Kultura ng France: Kaugalian at Tradisyon

82.9K 110 20
                                    

Kultura ng France: Kaugalian at Tradisyon

Isinalin sa Filipino ni Joselyn C. Sayson

Kadalasan ay kinakabit ang kulturang Pranses sa Paris, na sentro ng moda, pagluluto, sining at arkitektura, subalit ang buhay sa labas ng Lungsod ng mga Ilaw ay ibang-iba at nagkakaiba sa bawat rehiyon. Magugunita na ang kultura ng France ay naimpluwensiyahan ng Celtic at Gallo-Roman Culture, gayundin ang Franks, isang tribong German. Ang France ay una nang tinawag na Rhineland subalit noong panahon ng Iron Age at Roman era ay tinawag na Gaul.

Habang ang malawak na pagkakaiba ay naghiwalay sa mga lungsod at punong - lungsod, sa loob ng nakalipas na 200 taon na digmaan – ang Digmaang Franco-Prussian, Unang Digmaang Pandaigdig at Ikalawang Digmaang Pandaigdig – nagkaroon ng magkaisang lakas.

Mga Wika sa France

French ang pangunahing wika ng 65.4 milyong mamamayan, subalit may iba pang wika ang mga rehiyon. Ang French, ang wikang opisyal ng France ay ang unang wika ng 88% ng populasyon samantalang ito naman ang ikalawang wika ng mga tao rito na hindi French ang mother tongue o unang wika.

Tinatayang 3% ng populasyon ay nagsasalita ng wikang German, nangingibabaw ito sa mga probinsiya sa silangan, at may maliit na pangkat na nagsasalita ng Flemish sa Hilagang-Silangan. Arabic ang ikatlong pinakamalaking wikang ginagamit.

Italian naman ang ikalawang wika ng mga nakatira sa hangganan ng Italy, at Basque na ginagamit ng mga nakatira sa French-Spanish Border.

Ang iba pang wika ay Catalan, Breton (the Celtic language), Occitan dialects, at mga wika mula sa dating kolonya ng France tulad ng Kabyle at Antillean Creole.

Relihiyon ng France

Katoliko ang pangunahing relihiyon ng France – tinatayang 80% ay nagsasabing sila ay Katoliko. Ang iba pang pangunahing relihiyon ay Islam, (karaniwang relihiyon ng mga dayuhan mula sa hilagang Africa), Protestante, at Judaism.

Pagpapahalaga ng mga taga-France

Malaki ang pagpapahalaga ng mga taga-France sa kanilang bansa at pamahalaan at karaniwang nagagalit kapag nakaririnig ng negatibong komento tungkol sa kanilang bansa. Ang pag-uugali nilang ito ay karaniwang itinuturing ng mga turista lalo na ng mga Amerikano na kawalang-galang.

Ang ekspresiyong "chauvinism" ay nagmula sa France. Bagaman ang kababaihan ay gumaganap ng mahahalagang papel sa pamilya at negosyo, marami pa rin ang naniniwalang ang France ay male-dominated culture.

Niyayakap ng mga taga-France ang estilo at sopistikasyon at ipinagmamalaki nila ang katotohanang kahit sa mga pampublikong lugar ay mala-maharlika sila.

Ang mga taga-France ay naniniwala sa "egalite" na nangangahulugang pagkakapantay-pantay, at ito'y bahagi ng motto ng kanilang bansa: "Liberte, Egalite, Fraternite." Marami ang nagsasabi na mas pinahahalagahan nila ang pagkakapantay-pantay kaysa kalayaan at pagkakapatiran, ang dalawang huling salita sa kanilang motto.

Lutuin

Ang pagkain at alak ay sentro ng buhay sa lahat ng antas ng lipunan, at maraming mga pagtitipon ang nagaganap sa isang marangyang hapunan. Palaging may tinapay sa bawat oras ng pagkain, at karaniwan nang makakita ng mahaba, crusty baguettes na iniuuwi sa bahay. Ang keso ay mahalaga ring sangkap ng bawat pagkaing French.

Bagaman marami na ang pagbabago sa estilo ng pagluluto, marami pa rin ang nag-uugnay sa kanilang lutuin sa malapot na sarsa at komplikadong paghahanda.

Ang ilan sa matataas na uri ng pagkain nila ay boeuf bourguignon – nilagang baka na kinulob sa red wine, beef broth at nilagyan ng bawang, sibuyas at kabute – at coq au vin, ulam na may manok, alak na Burgundy, Jardons (maliliit na hiwa ng taba ng baboy), button mushrooms, sibuyas at maaari ring lagyan ng bawang.

Pananamit

Ang Paris ay kilala sa matataas na uri ng fashion houses; ang mga taga-France ay kilala sa hindi matatawarang mariringal na pananamit. Karamihan sa kanila ay sopistikado kung manamit, disente at sunod sa uso (professional and fashionable style), ngunit hindi sobra sa dekorasyon (overly fussy). Ang karaniwang damit nila ay mahahabang amerikana, terno, mga bandana (scarves) at berets o bilog at malalambot na sombrero.

Sining

Ang sining ay nasa lahat ng sulok ng France – lalo na sa Paris at iba pang pangunahing lungsod – at ang impluwensiyang Gothic, Romanesque Rococo at Neoclassic ay makikita sa maraming simbahan at iba pang pampublikong gusali.

Marami sa mga kilalang artist ng kasaysayan, kabilang ang Espanyol na si Pablo Picasso at Dutch-born Vincent van Gogh ay naghanap ng inspirasyon sa Paris, at sila rin ang nagpasimuno ng impressionism movement.

Ang Louvre Museum sa Paris ay ilan sa pinakamalalaking museum at ang tahanan ng maraming kilalang gawa ng sining, kasama na ang Mona Lisa at Venus de Milo.

Mga Piyesta at Pagdiriwang

Ipinagdiriwang ng mga taga-France ang mga tradisyunal na piyesta ng mga Kristiyano tulad ng Pasko at Mahal na Araw. Inaalaala din nila ang May Day, kilala rin bilang Araw ng mga Manggagawa tuwing Mayo 1 at Araw ng Tagumpay sa Europa kapag Mayo 8 bilang pag-alaala sa pagtatapos ng pakikipaglaban sa Europa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang Araw ng Bastille ay ipinagdiriwang tuwing Hulyo 14, ang araw kung kailan ang fortress ng Paris ay binagyo ng mga rebolosyunista upang masimulan na ang Rebolusyon sa France.

-French Culture: Customs and Traditions – LiveScience, kinuha noong

Disyembre 3, 2014; Mula sa www.livescience.com/39149-french-culture.html

Grade 10 Filipino ModuleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon