Day Six [Jan. 12, 2019]"Breakfast in bed!"
Bago pa ako makaangal at mapigilan siya sa kanyang balak ay naikumpas na niya ang kanyang mga daliri... and just like magic I see on TV, isang maliit na mesa ang bigla nalang sumulpot sa harapan ko mula sa kawalan. May nakapatong pa nga ditong isang pinggan na may lamang kanin, isang sunny side up, at ilang bacon. Sa kanang tabi naman nito ay isang basong puno ng gatas habang isang saging naman ang nasa kaliwa.
"Fresh Milk para pampatibay ng mga buto mo, Master." mabilis niyang sagot nang kunot-noo kong itinaas ang baso ng gatas.
Hindi ko naman napigilang 'di magduda sa sagot niya. Oo, siguro paranoid na ako pero ang pagkakaintindi ko talaga sa sinabi niya ay kailangan ko ng mas malakas na buto lalo na't lagi akong sinasaktan ng mga schoolmates ko. Alam niyo 'yon, baka double meaning ang sinabi niya at pinapahiwatig ni Fiel na alam na niya ang totoo.
Ngunit sa ilang segudo kong pagtitig sa kanyang mukha ay wala namang bakas dito na may alam na siya sa totoong pagkatao ko.
Napabuntong hininga ako at ibinalik ang buong pansin sa nakahandang umagahan dito sa kama ko.
"Fiel, hindi mo naman kailanga-" hindi ko na naituloy ang aking pagrereklamo nang kontrahin ako kaagad ng mga alaga ko sa tiyan.
Ugh, nakakahiya!
Nang dahan-dahan kong iniangat ang tingin ko kay Fiel ay nadatnan ko itong seryosong nakatingin sa akin, na tila hindi apektado sa narinig niyang pagkalam ng aking tiyan.
"Kumain ka nalang muna Master. Kung kulang pa ang aking hinanda, sabihin mo lang sa akin. Ako ang bahala." Sabi pa niya na hindi nagbabago ang ekpresyon sa mukha. Ngunit, sa kabila ng seryosong pagkakasabi niya no'n ay malakas ang pakiramdam ko na kung normal na tao lang talaga itong kaharap ko ngayon at hindi isang genie na parang robot, siguradong pinagtatawanan na niya ako. I mean, kahit iyong sinabi niya ngayon lang ay parang nagpapahiwatig, hindi ba?
Balak ko pa sanang sagutin ang sinabi niya, ipaalalang Master niya ako, ngunit napayuko nalang ako sa hiya nang tumunog ulit ang tiyan ko dahil sa gutom.
Oo na! Kakain na!
Tahimik ko nalang na kinain ang hinanda ni Fiel para sa'kin habang siya nama'y mukhang nakaupo sa dulo ng aking kama. Hindi ko na siya pinansin pa at inabala nalang aking sarili sa pagkain kahit na sa totoo lang hindi ako komportable ngayon.
Bakit?
Dahil pa rin kay Fiel. May iba pa bang dahilan?
Wala naman talaga sanang problema na nandito siya sa loob ng kuwarto ko lalo na't madalas na itong mangyari sa araw-araw ngunit mas nakakailang ngayon dahil habang sinusubo ko ang pagkain sa aking bibig ay nakakatitig pa rin siya sa akin.
Okay lang sana kung tao siya, pwede ko siyang imbitahing kumain na rin para mawala ang awkwardness kaso genie siya. Hindi sila kumakain.
Huminga ako ng malalim, kumukuha ng kompiyansa upang sabihin ito sa kanya. "Hindi ba't sinabi ko na ang ayaw ko sa lahat ay 'yong tinititigan ako?" mataray kong paalala matapos lunukin ang ininom kong gatas nang hindi siya tinitingnan. "Hindi naman ako maglalaho kung aalisin mo ng kahit isang segundo ang tingin mo sa'kin." dagdag ko pa sabay patuloy sa pagkain.
Hindi ko na inaasahang may isasagot pa siya sa sinabi ko, ang gusto ko lang ay bawas-bawasan lang niya ang kanyang pagtitig lalo na at kumakain pa ako dahil sa totoo lang nakakailang na talaga.
Sino, aber, ang matinong tao na nag-e-enjoy na tinitigan habang kumakain? Pa'no ka naman magiging komportable sa ganoong set-up? Maliban nalang siguro kung endorser ako ng bagong pagkain, kaso kahit footwear model, hindi nga ako papasa eh.