KABANATA XIII
Trigger Warning: Homophobic and derogatory remarks, mentions of suicide
Y U A N
Ang inay...
Ang ang aking pinakamamahal...
"Huwag na huwag mong sasaktan ang anak ko, o kahit sino man sa kanila!" sigaw ng aking ina sa aking ama. Ako ay nakatago sa kaniyang likuran habang nilulukob ng takot ang aking katawan.
"Sige! Ipagtanggol mo 'yang anak mong walang ibang ginawa kun'di maghasik ng kabaklaan!" sigaw pabalik ng aking ama.
"Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Tando?! Nakakalimutan mo yatang anak mo ang sinasabihan mo niyan!"
Hindi na nanlaban si papa at naglakad na lang palabas t'saka ibinalibag ang pinto pasara. Nakakatakot si Papa kapag galit pero mas takot ito kay Mama.
Humarap sa'kin si Mama at niyakap ako.
"Pasensya ka na, anak. Huwag mo nang isipin ang iyong ama, wala siyang alam sa mga sinasabi niya," aniya habang pinapatahan ako.
Siya ang kasangga ko sa lahat ng bagay. Siya ang nagbigay ng kasiyahan sa akin sa likod ng mga pasang namuo galing sa kamao ng aking ama.
"Masama po ba maging bakla?"
Iyan ang inosenteng tanong na laging naglalaro sa aking musmos na isipan. Hindi ko pa nadidiskubre ang aking identidad ngunit itinakda na agad ng aking ama ang aking kahihinatnan.
Ano ang mayro'n sa mga bakla at galit na galit ang tatay ko sa kanila? Bakit galit siya sa'kin? May mali ba? Paano siya naging kasalanan kung simula sa iyong pagkapanganak ay ito na ang nakatakda sa iyong kapalaran?
At sa bawat araw na sinubukan kong sagutin ang mga tanong na iyan ay ang pagtanggap ng katawan ko ng mga pasa galing mismo sa mga taong itinuturing kong pamilya.
"Walang mali sa'yo," saad ng aking ina habang ginagamot ang parteng sinuntok ng aking nakakatandang kapatid. Walang mali sa'kin pero laging pinaparamdam ng mga tao sa paligid na isa akong sakit at may deperensya. Ngunit hindi pumapasok ang lahat ng mga sinasabi nila sa isipan ko dahil pinanghahawakan ko ang sinabi sa akin ng aking ina: walang mali sa'kin.
Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses tumangis ang aking ina sa tuwing umuuwi siyang may pasa ako sa katawan. Lagi siyang humihingi ng tawad dahil hindi niya raw ako naproprotektahan. Humihingi siya ng tawad na ang kaniyang pagdadala sa'kin sa mundong ito ang nagbibigay ng hinanakit at paghihirap sa buhay ko.
Pero sa totoo lang, minsan ko na rin siyang nasisi sa mga karanasan ko sa loob ng pamilyang 'to. Bakit sa lahat ng pwedeng pakasalan ay ang lalaking katulad pa ni papa? Bakit siya nanatili kahit alam niyang sinasaktan ako ng asawa niya halos araw-araw?
Pero ano pa nga bang magagawa ko? Isa lang naman akong salot sa buhay nila.
Sabi nila sa impyerno ako mapupunta pero bakit parang impyerno na ang buhay ko una pa lang. Totoo nga yatang walang demonyo sa impyerno dahil nagkalat silang lahat dito sa ibabaw ng lupa. Minsan ay tatay mo sila.
"Anak, pagmasdan mo ang mga alon," saad ng aking ina.
"Ano pong meron?"
"Ang buhay ay katulad lang ng alon, minsan kalmado at minsan naman ay matataas at agresibo. May punto sa ating buhay na susubukan tayong sirain ng mga alon nito, pero ni kailan ay walang bagyong hindi humupa. Kung sakaling may pinagdadaanan ka, lagi mong iisipin na kakalma rin ang langit at sisilay ang asul na kalangitan."
Mahigkit na yakap ang binigay ko sa kaniya habang patuloy na lumuluha. Sa araw na 'yon ay ang araw na muntik na akong magpatiwakal...buti na lang at naabutan pa ako ng nanay ko. Dinala niya ako sa may tabing-dagat kung saan niya ako laging dinadala kapag may problema sa bahay.
YOU ARE READING
The Marriage Contract
RomanceBL | Tagalog Their family is facing a huge crisis being indebted to one of the rich families in their village. Yuan didn't have any choice but to move out in the city and find a job. He worked everyday, day and night, nonstop, having three jobs just...