**~**
Day Eight
[Jan 14, 2019]Sukbit ang bag sa aking kanang balikat, bumaba na ako sa huling palapag. Alas singko na ng hapon at karamihan sa klase rito ay nagtatapos ng alas kwatro kaya halos pa-isa isang estudyante na lang ang aking nakasalubong sa hallway. Gano’n pa man, binibilisan ko pa rin ang aking paglalakad sapagkat ayaw kong magkatinginan kami ng mga mata nilang mapanghusga. Kahit na ilang taon pa siguro ang lumipas ay hindi na nito mababago ang tingin nila sa akin… na anak ako ng isang kriminal.
Nasanay na ako. Halos araw-arawin ko na nga ang pagtitig sa lupang aking dinaraanan upang makaiwas lang sa nakakailang na mga titig nila. Minsan nga lang talaga kinakailangan kong mag-angat ng ulo at sa mga pagkakataong iyon napagtanto ko na ang hapdi ng mahusgahan at hiyang bumabalot sa akin sa ilang taon ay hindi kailanman nabawasan.
Maliban nalang siguro sa mga oras na ito. Somehow, it feels light na may isang nilalang na nginingitian ako. Yong tipong walang panghuhusga. Walang iniisip na may mali sa iyo. I know... I know his oblivious about my history kaya nagagawa niya ito. Pero gusto ko lang naman samantalahin ng ilang araw ang pakiramdam na may maituturing akong kakilala na tanggap ako. Siguro nga nagsisinungaling ako sa sarili ko with this kind of thinking pero wala namang sigurong mawawala sa akin.
"Master!" kasabay ng pag-alingawngaw sa buong hallway ng kanyang boses ay ang pagkaway niya para palapitin ako. "Nakita mo na ba ito?"
Nakaharap siya do'n sa bulletin board na nakakabit katabi ng pinto ng faculty room ng aming departamento. Lumapit ako at sinilip na rin ang tinatanaw nito.
Kaagad akong napangiwi.
"Master, hindi ba't ito ang pagtitipon-tipon ninyong mga estudyante para sa isang gabi ng kasiyahan at pagkakaibigan?" seryoso niyang tanong nang hindi inaalis ang pagkakatitig sa poster na nakapaskil. Halos idikit na nga niya ang mukha niya dito na para bang sinisiguro niyang tama ang kanyang nababasa. "Batay pa rin sa aking mga nasagap na impormasyon sa inyong kapanahunan, ito rin ang okasyon na magsasayaw kayo sa saliw ng mga tugtugin sa ilalim ng iba't ibang kulay na ilaw na lumiliwanag at dumidilim." dugtong pa nito na halatang manghang-mangha pa rin sa ideya ng okasyong ito.
"Oo, 'yon nga Fiel." maikling sagot ko rito. Balak ko na nga sanang umalis sa tabi niya kaso mabilis niyang naiharang ang sarili niya sa aking harapan.
"Kung gayo'n, ano isusuot mo, Master?"
"Wala."
Pinagsisihan ko kaagad ang binitawan kong sagot. Bumilog ang kanyang mga mata at nagitla nalang ako nang hawakan niya ako sa magkabilang balikat. "Wala?! Anong wala, Master?"
"Ang ibig kong sabihin, wala… kasi wala akong balak na sumali." pagkaklaro ko bago pa kung sa'n mapunta ang iniisip nito.
"Kung hindi mo masasamain, pwede ko bang malaman kung bakit, Master?"
"Simple lang. Ayaw ko." Iniiklan ko na ang sagot sa kanya dahil gusto kong bitawan na niya nag paksang ito. Hindi ko balak na dumalo kaya wala ng dahilan para pag-usapan ito.
"Subalit Master, sayang naman ang pagkakataon. Minsan lang rin naman ito kung mangyari. Nakakapanghinayang naman kung hindi mo ito maranasan sa iyong kabataan." Hindi ko napigilang mapatitig sa kanya nang sabihin ito. Maaari siya nga ang nagsasalita ngunit tila boses ng ina ko ang aking naririnig. Marahil na rin siguro sa pagkakahalintulad ng mga salita niya sa madalas na payo sa akin ni ina. "Ngunit hindi kita pinipilit, Master. Ito lang naman ay aking pakiwari. Gusto ko kasing masaya ka at nakikita kong isa ito sa mga pagkakataong ikaw ay mawili."
Alam ko namang mabuti ang intensyon ni Fiel. And I am honestly thankful for that. Hindi nga lang niya alam ang buong pagkatao ko para maintindihan niya kung bakit ayaw ko. Kung bakit imbes na mawili ay kabaliktaran ang mangyayari sa araw na iyon.