Cure #4: Lorenzo
Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi,
Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin?
Ang matuwid ay giginhawa na parang puno ng palma. Siya'y tutubo na parang cedro sa Libano.
Piliin mo ang lugar kung saan ka mamamatay, hindi 'yung kung saan-saan ka lang bumubulagta na parang isang hayop. Iyon ang parating paalala ni Itay sa amin. Mayabang siya at alam iyon sa buong lugar ngunit hindi siya kinokontra sapagkat talaga namang may maibubuga rin sa labanan. Masyado lang talaga siyang hambog na nagagawa pang banatin ang katotohanan at gawing mas mabagsik ang mga nakalaban niya noong kanyang kabataan upang masabi ng mga tagapakinig na talagang matapang siya at walang inuurungan.
Bawal ang yabag na may tunog. Bawal magsalita habang kumakain, ang tumunog ang bibig habang ngumunguya at hindi rin pwedeng mag-angat ng tingin upang tingnan ang plato ng iba. Bawal mangatwiran kapag pagagalitan at higit sa lahat, bawal ang magmura. Hindi ko pa man kilala si Hitler ay namulat na ako at ang labindalawa ko pang mga kapatid sa disiplinang ipinapatupad ni Itay sa bahay. Hindi ko pinoproblema ang kahigpitan niya dahil sa lahat ng bawal ay wala naman akong hilig suwayin kaya ni minsan ay hindi sumagi sa isip kong magrebelde sa kanya.
Ngunit iba ang mga kapatid ko. Malaking bagay sa kanila ang kalayaan bilang mga binata't dalaga. Wala silang ibang inaasam kung hindi ang makawala sa bakal na kamay ni Itay. Ang iba ay namasukan bilang katulong sa ibang bayan at ang iba ay nag-asawa na para lang makalayo. Kaming mga mas nakababata ang naiwan kasama ang nakakatandang inaasahan ni Itay sa bukid.
Kastila ang ama ni Itay kaya marahil ay doon niya nakuha ang pagiging mahigpit sa maraming bagay.
Minsang nanaginip ako, nakita ko si Itay habang tumatakbo at hinahabol ng kalalakihang may bitbit na itak. Magaling ngang makipaglaban si Itay dahil hindi siya napupuruhan at kahit walang itak ay nasusuntok niya naman ang mga kalaban kasabay ng pagsipa sa mga nasa likuran. Sumisirko pa siya sa ere na parang si Lito Lapid. Naghahabulan sila sa ilog, pinapaputukan ng mga lalaking may armas si Itay na listong lumiliyad upang huwag tamaan ng mga balang napakabilis ngunit bumabagal kapag palapit na sa kanya.
Sumakay rin siya kay Henya at mabilis na ipinasipa sa kabayo ang mga papalapit na kalabang tumilapon nang paliyad sa mabatong tubigan. Umalis siya nang nakangiti.
Kinabukasan, natagpuan si Itay sa gilid ng ilog, nakahandusay, naghihingalo, halos naliligo ng dugo at puno ng pasa at galos sa katawan. Nang nalinisan siya ay saka lang namin nalamang pinutol na ang dila niya.
"Mga rebelde," bulong ni Kuya Rosi. Siya ang mas nakakatanda sa akin, bente-uno anyos. Ako ang bunsong lalaki at ang tatlong sumunod ay pawang mga batang babae.
"Ito na nga ba ang sinasabi ko! Ginawa na nga nila!" sabi ni Inay habang balisang umiiyak. "Pinagbantaan na 'yan e! Umalis pa rin! Sinabing mag-ingat e, katigasan naman kasi ng ulo!"
Hindi man namatay sa kung saan lang si Itay, masyado naman siyang napahiya sa nangyari. Halata ko sa malungkot niyang mukha sa loob ng kabaong.
***
Nasa ilog kami ni Inay upang labhan ang mga kumot na ginamit ni Itay, kasama ang tatlo kong nakababatang kapatid. Ang isa ay dalawa, ang pangalawa ay apat at ang pangatlo ay anim. Tigdadalawang taon ang pagitan nila. Ako naman ay abala sa pamamana ng isda nang biglang dumilim ang kalangitan. Siyang pag-ahon ko, isang dambuhalang ibon ang bumangga sa isang malaking bahay ng pukyutan kaya nahulog ito malapit kina Inay. Nagkagulo ang mga naglalaba sa ilog, mabilis na kinarga ni Inay ang bunso, inakay ang pangatlo at tumakbo palayo upang matakasan ang mga nagwawalang pukyutan. Noon ko naisip kung gaano ako kaduwag dahil sa halip na tulungan ang kapatid kong naiwan ni Inay ay pinili kong lumublob sa tubig. Huli kong nakita ang pangalawang sumisigaw habang tinatakpan ang mukha ng dalawang kamay; ang buong katawan ay itim na dahil nabalot ng napakaraming mga pukyutan.
BINABASA MO ANG
SUICIDE OUTBREAK: Round Two
RandomLITERARY OUTBREAK: SURVIVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 1) Suicide Outbreak: Round Two