04

44 1 0
                                    

KABANATA IV

Y U A N

Dumiretso ako sa grocery store ni Aling Linda. Inihatid ako ni Mang Ado, siya raw ang maghahatid at susundo sa'kin sa aking trabaho.

Nang makita ako ni Aling Linda ay lumapit kaagad ito at sinuri ang aking katawan.

"Bakit ngayon ka lang ha? Pinag-alala mo ako nang sobra," sabi niya at napahinga ng malalim nang makitang ayos lang ako.

Nakalimutan ko si Aling Linda...

Hindi nga pala ako nakapagpaalam sa kaniya kahapon. Mukhang lubhang nag-alala nga ito. Nakalimutan kong may naghihintay nga pala sa aking umuwi.

Hinaplos ko ang balikat niya at saka ngumiti.

"Ayos lang po ako, pasensya na po at hindi ako nakapagpaalam kagabi. Nakitulog po kasi ako sa kaibigan ko. Pasensya na po talaga," paghingi ko ng tawad kasama ng pagsisinungaling ko.

"Iyon naman ang mahalaga, ang nasa maayos kang kalagayan. Sa susunod ay huwag mo na itong gagawin ha, magpaalam ka kung may pupuntahan ka para kung may nangyaring masama sa'yo ay alam ko kung nasa'n ka," sermon at paalala niya sa'kin.

"Opo," sagot ko.

Parang anak na kung ituring ako nito. Naaalala niya raw kasi sa'kin ang namayapa niyang anak. Katulad ko kasi ay bakla rin ito. Mabait, palakaibigan, matalino ang paglalarawan ni Aling Linda. Nakakalungkot nga na nawala ito nang maaga. Hanggang ngayon nga yata ay nagdadalamhati pa rin ang ina nito.

Lagi nitong kwinikwento ang kaniyang anak sa'kin. Matagal na ang pagkamatay niya pero buhay na buhay pa rin siya sa isip ni Aling Linda. Naaawa nga ako sa kaniya minsan. Kapag bumibisita ang mga apo at pamangkin niyang mga bata sa kaniya ay lagi kong napapansin na naluluha ito. Dinadamayan ko na lang siya minsan para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya.

Nagsimula na ako sa trabaho ko kalaunan. Madaming bumibili sa grocery store ni Aling Linda kaya dalawa nagbabantay dito. Ako ang sa umaga at may isa naman sa hapon.

Mura lang kasi ang mga bilihin kapag kay Aling Linda. Madami na nga raw nagsarang sari-sari store sa tabi ni Aling Linda dahil nalulugi o walang bumibili. Madami ring sumubok na siraan si Aling Linda pero hindi nila siya matiba-tibag. Sobrang tatag ni Aling Linda, sa dami ng pinagdaanan ay nananatili pa rin siyang nakatayo kasama ng kaniyang grocery store.

Pagkatapos kong magtrabaho ay binigay na naman sa'kin ang baon kong inihanda niya. Wala pa siyang kaalam-alam na nakatira na ako sa isang mansyon at ikakasal na sa anak ng isa sa mga mayayamang tao sa Pilipinas. Hindi ko alam kung kailan ko masasabi sa kaniya pero sana ay maamin ko na ang mga nagaganap sa buhay ko sa kaniya, pati na rin sa pamilya at mga kaibigan ko.

Ayaw ko talagang naglilihim sa mga taong mahalaga sa'kin. Pero kahit anong kagustuhan kong sabihin sa kanila lahat ay kailangan ko munang maglihim at magsinungaling sa kanila.

Pinili ko ito kaya iindain ko muna sa ngayon dahil sigurado akong mahihirapan ako sa taong makakasama ko ng isang taon.

Pinili ko ang kapalarang ito kaya ayaw kong mandamay ng ibang tao.
Ayaw kong may mag-aalala para sa'kin.

Pumunta muna ako sa apartment para kuhanin ang iilan sa mga gamit ko. Kunti lang din naman ang mga ito. Kinuha ko lang ang kaunting damit at nilagay sa aking bag. Bago ako umalis ay sinigurado kong hindi ako makikita ni Aling Linda.

Dali-dali akong tumakbo nang masiguradong wala siya, pumunta ako sa paradahan na pinagkasunduan namin ni Mang Ado kung saan ako ibababa at hihintayin. Nakita ko naman agad ang kotse at agad akong pumasok. Lumingon pa ako sa labas, baka kasi may nakakita sa'kin.

The Marriage Contract Where stories live. Discover now