Sintahang Romeo at Juliet

19.7K 46 4
                                    

Sintahang Romeo at Juliet Hango sa Romeo at Juliet na Isinalin ni Gregorio C. Borlaza Unang Tagpo (Sa pag-iisa ni Romeo. Kinakausap ang sarili) ROMEO: Bata pa ba ang araw? Mahaba ang malungkot na mga oras. Walang paglingap ng aking minamahal. O, nag-aaway na pag-ibig! O, pag-ibig na nagagalit! O, kahit na anong sa wala nanggagaling! Ganito ang pag-ibig kong walang pag-ibig na nadarama. Pakitaan ako ng isang babaing labis na marikit, Di ba't ganda nito'y isa lamang pantawag ng isip Sa lalo pang may malaking kagandahan? Sa paglimot, di mo ako ma'aring turuan. (Sa pag-iisa ni Juliet. Kinakausap ang sarili.) JULIET: Pag-aasawa'y isang karangalang hindi ko pinapangarap. Bata pa sa gulang kong labing-apat, banggit ni ina, Mga dalaga dito ay nagiging ina na. Sino si Paris? Isang lalaki raw na guwapong-guwapo? Maiibig ko ba ang ginoo? Hangad ng magiting na ito, ang pag-ibig ko. Sa piging mamayang gabi, siya'y makikita ko. Sa pagbasa ng aklat ng kay Paris na mukha, Sana nga ay matagpuan ang itinitik ng kagandahang tuwa; Ikalawang Tagpo (Nagsimula na ang kasiyahan sa bulwagan. Naroon din si Juliet na nakikipagsayawan. Darating si Romeo at makikita niya si Juliet sa hanay ng mga babaeng sumasayaw.) ROMEO: Liwanag ng tanglaw, sa pagtuturo niya'y lumalaki, Para siyang nakabitin sa pisngi ng gabi, Katulad ng mamahaling hikaw sa tenga ng babaing Ethiopia, Kagandahang di dapat gamitin pagkat lubhang mahalaga, Parang puting kalapating kasama ng mga uwak Ang binibini ko sa piling ng mga hamak. Pagkatapos nitong sayaw, titingnan kung saan siya uupo, Mabibindita ang kamay kong magaspang pag ang kaniya ay nahipo, Puso ko ba'y mayroon nang minahal? Itakwil mo, mata, Pagkat ang tunay na ganda'y ngayon ko lamang nakita. (Makikita ni Tybalt si Romeo. Sisitahin niya ito.) TYBALT: Ito sa tinig ay marahil isang Montague. Bakit naparito ang aliping itong mukha'y di mapinta? Upang kutyain lamang ang ating pagsasaya? Sa ngalan ng lipi at dangal ng aking angkan, Ang patayin siya'y hindi masasabing kasalanan. CAPULET: Bakit pamangkin ko, ano ang ipinagpuputok mo? TYBALT: Tiyo, ito ay ating kaaway na isang Montague; Isang buhong na dahil sa galit naparito, Upang libakin ang kasayahang ito. CAPULET: Siya ba ang batang si Romeo? TYBALT: Siya nga, si Romeong buhong. CAPULET: Masiyahan ka pinsan ko, pabayaan siya. Parang maginoong tunay ang mga kilos niya, Dahil sa taglay na dangal at kilos niyang sakdal buti. Kahit ibayad sa akin ang yaman ng buong bayan, Hindi ko siya sisiraan sa aking tahanan. Kaunting tiyaga, huwag mo siyang pansinin. TYBALT: 'Pag panauhin ay isang buhong ay angkop iyan. Hindi ko siya mapagtitiyagaan. CAPULET: Pagtitiyagaan siya. Bakit, iho Ganiyan ang sabi ko. Alis ka diyan! Ako ba ang panginoon dito o ikaw? Alis ka diyan! Nais mong sumikat, nais mo na ikaw ang masunod! TYBALT: 'Pag ang pasensiya'y pinilit kong pumigil sa galit na pag-ayaw, Nanginginig sa tagisan ang lahat kong mga laman. Ako ay aalis; subalit ang ganitong panghihimasok Na ngayo'y waring matamis ay magiging mapait na lubos. (Lalabas si Tybalt. Magtatagpo ang paningin nina Romeo at Juliet) ROMEO: Kung lapastangan ng kamay kong hindi marapat, Ang iyong dambanang banal, ang parusang ilalapat; Ang mga labi kong dalawa'y namumulang mamamakay Ay handang hagurin ng halik ang ginaspang ng aking kamay. JULIET: Mabait na mamamakay, ikaw ay nagkakasala Sa kamay mong mabuting kilos ang nakikita; Mga santo'y may kamay na hinihipo ng may-pakay; At ang pagdadaop-palad ay parang halikang banal. ROMEO: Kung gayon, santa ko,bayaang gawin ng labi ang gawain na pangkamay! Sila ay dumadalangin upang ang paniniwala ay hindi mamatay. (Hahalikan ni Romeo si Juliet.) JULIET: Kung gayon ay nasa aking labi ang salang sa iyo ay nakuha. ROMEO: Salang buhat sa labi ko? O salang malambing na iyong binanggit, Ang sala ko ay muling ibalik (Hahalikan niyang muli si Juliet.) JULIET: Parang pinag-aralan mo ang paghalik. NARS: Senyorita, nais kang makausap ng iyong ina. ROMEO: Sino ang kaniyang Ina? NARS: Aba, binata. Ang nanay niya ay ginang nitong tahanan. ROMEO: Siya ba'y Capulet? O kay samang kapalaran! Ang buhay ko'y utang ng aking kaaway. Ito na ang ikinatatakot ko, lalo akong hindi mapalagay. Ikatlong Tagpo JULIET: O Romeo, Romeo! Itanggi ang iyong ama't ang pangala'y itakwil mo! O kung hindi, isumpa mong ako'y iniibig, At hindi na ako magiging Capulet ROMEO: Maghintay pa kaya ako, o ngayon din ay tumugon? JULIET: Pangalan mo lamang ang masasabi na kaaway ko, Ikaw ay ikaw rin kung hindi ka man Montague. Ano ang Montague? Hindi kamay, hindi paa, Ni braso, mukha, o anumang bahagi pa ng katawang tao. O, magpalit ka na ng pangalan! Ang rosas kung tagurian, Sa ibang taguri'y mananatiling mabango ang pangalan ROMEO: Susundin ko ang wika mong binitiwan. Tawagin mo akong mahal at pamuli kong bibinyagan; Buhat ngayon hindi na ako magiging Romeo. JULIET: Sino ka bang nagkukubli sa gabing madilim, Na nakatuklas sa aking lihim? ROMEO: Sa pangalan, Hindi ko malaman kung paano ipakikilala yaring katauhan. Ang ngalan ko, santang mahal, ay kinasusuyaan ko Pagka't yao'y isang kaaway mo. Kung nasusulat 'yon ay pupunitin ko. JULIET: Hindi ko pa nalalanghap,' sandaang kataga, Ng sinabi ng dilang yan,ngunit alam ko na yata. Hindi ka ba si Romeo, at isang Montague? ROMEO: Hindi ang kahit alin, o santang butihin, kung kamumuhian mo rin. JULIET: Paano ka naparito, sabihin sa akin, at saan nanggaling? Pader dito ay mataas. Mahirap akyatin, At kung iisipin, ang pook ay kamatayan, 'Pag natagpuan ka rito ng sino mang aking kasamahan. ROMEO: Nilundag ko yaong pader sa pakpak ng pagmamahal; Pagkat ang pag-ibig ay di mapipigil ni'yong batong humahadlang. Ginagawa ng pag-ibig ang bawat kaya niyang gawin, Kaya't ang mga pinsan moy hindi sagabal sa akin. JULIET: 'Pag nakita nila ay papatayin ka. ROMEO: Tamisan mo lang ang titig, Ay ligtas na ako sa kanilang pagkagalit. JULIET: Mawala na buong mundo, huwag ka na lamang makita rito. ROMEO: Nariyan ang talukbong ng gabing tatakip sa akin, Hindi baleng matagpuan nila ako, iyo lamang mamahalin. JULIET: Sinong nagturo sa iyo ng lugar na ito? ROMEO: Ang pag-ibig na nagturo sa aking magmatyag, Binigyan ako ng payo't binigyan siya ng pangmalas. JULIET: O mabait na Romeo,Kung ikaw ay umiibig ay tatapatin mo. O kung akala mo'y ako'y napakadaling mahuli, Ang totoo, butihing Montague, labis akong mapagmahal, Dahil, dito'y maaari mong sabihing kilos ko'y buhalhal; Ngunit maniwala ka, ginoo, magiging lalong matapat ako Kaysa mga mukhang mahiwaga dahilan sa tuso. ROMEO: Binibini ako'y nanunumpa sa ngalan ng buwang iyon Na nagpuputong ng pilak sa lahat na nariritong punong kahoy. JULIET: Huwag kang manumpa sa ngalan ng buwang di matimtiman Na buwan-buwan ay nagbabago sa kaniyang ligiran. Baka ang pag-ibig mo ay maging kasinsalawahan Masyadong kaparis ng kidlat na biglang nawawala Bago masambit ang 'kumikidlat'. Paalam na mahal! ROMEO: Iiwanan mo ba akong ganitong di nasisiyahan? JULIET: Anong kasiyahan ang maaari mong ngayon ay makamtan? ROMEO: Magpalitan tayo ng tapat ng sumpa ng pag-ibig. JULIET: Ibinigay ko na sa iyo ang akin bago mo hiningi. ROMEO: Babawiin mo ba? Anong dahilan sa iyo'y muling ibigay? JULIET: Tatapatin kita, upang sa iyoy muling ibigay. Ang kagandahang-loob ko ay kasing lawak ng dagat, Pag-ibig koy kasinlalim; habang binibigyan kita Lalong marami ang natitira, kapwa sila walang hanggan. Maging tapat ka Montague kong matamis Maghintay ka, ako ay muling babalik. ROMEO: O, gabing lubhang pinagpala, ako'y nangangamba pagkat ngayong gabi'y baka ito ay pangarap lamang,Masyadong mapanlito upang maging katotohanan. JULIET: Tatlong salita, mahal kong Romeo't paalam nang tunay. Kung marangal ang hangarin ni'yong iyong pagmamahal, at hangad mo ay pakasal, pasabihan bukas ako, Sa tulong ng isang susuguin ko sa iyo, Kung saa't kailan mo nais ang kasal ay ganapin; Ang lahat kong kayamana'y sa paanan mo ay ihahain, Sa buong daigdig kita susundin. JULIET: Subali't kung hindi wagas ang iyong hangarin, Hinihiling ko sa iyo- Na ihinto ang iyong pagsuyo't sa lungkot ako'y iwanan Bukas ako'y magpapasugo sa iyo. ROMEO: Mabuhay nawa ang kaluluwa ko JULIET: Adios, adios matamis na lungkot ng paghihiwalay Di ako titigil ng kapapaalam hanggang kinabukasan. Ikaapat na Tagpo PADRE: Pagpalain ng langit itong banal na gagawin upang pagkatapos ang pagsisisi'y huwag nating kamtin. ROMEO: Amen, Amen, ngunit ano man ang lungkot na darating Ang kagalakan kong matatamo'y hindi dadaigin Sa sandaling siya'y aking masilayan. At ang kamatayang salot sa pag-ibig, bayaang dumating Kasiyahan ko nang siya'y maging akin. PADRE: Ang marahas na ligaya'y may marahas na hanggahan. Parang apoy at pulburang namamatay sa tagumpay, Naghahalikan ay nauubos. Ang pulot na matamis na lubha Dahilan sa sarap ay nakasusuya, At ang tamis ay nakasisira sa panlasa. Kaya't magtimpi ka sa pag-ibig; ganito ang mahabang pagsinta; Ang mabilis ay kasabay ng mabagal, dumating sa pinupunta. JULIET: Magandang gabi po sa mabunying kumpesor ko. PADRE: Para sa aming dalawa, si Romeo ang pasasalamat sa iyo. JULIET: Gayon din ako sa kaniya; O, ang pasasalamat niya ay magiging kalabisan. ROMEO: A, Juliet, kung ang kaligayahan mo kagaya ng aki'y iipunin at ang kakayahang iyong angkin. Ang maglalarawan doon, patamisin ng iyong hininga JULIET: Pagmamapuring mayaman kaysa sabi-sabi, Ipinagmamalaki ay laman, hindi palamuti, Pulubi lamang ang kayang bilangin ang yaman; Ngunit pag-ibig kong tapat ay labis ang kayamanan Kahit kalahati ay hindi ko mabilang PADRE: Madali nating tatapusin na, Pagkat di kayo nararapat bayaang nag-iisa Ikalimang Tagpo BENVOLIO: Si Tybalt na nahulog kay Romeong kamay; Si Romeo ang nagsabi sa kaniyang malumanay Na walang k'wenta ang pagtatalunan, Itong lahat – sinabi niya nang buong hinahon, maaamo ang tingin at yukod ang tuhod – Hindi makapayapa sa pusong mapusok ni Tybalt na bingi sa payapang panawagan, Umulos ng armas sa dibdib ni Mercutiong matapang; Sa galit, ay lumaban, armas sa armas, At parang isang sundalo'y tinabig ng isang kamay niya Ang kamatayang malamig, saka ibinalik ng ikalawang kamay Kay Tybalt na dahilan ang liksing taglay ay biglang gumanti. Isang inggit na saksak ni Tybalt ang lumagot Sa buhay ng matapang na si Mercutio. Kumaykay ng takbo si Tybalt at saka binalikan si Romeo Na bago la'ng nakaisip na gumanti rito, At parang kidlat silang nagtagis; bago ko nakuha Ang armas upang sila'y nabubuwal ay tumakbo si Romeo Ito ang katotohanan, mamatay man si Benvolio PRINSIPE: At dahil sa kasalanang iyan. Siya'y aking ipatatapong biglaan. Palayasin agad si Romeo, Katapusan niyang araw pag nahuli rito. Iligpit ang bangkay at ang utos ko ay sundin Ang awa'y nakamamatay sa paglingap sa salarin. Ikaanim na Tagpo JULIET: Huwebes ng umaga! Ako'y namamangha sa pagmamadali, Ako'y pakakasal sa isang taong di pa man nanliligaw. Hay, ama at ina ko, isang salita ko sana'y dinggin. Di ako nagmamalaki ngunit nagpapasalamat Di maipagmamalaki ang kinapopootan ng lahat, O, matamis kong ina, h'wag akong talikuran! O kung hindi ay ihanda ang aking kamang pangkasal Sa madilim na libingan kay Tybalt na hinihigan. Ako'y tutungo kay Padre Laurence na silid, Upang ikumpisal ang kay Tatay na ikinagalit. Ikapitong Tagpo PADRE: Ah, Juliet, batid ko na ang iyong hinagpis; Ako'y nababahalang labis na abot nitong pag-iisip. Narinig kong kailangan at hindi mapipigilang Sa Huwebes na darating ang Konde ay iyong pakasalan. JULIET: H'wag sabihin, padre, na narinig mo 'yan Kundi masasabi kung paano ninyo'y ito maaaring hadlangan. Kung sa karunungan ninyo'y di makatutulong, Sabihin man lamang na tama ang nilalayon At sa tulong ng lansetang ito'y gagawin ko. Huwag nang mag-atubili, nais kong mautas Kung ang inyong sasabihin ay hindi makalulunas. PADRE: Umuwi ka, matuwa't pumayag kay Paris pakasal . Miyerkules bukas. At bukas ng gabi, mahiga kang nag-iisa; Matapos mahiga'y kunin ang garapang ito At ang lamang alak nama'y tunggain mo. Pagkatapos nito'y sa mga ugat mo'y maglalagos Ang pagdaramdam ng antok at ang tibok Ng pulso mo'y titigil at mawawala, Walang init o hiningang sa buhay mo'y magbabadha; Ang rosas mong labi't mga pisngi ay kukupas Parang kamatayang nagpipinid sa araw ng buhay: Bawa't bahaging malambot ng iyong katawa'y Maninigas, manlalamig at parang tunay na patay; Sa ganitong hiram na anyo ng kamatayan Mamamalagi ka sa loob na apatnapu't dalawang oras. Ikawalong Tagpo NARS: Binibini! Ano ba, binibini! Juliet! Ano't nakabihis, magara ang damit, at nahiga uli? Kailangang gisingin ka. Binibini! Ano ba, binibini! Juliet! Naku, naku, naku. Tulong, tulong ang binibini ko'y patay O kay sawi, bakit pa ba ako isinilang Kumuha ng alak, madali! Aking ginoo! Aking ginang! Araw na kasumpa-sumpa, malungkot, hamak, nakamumuhi! kasiyam na Tagpo (Romeo at Baltazar.Dumating si Baltazar mula sa Verona dala ang masamang balita para kay Romeo.) ROMEO: Balitang buhat sa Verona! Baltazar, anong iyong masasabi? Wala ka bang dalang sulat na buhat sa Padre? Kumusta ang aking ginang? Mabuti ba ang aking ama? Ang muli kong itatanong, kumusta ba ang aking Juliet? Walang magiging masama kung mabuti ang kalagayan niya BALTAZAR: Kung gayo'y mabuti, siya'y walang magiging masama. Ang kaniyang bangkay sa libinga'y namamayapa, At ang kaniyang kaluluwa'y kasama ng mga anghel. Nakita ko siyang inilibing sa tumba ni Capel. ROMEO: Gayon ba? Kung gayon ay humarang na ang mga bituin! Aalis ako ngayon din! Wala bang sulat ang Padreng sa iyo'y padala? BALTAZAR: Wala po, mabuti kong panginoon. ROMEO: Ano ang dapat kong gawin? May naalala akong isang butikaryo, Na sa dakong ito nakatira, napansin ko. (Sa may Butikaryo) BUTIKARYO: Sinong tumatawag nang kaylakas? ROMEO: Nakikita kong ikaw ay mahirap. Heto ang apatnapung ducado. Bigyan ako agad ng isang lagok na lasong kakalat Upang mamatay ang iinom na sa buhay ay nagsawa na. BUTIKARYO: Mayroon nga akong lason; ngunit parusa ng batas ng Mantua'y kamatayan sa magbili na pangahas. ROMEO: Ang mundo't ang batas ay hindi mo kaibigan; Walang batas sa mundong sa iyo ay magpapayaman; Huwag mamalagi sa hirap, labagin ang batas, kunin mo iyan. BUTIKARYO: Ilahok mo ito sa kahit na anong tunaw at saka inumin. At kung ang lakas mo'y katimbang Ng sa dalawampung katao, ay bigla kang mamamatay. Ikasampung Tagpo JUAN: Banal na padreng Pransiskano, kapatid ko! Samantalang humahanap ng kasama, Pinakuan ang pintuan at di kami pinalabas Kaya't ang bilis ng pagtungo ko sa Mantua ay napigil agad. PADRE: Sino ang nagdala ng sulat ko kay Romeo? JUAN: Wala akong mapagdala – narito nang muli – PADRE: Malungkot na kapalaran! Ang sulat ay hindi biro kundi mayrong nilalamang mahalagang bagay Ikalabing-isang Tagpo ROMEO: O mahal ko! O asawa ko! Ang kamatayang humigop ng pukyutan ng iyong hininga Sa takot na ganito nga, ako'y titigil sa iyong piling, Dito, dito na ako tatahan Kasama ng mga uod na iyong utusan. O dito ko gaganapin ang pamamahingang walang hanggan Mga mata; katapusang yakap, mga kamay; hayo na't tatakan Mga labi ng makatarungang halik, sa pintuan ng hininga Ang kasunduan namin ni kamatayang walang hanggan! Halika na, aking tagaakay na mapait at hindi mainam (Iinumin ang lason.) O tapat na butikaryo! Mabisa ang lason. Matapos ang isang halik, mamamatay ako. (Pagkalipas ng itinakdang oras ay muling nagising mula sa hiram na kamatayang sinapit ni Juliet.) JULIET: Ano ito? Lason, nakita ko, ang sanhi ng kaniyang pagkamatay. O, inubos niya at walang nalabi kahit kapatak man lamang upang tumulong sa akin? Hahagkan ko iyong labi baka sakaling may lason pang natira kahit konti Upang ang gamot na halik ay lumagot sa buhay kong sawi. Oh, mabuting balaraw! Ang puso ko ang bayaan mo; tumimo ka riya't bayaang ako'y mamatay (Sasaksakin ni Juliet ang kaniyang sarili.) BABAE: Kapayapaang mahilom ang dulot nitong umaga Ang araw ng kalungkuta'y hindi ngayon pakikita Lumakad na kayo't pag-uusapan pa ang malungkot na naganap Ang iba'y patatawarin at sa iba'y parusa ay ilalapat; Sapagkat wala pang makakasinlungkot Ang naging buhay ni Juliet at ni Romeo na kaniyang irog.

Grade 10 Filipino ModuleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon