Day Seven
[Jan. 13, 2019][To my destiny...
Kamusta? Pasensya ka na, ‘di ako nakapag-email ng ilang araw. May pinagkaabalahan lang kasi ako. ‘yong alam mo na... iyong sinabi kong kakaiba at hindi kapani-paniwala noong huli kong mensahe sa’yo.
Nga pala, na-miss kong magsulat sa’yo. :”) Eh ikaw ba, na-miss mo ang mga emails ko? Hay, sigurado hindi. :< Hindi ka naman kasi nagre-reply hanggang ngayon. But as I always say, it’s fine. Basta ba’t binabasa mo pa rin ito, masaya na ako. Though I can’t deny the fact I still hope that the phone receiving my emails is on the hands of my destiny.
I hope it really is YOU. ]
Matapos kong basahin ng tatlong beses ang aking mensahe ay napansin ko ang pasimpleng pagsilip ni Fiel sa aking tinipang email na kaagad naman niyang binawi nang tumingin ako sa kanya.
Ang totoo niyan kanina ko pa siya napapansing pasilip-silip sa hawak kong cellphone at ‘di na kailangang tanungin pa kung bakit niya ito ginagawa, gusto niyang malaman ang ginagawa ko. He’s a curious genie, afterall.
Muli kong ibinalik ang aking tingin sa aking cellphone atsaka pinadala na ang aking mensahe sa aking destiny. Ako pa’y napangiti nang makita ang ‘Message Sent to your DESTINY.’ sa screen nito.
At last nakapag-email na ulit ako sa destiny ko.
Sana nga lang hindi siya nagalit sa ilang araw na hindi ko pag-e-email. Nang dahil kasi dito kay Fiel, naging abala ako at hindi man lang siya nagawang padalhan maski ‘Hi!’ man lang - na kahit kailan ay hindi pa nangyayari simula nang una kong pagpapadala ng mensahe sa kanya.
Naikunot ko ang aking noo sa aking napagtanto.
Araw-araw may email akong pinapadala sa kanya. Minsan pa nga’y umaabot ng limang emails ang mensahe ko sa dami ng gusto kong sabihin sa kanya pero sa ilang araw lang na dumating si Fiel, tila nakalimutan ko siya. Ni isang kakarampot na email, ‘di ko man lang siya napadalhan.
Hala! Baka isipin no’n dahil may matatawag na akong kaibigang laging nasa tabi ko ay kinalimutan ko na siya? Na hindi ko na siya kailangan?
Napanglingo ako, pilit na inaalis ang mga ideyang gumugulo sa aking isipan ngayon. Hindi naman siguro ganoon mag-isip ‘yong destiny ko. Maiintindihan niya naman siguro ako.
Huminga ako ng malalim at tumingin nalang ulit sa genie na katabi kong nakaupo ngayon sa sofa. Nakatingin ito sa kawalan, hindi mo mawari kung may iniisip ba o simpleng nakatitig lang talaga. Paano naman kasi malalaman kung hindi madalas magbago ang ekspresyon ng kanyang mukha, diba? Wala kang kahit isa man lang clue sa kung ano mang iniisip niya.
“Master.” Napaatras naman ako ng kaunti nang bigla niyang iharap ang mukha sa akin at tawagin ang pangalan ko. Instinct ko na rin siguro ang may gawa no’n lalo na’t sa pagharap niya’y ilang pulgada nalang magdidikit na ang mga dulo ng aming ilong.
“Bakit?” conscious ko pang tanong dito.
Itinagilid niya ng kaunti ang kanyang ulo at ibinato ang isang tanong. “Ano ang destiny, Master?”
Nag-loading pa ako ang utak ko sa tanong niyang iyon. Hindi ko kaagad ito naintindihan dahilan nang limang segundong pagkatulala ko. Ngunit matapos maiproseso ng utak ko ito ay napalitan ang pagkailang ko ng tuwa. Kusang kumurba pataas pa nga ang aking labi na hindi ko na napigilan pa.
“Saan mo nasagap ang salitang ‘yan?” nakangiti kong tanong sa kanya habang nakakrus ang aking mga braso.
Ang totoo niyan, may hula na ako sa kung sa’n niya ‘yon nahanap pero gusto ko lang mula sa kanya manggaling ang sagot. Gusto kong malaman kung tapat ba siya sa akin. Isa pa, hula lang naman iyon, baka naman mali ako... which I highly doubt, though.