Day Thirteen
Jan. 19, 2019**--**
Tinabig ko ang kamay nito bago pa niya mapulot ang iilang lata ng maanghang na beef loaf. Ako na mismo ang kumuha ng mga ito mula sa shelf at inilagay ito sa cart.
"Bawal nga sabi, diba?" halos pabulong ko pang paalala rito nang akma naman niyang hahawakan ang cart. Umiiling akong nakatingin rito kaya kaagad naman nitong inilikod ang kanyang dalawang kamay.
Itinulak ko na ang cart patungo sa shelves ng mga instant noodles. Nandito kami sa loob ng supermarket ngayon at namimili ng iilang necessity sa boarding house. At dahil nga mag-isa lang akong nakatira doon, nang hindi binibilang si Fiel, ay hindi ako madalas magluto. Kung magluluto man ako ay 'yong easy to cook nalang tulad ng pancit canton. Kumuha ako ng lima nito matapos damputin ang iilang spicy beef noodles sa tabing shelf.
"Ang dami niyo naman bibilhing ganitong klase ng pagkain. Alam niyo po bang hindi ito nakakabuti sa inyong katawan, Master?" puna nito habang sinusuri ang ingredients list ng pancit canton na nakatalikod ang pagkakadisplay.
Lumingon muna ako sa paligid upang siguraduhing walang ibang tao sa aisle bago ko siya sagutin. "Fiel, hindi ko naman ito uubusin sa isang linggo. Pansin mo ba? Madalas sa labas lang ako bumibili ng pagkain kaya itong mga bibilhin ko ngayon eh para lang sa mga araw na nagmamadali o kaya tinatamad akong lumabas."
Saktong naitikom ko na ang aking bibig nang may mapadaang isang babaeng mamimili rin. Nahinto ito saglit pero kaagad ring umalis dahil sinipat lang nito ang aisle number at kung ano ang mga produktong nakadisplay.
"Master, kung nagmamadali ka o tinatamad, isang kumpas ko lang naman ay may makakain ka na ng masarap at masustansya pa. Kaya sa totoo lang, hindi ko lubos maintindihan kung bakit bumibili ka pa kung nandito naman ako."
Kung iisipin mo may punto siya. Nandito siya at kayang-kaya niya akong bigyan ng kahit anong gustuhin kong kainin, kahit sa'n pa ko pa hingin. Subalit… isa lang siyang trial card na binigay sa akin ng pagkakataon.
Ilang segundo pa ang aking ginugol upang maiayos sa aking isipan ang mga salitang isasagot ko sa kanya.
"Oo, nandito ka nga ngayon sa tabi ko, Fiel." panimula ko. "Ngunit, hindi ka naman magtatagal sa buhay ko. Kaya hindi ako pwedeng masanay at dumepende na lang lagi sa iyo. Okay?"
Siguro nga ang sitwasyon namin ang perepektong halimbawa na walang forever. Ang maganda nga lang sa ganitong uri ng kwentong ay alam at tanggap ko na ang katapusan bago pa man ito nagsimula.
A thirty day story bounded by a contract.
"Napapansin ko madalas mo na 'yatang nakakalimutang tatlumpong araw lang ang kontrata." dagdag ko rito nang sinimulan ko ng itulak muli ang cart.
Nasabi ko lang naman ito dahil naalala ko ang mga pagkakataong parang wala siyang sense of time. Ang ibig kong sabihin tulad sa Valentines Ball. Nagpresenta pa itong sasamahan ako kahit na hindi na siya aabot ng Feb 14. Hindi ko alam kong kinalimutan niya ba ng sadya upang mapagaan lang ang loob ko sa pagsali o hindi lang talaga sumagi sa isip niya na wala na siya ng mga panahong 'yon?
Nasa aisle na ako ng mga detergent. Isinantabi ko saglit ang cart upang kumuha ng ilang sabong panlaba. Kumuha na rin ako ng ilang piraso ng Downy isang banlaw para mas mapadali ang panglalaba ko mamaya.
Nang maayos ko na itong mailagay ko sa dulong bahagi ng cart ay napuna ko mataimtim na pagmamasid ni Fiel sa iilang mamimili na may kasamang kaibigan o kaya kapamilya na naglalagay ng mga item sa kani-kanilang cart.
"Okay ka lang?" Wala namang kahit sinong malapit sa aking kinatatayuan ngayon kaya nagawa ko itong tanungin.
Nakapamulsa ito nang lingunin ako. Mga ilang segundo niya rin ako titinigan bago ito nagsalita. "Siguro masaya kayo dahil nakakasama niyo ang ibang tao ng pang matagalan."