Cure #5: Super Diego
MALAMIG at ga-butil na pawis ang tumulo mula sa noo ni Super Diego habang pinagmamasdan ang mga magnanakaw na tumatakbo sa kalsada. Kahit tirik na tirik ang araw ay hindi pa rin matitigil ang layunin niyang pigilan ang dalawang lalakeng nakasuot ng mga itim na damit at ang mga mukha'y natatakpan ng mga panyong kulay itim din. Alam niyang galing ang dalawa sa isang malaking bahay, dala-dala ang ilang sako na nakasabit sa mga balikat ng mga ito.
Napakunot na lamang ng noo si Super Diego at mabilis na ihinakbang ang mga paa para dali-daling makalapit sa mga ito na ngayon ay nasa dulo na ng bangketa. Animo'y hinahabol siya ng aso sa sobrang tulin ng takbo niya. Ni hindi niya na alintana ang pawis na kanina pa dumadaloy mula sa kanyang noo. Ang gusto niya lang ay magawa ang misyon niya, ang ipagtanggol ang bayan niya sa mga naaapi.
Nang marating ang dalawang magnanakaw ay buong pwersa niya itong pinigilan sa pamamagitan ng paghawak sa kwelyo ng dalawa na para bang mga laruan lamang ang mga ito. Sa sobrang lakas niya'y napigilan niya itong tumakbo gamit ang dalawa niyang kamay. Walang kahirap-hirap niyang pinag-umpog ang mga ulo ng dalawang magnanakaw, dahilan para mahilo ang dalawa at hindi na makatakbo pa. Nang makitang wala nang takas ang dalawa ay saka lang siya naging kampante.
Narinig niya na ang malakas na tunog ng wang-wang na nanggagaling sa sasakyan ng mga pulis. Alam niyang ilang minuto lang ay dadating na ang mga ito kaya wala na siyang inakasayang oras. Mabilis siyang tumakbo papalayo sa pinangyarihan, baon ang mga hiyawan, palakpakan at ngiti ng mga mamamayang nakasaksi sa nagawa niyang kabayanihan. Walang nakakikilala sa kanyang pagkatao. Ang alam lang nila'y siya si Super Diego, isang bayaning handang ibuwis ang buhay para sa bayan.
SI SUPER DIEGO, isang sampung taong gulang na batang nagtatago sa likod ng pulang kapa at pulang maskara. Suot niya ang asul na t-shirt na nanggaling sa minamahal niyang ina at maong na short na gamit na gamit na. Kaiba sa mga bayaning tulad nila Super Man at Batman, si Super Diego ay isang simpleng bata lamang...na may malikot na imahinasyon. Wala siyang super powers, wala siyang kahit ano...tanging ang pulang kapa na sumisimbolo sa pagiging bayani lamang ang meron siya. Iyon lang ang meron siya.
Napasabay siya sa saliw ng paboritong kanta na nagmumula sa mp3 player niya, halos nakalimutan na ang mga laruang magnanakaw na nasa magkabilang kamay. "Ikaw ang magsasabing kaya mo 'to! Tulad ng isang tanglaw sa gitna ng bagyo." Ilang linya pa ng kanta ang sinabayan niya habang pikit na pikit pa ang mata nang marinig niya naman ang pagtawag ng ina.
"Diego, tama na ang paglalaro. Halika rito para mainom mo na ang mga gamot mo. Baka sumakit pa 'yang dibdib mo, eh. At saka bakit suot mo 'yang kapa at maskara? 'Di ba't sabi ko'y wag kang maglililikot at baka atakehin ka na naman ng asthma?" may halong pag-aalala na turan ng kanyang ina.
Naramdaman niya ang pagtapik ng ina sa balikat niya, dahilan para imulat na ang mga matang kanina lang ay nakapikit pa. Muling tumambad sa kanya ang katotohanang kahit kailan ay hindi siya magiging kasing-lakas at kasing-tibay ni Super Diego.
Napatingin siya sa mga bagay na nakakabit sa katawan niyang halos buto't balat na. Puting-puti ang paligid. Tanging ang kapang suot ang makulay na bagay na makikita sa lugar. Tiningnan niya ang ina na nakatayo sa tabi ng isang nurse na may dala ng mga gamot niya. Hindi niya maintindihan ngunit naramdaman niya na lang ang bahagyang pag-init ng mga mata na sinundan ng pagtulo ng masaganang luha na dumaloy sa kanyang pisngi.
"'Nak, tahan na... Sige, hahayaan pa kitang maglaro mamaya. 'Wag ka lang umiyak, makasasama sa 'yo 'yan, eh..." maluha-luhang sabi ng ina niya na mas lalong nagpaiyak kay Diego.
BINABASA MO ANG
SUICIDE OUTBREAK: Round Two
CasualeLITERARY OUTBREAK: SURVIVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 1) Suicide Outbreak: Round Two