Chapter 12

243 3 0
                                    

Kulang na lang, pigilan ni Roseyell ng kamay ang kanyang mga paa para hindi masugod ng yakap si Ricardo. Sinikap niyang bagalan ang mga hakbang palapit sa mag-ama.

"W-wala pang isang linggo mula nang pumunta tayo sa Mindoro, ah. Mukhang nasabik ka na agad kay Heaven."

"Kung maaari nga lang na hindi na ako umalis dito noon," sabi nitong titig na titig sa mga mata niyang parang may inaarok doon. "Kaya lang, kailangan kong ayusin ang tungkol sa kasal."

Binawi niya agad ang tingin pagkarinig sa sinabi nito. Ibig manubig ng mga iyon. At may malaking bikig na biglang humarang sa kanyang lalamunan.

"S-sige, maglaro muna kayong mag-ama." Tumalikod agad siya. Kahit tiyak niya sa sariling handa siyang magparaya, hindi yata niya kakayanin na makita itong ikinakasal sa iba.

"Yeli..."

Napahinto siya sa paghakbang. Oh Lord, help me. "B-bakit?"

Lumapit ito sa kanya. "Gusto sana kitang makausap."

"Ngayon na ba?"

"Oo sana."

"Akina pala si Heaven. Ibibigay ko muna sa yaya niya."

Ibinigay naman nito ang kanilang anak sa kanya. Titig na titig pa rin ito sa kanya.

"Hihintayin kita rito."

Gaanong pagsisikap ba ang gagawin niya para hindi siya mapabulalas ng iyak sa harap nito?

Tiyak niyang ang pagpapakasal nito kay Elvie ang pag-uusapan nila.

Nilabas na niya ito sa garden matapos ang ilang pagbuntong-hininga.

"Kung... kung ang tungkol sa kasal mo ang gusto mong pag-usapan natin," pangunguna niya,

"wala kang aalalahanin sa akin, Ricardo. Okay lang sa 'kin."

"Totoo?" Napaangat ito mula sa kinauupuan, mabilis na nakaikot sa garden set at ginagap ang dalawa niyang kamay. "Papayag ka nang pakasal tayo?"

"T-tayo?" aniya, litung-lito. "Hindi ba kayo ni Elvie ang magpapakasal?"

"Bakit ko naman siya pakakasalan?" pahumindig nitong sabi. "Nag-break na nga kami nang may mangyari sa 'tin noon."

"Bago ako umalis ng bahay mo, nagpunta roon si Elvie. Ricardo, mahal ka pa rin niya. At nasabi mo na rin noon sa 'kin na mahal mo siya, 'di ba?"

"Noon, oo. Mahal ko siya dahil maganda siya, maalalahanin siya at mabait, magaling siyang magluto, in short, perfect wife material. Pero nakilala ko ang isang babaeng may expressive na mga mata na parang humihingi ng halik sa tuwing titingin sa 'kin."

Hinila siya nitong patayo at ikinawit ang isang braso sa kanyang baywang.

"Isang babaeng madalas mangailangan ng tulong ko, na hindi makapagluto ng napakasimpleng recipe but wants to try cooking anyway..."

Totoo ba ang naririnig niya rito o nananaginip lang siya?

"Believe me, noon pa lang makasakay kita sa jeep at LRT, dinasal-dasal ko nang magkita ulit tayo. When I did, pinigilan ko lang ang sarili kong mapalundag sa tuwa baka akala mo.

"Dahil sa 'yo, I realized na hindi ko pala kailangan ang perfection para maging maligaya. Kahit sa sulok lang ng langit, basta kasama kita, kayo ng anak natin, magiging maligaya na ako."

Umalagwa na ang mga luhang pinipigil-pigilan niya. Natatawang dumukot ito ng panyo at pinahiran ang pisngi niya.

"Well, in time, siguro makakasanayan ko na rin ang pagiging iyakin mo."

Kinurot niya ito sa tagiliran. Natatawa siya habang lumuluha pa rin. "'Kakainis ka."

"Aray! O, 'yan pang pagkurut-kurot mo sa 'kin, mapagtitiisan ko rin 'yan," natatawa na ring sabi nito. Hinalikan siya nito sa noo, sakto na naman sa widow's peak niya.

"Sabihin mong pakakasal ka sa 'kin, Yeli. Please," halos pabulong na sabi nito.

"Paano akong tatanggi kung iyon ang nakalaman sa pinakamalalim kong pangarap? Kaya lang, galit ka pa sa akin dahil sa pagtakas ko sa 'yo noon, 'di ba?"

"Talagang galit na galit ako. Imagine, pinagtiis mo ako ng isang taon at walong buwan? At pagkatapos... nang makita naman kita, nang makakuha na ako ng form ng application for marriage license, hindi ikaw kundi si Elvie ang nadatnan ko sa bahay. Sino'ng hindi magagalit noon? Kung kailan nararamdaman ko nang may pagtingin ka na rin sa 'kin, saka mo naman ako ipamimigay sa iba."

Humaplos ang kamay niya sa itaas ng kilay nito. "I'm sorry."

"No need to say sorry," anitong naglilimayon ang nagniningning na mga mata sa mukha niya. "Sabihin mo lang na mahal mo rin ako."

"Hindi mo pa ba nahahalata? I love you, Ricardo."

"And I love you. I'm sure I'll stay loving you kahit isang dosena na ang maging kapatid ni Heaven."

Isang pinong kurot ang iginawad niya sa tagiliran nito. Na ginantihan naman nito ng marubdob na halik.

Hindi na sa noo kundi sa bibig.

Eternity - A Piece Of Heaven - Dawn IgloriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon