Prologue

8 1 0
                                    

December, 2016

Cooper

Ito na ang huling araw ng Simbang Gabi ngayong taon, at sobrang excited ako sa hihilingin ko. Sabi ng mga matatanda, kapag nakumpleto mo ang siyam na araw ng Simbang Gabi, matutupad ang hiling mo. Yung kapitbahay ko nga, hiniling na makapagtrabaho abroad, at natupad naman.

Ewan ko kung totoo o hindi, pero wala namang masama sa pagsubok, 'di ba?

Ang hihilingin ko ay sana magkaroon ako ng pogi na boyfriend. Sana bigyan ako ni Lord ng lalaking magmamahal sa akin.

Noong bata pa ako, sumasama ako kina Mama at Papa sa Simbang Gabi, pero hindi ko naman ito nakukumpleto. Sino ba ang gustong gumising nang alas kuwatro ng madaling araw para magbihis at magsimba? Pero ngayon, kinakaya ko na, kahit hindi ko na kasama ang pamilya ko. May tinatago kasi akong sikreto.

Magkikita kami ng crush ko sa simbahan.

Yes, tama ang narinig mo. Si Andrei, ang lalaking matagal ko nang gusto. Tatlong araw pa lang kaming magkakilala, pero parang sobrang bilis ng lahat ng pangyayari. Nag-uusap kami sa loob ng simbahan, pero lagi siyang nauunang umuwi. Minsan pa nga, parang ang dami kong gustong itanong o sabihin, pero laging may kulang sa oras.

Nakahiga ako sa kama nang halos sampung minuto, nag-iisip kung ano ang susuotin ko. Nakatingin lang sa kisame habang suot ko pa ang boxers ko. Ano bang iniisip ko? Parang ginagawang OOTD ang pagsisimba. Pero syempre, gusto ko namang presentable ako. Baka sakaling... alam mo na, mapansin niya ako nang higit pa sa dati.

Sinuot ko ang paborito kong plain white t-shirt, itim na jeans, at jacket na may cute na heart designs. Pinatungan ko na rin ng pabango para dagdag pogi points. Lumabas na ako ng kwarto at nadatnan ko ang kaibigan kong si Asher na nakangisi sa sala.

"Parang a-attend ka ng monthsary pre, ah," tukso niya.

"Ulol, wala ka lang talaga sense of fashion." Sinabi ko, sabay kuha ng bag. "Mauna na ako, bantayan mo 'tong bahay at pakainin mo na rin si Chowchow, ha." Hindi ko na hinintay ang sagot niya dahil malalate na ako.

Ang malakas na ihip ng hangin ay dumadampi sa mukha ko habang naglalakad patungo sa simbahan. Pinili ko na lang suotin ang earphones ko para hindi ako mainip sa paglalakad. Ang lamig! Kahit may suot akong jacket, ramdam ko pa rin ang dampi ng hangin sa balat ko. Parang yung mga araw na umaasa akong mapansin ako ni Andrei, malamig at walang katiyakan.

Habang naglalakad ako, napansin kong tahimik pa ang paligid. Ang mga bahay ay tinatamaan ng ilaw ng mga parol, at bawat hakbang ko ay tila nakikipagsabayan sa tibok ng puso ko. Excited ako, pero may halong kaba. Magkikita ba kami ulit ni Andrei?

Malapit na ako sa aking destinasyon, at unti-unti kong naririnig ang mga taong nag-uusap, mga pamilyang masayang naglalakad patungo sa simbahan. Nakikita ko na rin ang ilan sa kanila, bitbit ang kanilang mga payak na handog o mga bata na masayang sumasama sa kanilang magulang. Ang ibang nagtitinda ay inaayos na ang kanilang mga paninda, puto bumbong, bibingka, salabat, at tsokolate batirol.

Bibilisan ko na, baka naroon na siya.

Dumiretso ako sa loob ng simbahan, at agad kong nakita ang napakaraming tao. Siksikan. Hindi ko alam kung dahil sa huling araw ng Simbang Gabi o dahil lahat ng tao ay excited mag-celebrate ng natapos na siyam na araw ng pagdadasal. Pumasok ako sa paborito kong pwesto, ang pangatlong hilera mula sa altar, sa kanang bahagi. Alam kong dito rin siya umuupo.

Umupo ako, pinipilit maging kalmado. Pero hindi ko mapigilan ang pakiramdam ng excitement at pag-aalala. Ano kayang isusuot niya? Paano kung mas maganda ang araw na ito kaysa sa nakaraan? Paano kung may sabihin siyang mahalaga? Hindi ko mapigilang ngumiti kahit mag-isa, dahil sa mga naiisip kong posibilidad.

Pero habang lumilipas ang oras, nagsisimula na ang Misa at wala pa rin si Andrei. Nililinga ko ang bawat pintuan, umaasang makikita ko siyang papasok. Nasa unang bahagi na ng Misa, ngunit wala pa rin siya.

Sinubukan kong kalmahin ang sarili ko, sinasabi sa isip ko na baka natraffic lang siya o may inasikaso. Baka andito na siya mamaya. Ngunit habang umuusad ang Misa, lalo akong kinakabahan. Nasa "Ama Namin" na kami, at hindi ko pa rin siya nakikita. Lalong bumibigat ang dibdib ko, at nagiging mas malinaw ang takot na baka hindi na siya darating.

Patapos na ang Misa. Lumabas ako ng simbahan, umaasang makita siya sa labas. Sinalubong ako ng malamig na hangin, at parang lalo lang bumigat ang pakiramdam ko. Nasaan na siya?

Nilibot ko ang paligid ng simbahan, tila umaasa pa rin. Sabi niya, magkikita kami dito. Pero habang naglalakad ako sa gitna ng mga tao, tila nawawala na ang pag-asa ko. Hindi ko siya makita kahit saan.

Hanggang sa bigla akong may nakabunggo. Halos madapa ako, ngunit agad akong nakabawi.

"Sorry," sabi ng taong bumangga. Agad akong napalingon, at nagulat ako nang makita kung sino iyon. Si Andrei. Ngunit hindi lang siya mag-isa.

"Andrei?" halos hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Kasama niya ang isang babae, at nakapulupot ang kamay nito sa braso niya.

"Babe, sino 'yan? Bakit parang kilala ka niya?" tanong ng babae, halatang hindi komportable sa presensya ko.

Tumigil ang mundo ko. Hindi ko inasahan ang ganitong pangyayari. Tangina, babe? Para akong nasampal ng realidad. Hindi ako makapagsalita.

"I don't know who he is," malamig na sabi ni Andrei, sabay alis na kasama ang babae.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Parang biglang lumiit ang mundo ko. Ang lahat ng araw na nag-uusap kami, ang mga tingin na akala ko ay may kahulugan, lahat ng iyon, naglaho nang parang bula.

Nakatayo lang ako roon, tulala, habang papalayo sila. Hindi ko kayang igalaw ang mga paa ko. Akala ko ba.

Naglakad ako palayo, ngunit pakiramdam ko ay nasa hangin ang bawat hakbang. Akala ko ba bading siya? Bakit may kasamang babae?

Parang gustobkong umiyak pero hindinko magawa dahil sa daming taong nakapalibot sa akin.

Ang lahat ng inaasahan kong sagot, naging mas malabo. Pero alam ko ang isang bagay, wala na siya. Iniwan niya akong nag-iisa sa malamig na umagang iyon.

Nang makumpleto ko ang siyam na araw ng Simbang Gabi, nagkaroon ako ng isang hiling.

Sana, may dumating na lalaki sa buhay ko na magmamahal sa akin, isang totoo at hindi ilusyon lang.

Simbang GabiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon