Ang Ningning at Ang Liwanag

10.2K 36 0
                                    

Ang Ningning at Ang Liwanag

(Mula sa Liwanag at Dilim)

ni Emilio Jacinto

Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira sa paningin. Ang liwanag ay kinakailangan ng mata, upang mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay-bagay.

Ang bubog kung tinatamaan ng nag-aapoy ng sikat na araw ay nagniningning; ngunit sumusugat sa kamay ng nagaganyak na dumampot.

Ang ningning ay maraya.

Ating hanapin ang liwanag; tayo'y huwag mabighani sa ningning.

Sa katunayan ng masamang kaugalian: Nagdaraan ang isang karuaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo'y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapua'y marahil naman ay isang magnanakaw, marahil sa isang malalim ng kaniyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang sukaban.

Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan. Tayo'y napapangiti, at isasaloob.

Saan kaya ninakaw? Datapua'y maliwanag nating nakikita sa pawis ng kaniyang noo at sa hapo ng kaniyang katawan na siya'y nabubuhay sa sipag kapagalang tunay.

Ay! Sa ating naging ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa liwanag. Ito nga ang dahilan kung kaya ang mga loob na inaakay ng kapalaluan at ng kasakiman ay nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalong-lalong na nga ang mga pinuno na pinagkatiwalaan ng ikagiginhawa ng kanilang mga sakop at walang ibang nasa kundi ang mamalagi sa kapangyarihan sukdang ikainis at ikamatay ng bayan na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan.

Tayo'y mapagsampalataya sa ningning, huwag nating pagtakhan ang ibig mabuhay sa dugo ng ating mga ugat at magbalat-kayong maningning.

Ay! Kung ang ating dinudulugan at hinahainan na puspos na galang ay ang maliwanag, ang magandang asal at matapat na loob, walang magpapaningning pagka't di natin pahahalagahan. At ang mga isip at akalang ano pa man ay hindi hihiwalay sa maliwanag na banal na landas ng katuwiran.

Ang kaliluhan at ang katampalasanan ay humahanap ng ningning upang hindi mapagmalas ng mga matang tumatanghal ang kanilang kapangitan; nguni't ang kagalingan at ang pag-ibig na dalisay ay hubad sa ningning, mahinhin, at maliwanag na mapatatanaw sa paningin.

Ang mahabang panahong lumipas ay isang labis na nagpapatunay ng katotohanan nito.

Mapalad ang araw ng liwanag!

Ay! Ang Anak ng Bayan, ang kapatid ko, ay matututo kaya na kumuha ng halimbawa at lakas sa pinagdaanang mga hirap at binatang mga kaapihan?

- Mula sa Panitikan ng Pilipinas nina Panganiban at Panganiban, 1998

Grade 10 Filipino ModuleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon