Day Two (Jan. 8, 2019)
[To my Destiny...
May nangyari. Hindi kapani-paniwala.][To my Destiny...
Okay lang ba kung ikukuwento ko sa’yo? Wala kasi akong mapagsabihan. Siguradong walang maniniwala sa’kin.]***
“Ehem. Ehem. Ehem!” Anim na beses na akong umuubo nang sinasadya sa harap niya ngunit mukhang hindi niya pa rin naiintindihan ang ibig kong sabihin.
Imbes kasi na tigilan ang ginagawa niya ay nagawa pa niyang magtanong ng painosente, “Malala na yata iyang ubo mo, Master. Gusto mo bang ikuha kita ng gamot?”
Gusto ko ng iuntog ang sarili kong ulo sa narinig ko mula sa kanya. Sino bang hindi eh ang slow niya?!
Binalik ko nalang ang pansin ko sa librong binabasa ko at pilit na ipinapasok sa aking kokote ang mga salitang nakaimprinta dito. May exam kami bukas sa isang major subject kaya nag-absent ako ngayon tutal hindi naman masyadong mabigat ang mga asignatura ko sa araw na ito.
‘yon nga lang, imbes na makapagconcentrate sa aking binabasa ay mas lalo pa akong walang maintindihan dahil na rin dito sa ginagagawa ni Fiel. Tinatangay niya kasi ang konsentrasyon ko na dapat nakatuon sa libro.
“Itigil mo na ‘yan. Isa.” Bilang ko pa nang hindi niya pa rin tinitigil ang ginagawa niya.
“Ang alin, Master?” patay-malisya niyang tanong dahilan para tingnan ko siyang muli. Pansin ko ang pagkunot ng kaunti ng kanyang noo na tila nagpapahiwatig na naguguluhan nga siya sa sinabi ko.
Kaagad akong napahawak sa aking noo upang marahan itong hilutin. Magkaka-migraine yata ako sa kanya. Hindi ko kasi alam kung magaling lang ba siya mag-acting o totoong hindi niya alam ang ginagawa niyang mali!
Pinalipas ko ang ilang segundo, hinihintay na tumawa siya bigla sabay sabing, ‘Sorry na Master, hindi ko sinasadya.’ kaso hindi ko iyon narinig sa kanya.
Bagkus ako pa ang naunang bumasag ng katahimikan. “Hindi mo ba talaga naiintindihan?”
Tumango naman siya nang walang pag-aalinlangan kaya napabuntong hininga nalang ako at tinanong siya, “Ganyan ka ba talaga? Tumititig sa mukha ng kahit sino mang kaharap mo nang halos kalahating oras?!” Idinaan ko nga lang sa taray ang tanong ko upang hindi masyadong nakakailang ang pagkompronta ko sa kanya.
Kanina pa kasi niya ‘yan ginagawa, na tila ba may kung anong nakakaaliw na nakapaskil sa mukha ko para titigan niya ako ng ganoon katagal. Grabe, hindi ba nakakasawa ang mukha ko?
Mula sa gulong-gulo niyang mukha ay unti-unti rin itong napalitang ng isang makahulugang ngiti. “Binilang niyo talaga kung ilang minuto ako nakatitig sa iyo, Master?”
Napasimangot ako lalo sa sinabi niya. “Estimated lang ‘yon!”
“Kahit na. Isa lang ang ibig sabihin no’n, sumusulyap-sulyap ka rin sa’kin. Hindi mo naman kasi ito malalaman kung hindi, diba Master?”
Sinamaan ko siya ng tingin at malakas na isinara ang librong binabasa ko bago siya sagutin. “Alam mo dalawang araw pa lang kitang kasama, pansin na pansin ko na kaagad na napaka-assuming mo! Sa tingin mo hindi ko mahahalata na nakatitig ka sa’kin eh harap-harapan pa ’yang pagtitig mo?”
Naiinis na talaga ako sa kanya! Kahapon pa niya sinusubukan ang pasensya ko. Unang-una, ‘yong Angel bert issue. Tapos ‘yong tawag niya sa’kin na Master. Pwede namang Llana. Ngayon naman , itong pagtitig niya!
Sa totoo lang, ang haba haba sana ng pasensya ko eh kaso simula kahapon nang makilala ko siya, para biglang may pumutol at nagpaikli nito. O baka dahil ang slow niya kaya pakiramdam ko sinisiraan niya ako ng bait? Ay ewan ko ba!