siya."

Natawa siya. "Bakit? Dahil she got my eyes at nakuha naman niya ang kapilyuhan mo?"

"Mismo. Lethal combination. Tiyak na maraming lalaking liligaw sa anak natin. They'll be in hell when they get Heaven."

Sabay silang nagkatawanan at nakitawa rin ang kanilang anak kahit hindi nauunawaan ang pinag-uusapan nila. Iwinaksi muna niya sa isip ang ibang tao. Isinantabi niya sina Elvie at Tiya Armida, pati na ang kanyang mga magulang.

Minsan lang darating ang ligayang ito, Lord. And I better make the most out of it. Bukas na ako mag-iisip at gigising sa katotohanan...

MALAKI ngunit simple ang bahay na hinintuan ng sasakyan nila. Hindi na makita ni Roseyell ang bakas ng kanyang kamusmusan doon.

Hindi pa man halos siya nakabababa mula sa sasakyan ay hangos nang sumalubong ang kanyang mga magulang.

"Roseyell, anak..." Umiiyak ang kanyang ina nang yumakap sa kanya. Gumanti siya ng ibayong yakap.

"Patawad po, Nanay, Tatay," aniyang lumuluha na rin.

"Patawarin mo rin sana kami kung nagawa ka naming ipagkasundo kay Lino noon. Wala lang talaga kaming mapagpilian ng nanay mo kaya namin nagawa iyon."

"Sorry din po. Napahiya naman kayo dahil tumakas ako."

"Kalimutan na natin iyon, anak," sabi ng kanyang ama. "Ang mahalaga, buo na naman ang pamilya natin."

"Ito na ba ang apo ko?" tanong ng kanyang ina nang mapuna ang batang kalong ni Ricardo. "Aba, Fabian, tingnan mo nga kung gaano kaganda."

Kinuha nito ang kanyang anak. Saglit pa at hindi na sila pansin ng dalawang matanda. Naagaw na ni Heaven ang atensiyon ng mga ito.

Nagtatanong ang mga matang tiningnan niya si Ricardo habang papasok sila sa kabahayan.

"Alam na nila ang tungkol sa anak natin, Yeli. At nauunawaan naman nila."

Nagpapasalamat na nginitian niya ito. Unti-unti nang gumagaan ang mga pabigat sa kanyang dibdib.

"NASAAN po si Ricardo, Nanay?" tanong ni Roseyell sa kanyang ina matapos niyang mapatulog si Heaven.

"Kausap ng tatay mo, nando'n sa tabing-ilog." Lumapit ito at hinawakan siya sa braso. "May... may sasabihin sana ako sa 'yo, anak."

"Ano po 'yon?"

Eternity - A Piece Of Heaven - Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon