HARRY POTTER AND THE SORCERER'S STONE (Isang Suring-Pelikula)

31.6K 63 19
                                    

ISANG SURING-PELIKULA "Harry Potter and the Sorcerer's Stone" Ang Harry Potter and Sorcerer's Stone (Philosopher's Stone) ay unang libro ni J.K.Rowling mula sa serye ng Harry Potter. Sinasabing ang nobelang ito ay naghatid kay Rowling ng kasikatan bilang isang mahusay na manunulat sa buong mundo. Isinapelikula ito noong 2001 na idinirek ni Chris Columbus at ibinahagi ng Warner Bros. Pictures. Pinagbibidahan ito nina Daniel Radcliffe bilang Harry Potter, Rupert Grin bilang Ron Weasley at Emma Watson bilang Hermione Granger. Tinatayang umabot sa $980 milyon ang kinita nito na naging worldwide box office hit at kinilala sa iba't ibang award-giving bodies tulad ng Academy Awards. Nagbukas sa isang pagdiriwang ang kuwento na kadalasang palihim dahil sa ang mga nagdaang taon ay laging ginugulo ni Lord Voldemort. Bago ang gabing iyon, natuklasan ni Voldemort ang pinagtataguan ng tagong mag-anak ng Potter, at pinatay sina Lily at James Potter. Ngunit nang itinuro na niya ang kaniyang wand sa sanggol nitong anak na si Harry, ang sumpang patayin ito ay bumalik sa kaniya. Ang kaniyang katawan ay nasira, at si Voldemort ay naging isang walang kapangyarihang kaluluwa,naghahanap ng isang lugar sa mundo na walang makaka-istorbo samantalang si Harry naman ay naiwang may marka ng kidlat sa kaniyang noo, ang natatanging palatandaan ng sumpa ni Voldemort. Ang misteryosong pagkakatalo ni Voldemort kay Harry ay nagresulta sa pagkakakilalang "ang batang nabuhay" sa mundo ng mga wizard. Ang ulilang si Harry Potter ay sumunod na pinalaki ng kaniyang malupit, at walang kapangyarihang kamag-anak, ang Dursleys, na walang pakialam sa pinagmulan ng mahika at sa hinaharap ni Harry. Subalit, sa paparating na ikalabing-isa niyang kaarawan, nagkaroon si Harry ng kanyang unang kontak sa daigdig ng mahika nang makatanggap siya ng sulat galing sa Hogwarts School of Witchcraft and Wizardry, na kinuha naman ng kaniyang Tiya at Tiyo bago pa niya ito magawang mabasa, Sa kaniyang ikalabing-isang kaarawan, sinabihan na siya ay isang wizard at inaanyayahan na pumunta sa Hogwarts. Sinabihan siya ni Hagrid na nagturo sa kaniya kung paano gumamit ng mahika at gumawa ng potions. Natutuhan din ni Harry na malampasan ang mga panlipunan at emosyonal na hadlang sa kaniya sa paglaban niya hanggang sa kaniyang pagbibinata at pagharap sa makapangyarihang si Voldemort. Marami man ang nangyari kay Harry sa simula, nalagpasan niya ito sa tulong ng kaniyang mga kaibigan na sila Ron at Hermione. Katulong din niya si Professor Dumbledore na laging nariyan nagbibigay ng payo at paalala sa kaniya. Totoo naman na nakuha ng pelikulang ito ang kiliti ng masa lalo ng kabataan. Ang mga karakter na ginamit dito ay nagpapaalala ng mga taong kilala na natin at sa mga taong dapat pa nating kilalanin. Tulad ng batang mataba na laki sa layaw na si Dudley o kaya ang mala 'boss' at mapanghimasok ngunit may malambot na pusong si Hermione. Malaking bilang rin ng mga batang manonood ang makaka-relate kay Harry partikular sa kaniyang inisyal na damdamin ng ganap na pagkakahiwalay at di kasali sa isang pamilya ngunit dumating ang panahon na dapat na niyang iwanan ang naturang buhay niya upang pumunta sa lugar kung saan siya kabilang at magiging ganap na masaya. Sadyang nailarawan nang mabuti at detalyado ang Hogwarts bilang kaakit-akit na lugar na hindi lamang puno ng salamangka at mahika na tunay na katangiang pinapangarap na mapuntahan ng pangunahing tauhan. Iba't ibang pakikipagsapalaran ang dinaanan ni Harry kasama ang dalawang kaibigan (Ron at Hermione) sa lugar ng Hogwarts. Malakas ang nais sabihin ng pelikula tungkol sa pakikipagkaibigan na naipakita sa mahusay na pagkakaganap ng mga artista. Mas lutang na lutang ang kahusayan ni Daniel bilang si Harry na dumanas ng malaking hamon sa buhay. Totoong magaling ang pagkakasulat ng iskrip. Ang kasaysayan nito ay inilahad sa pamamagitan ng malalim na pananaliksik at pag-iisip. Buhay na buhay ang pelikula kung saan nakatulong ng malaki ang kulay na nakaangkop sa kapaligirang kinunan ng kamera bagaman hindi rin maiiwasan ang pagkakaroon ng larawang kulang sa ilaw. Sa kabuuan, ang pelikulang Harry Potter and Sorcerer's Stone ay isang napakagandang pelikula. Sa pamamagitan ng pelikulang ito, nakikilala natin ang kultura ng ibang bansa at impluwensiyang nadala nito sa atin. - Mula sa Elements of Literature nina Holt et. al. 2008. Texas, USA

Grade 10 Filipino ModuleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon