Puasa: Pag-aayunong Islam
Halaw sa Ingles na isinalin sa Filipino ni Elvira Estravo
Nag-aayuno ang mga Muslim. Tinatawag itong Puasa ng mga Muslim sa Pilipino at Saum sa Arabic. Ginagawa ito upang tupdin ang turo ng Qur'an na nagsasaad ng ganito: "Kayo na naniniwala! Ang pag-aayuno ay iniuutos sa inyo at inutos din sa mga nauna sa inyo, upang inyong matutuhan ang disiplina sa sarili."
Ang puasa ay isang ganap na pag-aayuno sa pagkain, pag-inom, kasama na ang ano mang masasamang gawi laban sa kapwa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. Hinihinging mag-ayuno ang mga Muslim sa loob ng 29 hanggang 30 araw ng Ramadam, ang ikasiyam na buwan sa kalendaryong Islam. Napili ang buwang ito dahil dito nangyari ang unang paghahayag ng Qur'an kay Propeta Mohammad, sa kuweba ng Hira.
Kinahapunan ng unang araw ng Ramadan, mga bandang ikaanim ng hapon, sama-sama o grupo-grupong naliligo ang mga Muslim bilang paglilinis at bilang paghahanda sa puasa. Ang araw na ito'y tinatawag na peggang ng mga taga-Maguindanao. Naghahanda ng kanduli o pagkain ang bawat bahay. Kung minsan, ang mga pagkain sa iba't ibang bahay ay dinadala sa mosque at ipinakakain sa mga naroon. Ang kanduli at paliligo ang simula ng gawaing Ramadan sa loob ng 29 hanggang 30 araw batay sa paglitaw ng bagong buwan.
Sa pagitan ng ikatlo at ikaapat ng umaga o bago sumikat ang araw, ang bawat Muslim na may kakayahang mag-ayuno ay kumakaing mabuti ng almusal na tinatawag na saul. Pagkakain ng saul o kaya'y bago sumikat ng araw, lahat ng uri ng pagkain, maiinom o ano mang dadaan sa bibig ay ipinagbabawal. Pagkakain, maaaring bumalik sa pagtulog o magbasa ng Qur'an.
Ipinagpapatuloy ang araw-araw na gawain sa panahong ito ng puasa. Ang ila'y umuuwi nang maaga sa bahay o nagtitipon sa mosque kasama ang mga kaibigan, nagbabasa ng Qur'an o nag-uusap ukol sa relihiyon. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagtsitsimis.
Ang pag-aayuno ay natitigil paglubog ng araw. Sa ilang pagkakataon, ang pagtigil ng pag-aayuno ay ginagawa sa bahay ng datu o sinuman sa komunidad na boluntaryong maghahanda ng pagkain. Tinatawag na pembuka ang paghahandang ito.
- Mula sa Hiyas ng Lahi 9, Vibal Publishing House, 2013
BINABASA MO ANG
Grade 10 Filipino Module
De TodoFor all coming grade 10 and grade 10 for now. Just to help ya.