NAKIKITA niya si Radge at kaykisig nito habang lumalakad papalapit sa kaniya. Umangat ang
kamay nito na animo'y inilalahad upang abutin niya. Walang pag - aatubiling inabot niya iyon
subalit nagitla siya nang maglagos ang kaniyang kamay sa palad nito. Muli niya itong inabot
subalit hindi niya ito magawang hawakan. Nagsimulang bumalong ang kaniyang mga luha. Nang
muli niyang tingalain ang nakalahad na kamay ni Radge ay wala na iyon. Unti - unting lumayo
ang lalaki hanggang sa tuluyan na itong naglaho sa kaniyang paningin.
"Radge!" hindik na hindik siya habang sumisigaw.
"Ma'am...Ma'am..." mahinang tapik sa mukha ang nagpabalikwas sa kaniya.
Nang magbalik ang kaniyang diwa ay muli niyang naalala ang panaginip at muli ay napahikbi
siya.
"Ma'am, saan po ba tayo pupunta? Nawalan kayo ng malay at wala naman akong mahingan ng
tulong kaya..."
"N-nasaan po ba tayo?"
"Hindi pa po tayo gaanong nakalalayo sa Café na pinanggalingan ninyo. Saan po ba tayo?"
tanong ng driver na may bahagyang pag - aalala sa tinig.
Nang maalala ang dahilan ng kaniyang pagsakay sa taxi na iyon ay muling sumikdo ang dibdib
niya. Nang tunghayan ang relong pambisig ay lalo na siyang nanlumo.
"Manong, pakihatid po ako sa St. Martin's Hospital. Parang awa niyo na po, bilisan natin!"
HALOS HINDI niya maihakbang ang mga paa habang naglalakad papasok sa ospital. Ibig niyang
makita agad si Radge pero may kung anong pumipigil sa kaniya na magmadali itong makita. Sa
likod ng isip ay natatakot siya sa posibleng nangyari sa binata.
Awtomatiko siyang naglakad patungo sa silid na kinaroroonan ni Radge. Tila iyon na ang
pinakamahabang sandali sa kaniyang buhay. Kasabay ng pagbayo ng dibdib ay ang
masaganang luhang naglalandas sa kaniyang mga pisngi.
Nang sa wakas ay marating ang silid na sinabi ni Ingrid ay napahinto siya. Sa labas ay naroon
ang ilang taong hindi man niya kilala ay batid niyang kaanak ni Radge. Sa namumugtong mata
ng mga naroon ay lalong ibayong takot ang kaniyang nadama.
Unti - unti ay kumilos ang kaniyang mga kamay upang buksan ang pintuan ng silid. Pinaghalong
amoy ng gamot at bulaklak ang bumungad sa kaniya pagbukas niyon. Ilang hakbang pa ang
kaniyang ginawa nang sa wakas ay tumambad ang nakahigang katawan ni Radge sa kamang
nasa sulok ng silid. Nakasuot ito ng hospital gown at ang halos walang buhay nitong katawan ay
nakakabitan ng napakaraming tubong hindi niya nauunawaan kung para saan. Isa lamang ang
kahulugan ng mga iyon...at hindi niya iyon gustong unawain...
Hindi niya maikilos ang kaniyang mga paa sa matinding sakit na nadarama sa mga sandaling
iyon. Tila ba naparalisa na nang tuluyan maging ang utak niya at walang anumang rumerehistro
roon.
BINABASA MO ANG
When Bad Boy met his match
RomanceThe story is came from the writer named Yesha. I just want to share it with you on how I appreciated her story and love the flow. And I hope you like it too.