Day Four

1K 60 27
                                    


Day Four (Jan . 10, 2019)

Nasa kalagitnaan ako ng pagsubo ng isang piraso ng sweet corn nang mapatingin ako sa kanya. Seryoso na naman siyang nakatingin sa mukha ko na parang may nababasa siya dito. Ay hindi pala parang, nakakabasa nga pala siya ng emosyon.

Sinadya ko siyang irapan at hindi pansinin. Galit ako sa kanya.

Ibinalik ko ang aking buong atensyon sa sweet corn saka ito tuluyang isinubo sa aking bibig. ‘yong tamis mula sa maliit na piraso nito ang siyang kumiliti sa aking dila at nagpangiti sa akin ng ilang sandali.

Kaya favorite ko ‘to eh! Its sweetness makes me smile like someone so in love. Teka, matagal na naman talaga akong in love... sa sweet corn.

Ngunit tulad ng kantang isang linggong pag-ibig ay mabilis ring natapos ang love story namin ng pinakamamahal kong sweet corn nang magsalita si Fiel.

Hindi rin siya masyadong panira ng moment no?

“Master, bakit hindi mo kasama ang iyong mga kaibigan ngayong break time mo?” tanong niya habang luminga-linga pa sa paligid kahit na alam na niyang wala ng ibang tao maliban sa amin. Siyempre, may tao pa bang pupunta dito sa old chapel?

“Paano mo nasisiguradong may mga kaibigan ako?” naiinis kong tugon sa kanya saka muling dumukot ng isang piraso ng sweet corn at kinain ito ng mas marahas. Kainis hindi ko na tuloy maaliw ang sarili ko sa pagkain dahil sa kanya!

“Master, anong ibig mong sabihin? Wala ka bang mga kaibigan?” nakatingin siya sa’kin, nakaabang sa isasagot ko.

Ugh! Ibinagsak ko ang supot ng sweet corn at hinarap siya.

“Kung wala nga, eh ano ngayon?” iritado ko ng sagot sa kanya at sa paraan ng pagkakasabi ko, ipinahiwatig ko ng tuldok na itong sinabi ko sa pag-uusap namin. Hindi ko na hihintayin pang may isasagot siya o sasabihin dahil dapat wala na.

Subalit, huli na nang maalala kong hindi normal itong kausap ko ngayon. Hindi niya pala maiintindihan ang mga pahiwatig ko sa tonong ginamit ko. Kaya hindi pa nga nakakailang segundo ay sunod-sunod na ang mga tanong niya.

“Master, kung wala nga, bakit naman ganoon? May dahilan ba kung bakit wala kang mga kaibigan? Paano na ang buhay mo niyan? Siguradong malungkot ka Master dahil wala kang kaibigan, tama?”

Hindi ako kaagad nakasagot. Tila ang mga tanong niya ang nagbalik sa akin sa nakaraan, mga alaalang umahon mula sa pagkakalubog sa kailaliman ng karagatan ng ilang taon na. Tapos ‘yong akala kong mga memoryang binura ko na sa puso ko ay nando’n pa rin pala. Ang masakit pa, akala ko nakapag move on na ako kahit papano - ‘yong tipong kapag naalala ko ang mga sandaling iyon ay hindi na ako masasaktan pa. Wala na dapat akong maramdamang kirot sa dibdib ko. Kasi nakalimutan ko na. Kasi tanggap ko na. Pero ngayon ko lang nalaman, hindi pa pala. Kasi kasabay ng muling pag-ahon ng mga alaalang iyon sa aking isipan ay ang muling pag hapdi ng mga sugat na akala ko matagal ng naghilom dito sa puso.

Naramdaman ko ang pangingilid ng mga luha sa aking mga mata kaya iniwas ko na ang tingin kay Fiel at pilit na iwinaksi sa aking isipan lahat nang naalala ko.

“Master,” Kahit hindi ko siya tingnan ay ramdam ko ang pag-aalala niya sa kinilos ko at maaaring dahil na rin sa nababasa niya ngayong nasasaktan ako, kaya upang hindi na niya ungkatin ang dahilan ng aking emosyon ay binalik ko ang pagtataray ko.

“Maaari ko bang burahin ang iyong alaala tungkol dito upang hindi ka na mag-alala, Fiel?” pabalang kong sagot sa kanya na kopyang-kopya pa ang boses na pagkakasabi niya kahapon.

Hindi naman siya Pentium 1 ngayon at kaagad na naintindihan ang huli kong sinabi. Nakita ko ang pagbagsak ng dalawa niyang balikat nang marinig iyon.

He's my Genie!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon