01

134 2 0
                                    

KABANATA I

Y U A N

"Take out po, ma'am?"

"Opo."

Kasalukuyan akong nagtratrabaho sa isang coffee shop dito sa Maynila. Dito na kasi ako dinala ng tadhana. Wala naman akong ibang pagpipilian, kailangan kong lumuwas mula sa probinsya para matulungan ang pamilya kong lubog na sa utang.

Sa laki ng utang namin kay Señor Antonio ay hindi ko alam kung sapat ba ang panahong ibinigay niya upang bayaran iyon. Wala pa nga sa kalahati ang aming nabayaran at tatlong buwan na ang nakalipas. Tumulong na kaming magkakapatid kaya lahat kami ay nagtratrabaho para bayaran ang malaking utang na iyon.

Napagdesisyunan ko namang pumunta rito sa Maynila upang subukan ang kapalaran. Malaki naman ang pasasalamat ko at maayos ang daloy nito. Sana lang ay hindi ako dalhin ng daloy nito sa dagat, ito'y labis na nakakatakot sapagkat maaari akong hampasin ng alon niya o kaya naman ay lunurin sa karagatang walang kasiguraduhan.

Lagi ko ngang pinapanalangin na sana ay maging mabait ang tadhana sa amin.

"Out na ako," sambit ko sa aking mga katrabaho at nagtungo naman sa susunod kong pagtratrabahuan. Isa itong restaurant at magtratrabaho ako rito hanggang madaling araw at saka uuwi upang magpahinga. Pagkatapos naman ay gigising ako at pupunta sa grocery store ni Aling Linda at magbabantay roon simula alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali. Kay Aling Linda ako nagtratrabaho simula lunes hanggang linggo pero minsan ay may mga taong nagpapabantay ng mga anak nila kaya naman nagpapaalam ako kay Aling Linda, malaki-laki rin kasi ang sinasahod ko sa pagbabantay ng mga bata.

Mabuti na lang at napakabait ni Aling Linda. Siya kasi ang kumupkop sa akin nu'ng pumunta ako rito sa Maynila. Pinatira pa ako nito sa isang apartment na pinapaupa niya at sinabing huwag na lang ako magbayad ng renta kaya kuryente at tubig na lang ang binabayaran ko. Tingin ko nga ay hulog ng langit si Aling Linda dahil ang laki ng tinulong niya sa'kin.

Pinapasahod pa ako nito ng malaki kahit na kaunting oras lang naman ang pagbabantay ko sa grocery store niya. Minsan nga ay natanong ko siya kung bakit niya ginagawa ang mga ito.

"Masyado ka pang bata para problemahin ang mga ganiyang kalalaking bagay, 'nak. Ayokong mawalan ka ng kalayaan sa pagkamit ng mga pangarap mo at masayang ang potensyal na nasa iyo," sagot nito.

Naiyak nga ako sa kaniyang mga tinuran. Hindi ko lubos akalaing may mga taong napakabukal ng kalooban.
Habangbuhay kong tatanawin ang utang na loob sa mga taong tumutulong sa'kin.

"Ang aga mo ngayon ah," bungad sa'kin ni Sean, isa sa mga katrabaho ko sa restaurant na pinagtratrabahuan ko at isa na rin sa mga iilang kaibigan ko rito sa Maynila.

"Maaga kasi akong nag-out sa coffee shop," sagot ko naman sa kaniya.

"Gano'n ba, kumain ka na ba? Kung hindi pa, may pagkain ako diyan. Kain ka muna para may lakas ka mamaya," sabay turo sa lamesa gamit ang kaniyang nguso.

"Sayang, kung kanina ka pa pumunta rito ay nagkainan sana tayo," pahabol pa niya at tinapunan pa ako ng malawak na ngisi.

"Gago!"

Natatawa ko siyang hinampas. Nasanay na ako sa mga malalandi nitong biro. Napagtanto kong ganito talaga siya kaharot. Noong una pa nga ay akala ko may pagtatangi ito sa akin. Wala pala. Naging siopao asado pa ako dahil sa kalandian niya.

Ngunit kahit ganiyan siya ay madami rin siyang naitulong sa'kin. Siya ang aking takbuhan sa tuwing kinakapos ako ng pera. Nahihiya kasi akong humingi kay Aling Linda. Si Sean din ang kauna-unahang kumausap sa'kin noong unang araw ko palang dito sa restaurant, kahit kailan ay hindi niya ako hinusgahan. Kaya naman mahal na mahal ko ito...bilang kaibigan lamang.

The Marriage Contract Where stories live. Discover now