Cure #5: Maiingay Na Gabi

345 13 11
                                    

Cure #5: Maiingay Na Gabi

MALALIM na ang gabi. Mula sa bintana ay natatanaw ko ang makikinang na mga bituin na kumikislap sa aking mga mata na para bang ako'y hinehele. Hinahaplos, dinuduyan, binubulungan, matulog ka na. Ipipikit ko ang aking mga mata at mararamdaman ang kapayapaan ng gabi.

Mali.

Gaano ko man ipikit ang aking mga mata, gaano ko man ipagpilitan ang sarili kong matulog na. Ang mabilis na tibok ng aking puso. Ang sunod-sunod nitong pagpintig. Sa bawat pintig na tila tambol na gumigising sa buo kong diwa. Hindi ako makakatulog.

Gaano pa ba karami ang dapat kong isipin para lang malayo ako sa katotohanan? Gaano pa ba karami ang ibubulong ko sa aking sarili para lamang matakpan ang mga ingay?

Gabi-gabi ko na lamang naririnig ang mga sigaw; sigaw ng galit, sigaw ng sakit.

Isang pader lang ang naghihiwalay sa amin. Sa kabilang pader naroon ang aking mga magulang. Umaalingawngaw ang boses ng aking ama, nagagalit, nagwawala. Sasagutin ng mga ungol ng aking ina, nasasaktan, nahihirapan.

Alam mo yung hindi mo nakikita pero nararamdaman mo? Isang pader ang naghihiwalay sa amin subalit sa tuwing umaalingangaw ang kanilang boses ay para bang naglalaho ang pader. Parang pakiramdam ko ay pinapanuod ko sila. Naiisip ko kung ano ang ginagawa nila. Tumatakbo ang malikot kong utak at nakakabuo ng mga eksena.

Katulad na lamang ngayon, malakas ang sigaw ni Papa...

Isang mapanghamok na mukha, bungangang amoy alak. Sa kanyang galit na mukha ay kung anu-ano na lamang ang lumalabas na salita.

"Wala kang kwenta! Puro ikaw na lang ang magaling! Mawala ka na sana!"

Puro kung anu-anong walang katuturan na salita ang kanyang isinasaksak sa puso ng asawa. Mga sigaw at murang lumalabas mula sa kanyang maruming bibig, hindi inaalintana ang sakit na nalilikha.

Puro boses lamang ni Papa ang naririnig ko...

Tuloy-tuloy ang kanyang mga salita at hindi pumepreno. Ang asawang takot, sinisiksik ang sarili sa sulok. Umiiyak, nagmamakaawa. Nagdarasal na sana'y matapos na ang lahat.

Pero hindi lang diyan, mas lalong kumirot ang puso ko nang marinig ko ang pag-ungol ni Mama.

Hindi sapat ang salita para makasakit, dadagdagan niya pa ito ng kamay. Mga mararahas na kamay na humahampas sa asawang kaawa-awa. Mahigpit ang pagkakahawak sa balikat nito't iaalog-alog. Pagkatapos ay itutulak sa pader. Sasaktan, Susuntukin, sasampalin. Sa sobrang sakit ay mapapaungol na lang ang asawa. Hindi niya na matago ang sakit na nararamdaman. Ang buong katawan niya'y nanakit, nanghihina, nawawalan ng lakas subalit hindi pa rin tumitigil ang mister sa pang-aalipusta.

At ang pinakanakatatakot sa lahat, 'yung tipong tumataas na ang mga balahibo ko, ay nang nakarinig ako nang paghampas at nakaramdam nang pagyanig.

Anumang makita ay kukunin at ipupukol sa asawa. Mapaunan, suklay o anumang bagay na matanaw ng mata. Walang pake kung mabigat o matulis. Ang mahalaga'y mapunan ang kanyang nais. Kaya ang tumatangis na asawa'y walang magawa kung hindi tanggapin ang lahat ng sakit na binibigay sa kanya. Ganito siya kahandang masaktan dahil lang sa nagmamahal siya...

Ito ang mga senaryong naglalaro sa aking imahinasyon. Maaring hindi konkreto pero posibleng totoo. Maari ring masyadong marahas ang iniisip ko o baka mas marahas pa pala ang nangyayari sa kabilang pader na ito.

Ano? Ano nga ba ang nangyayari sa kabilang pader?

Pwede bang tumigil na sila?

Dahil parang tumatagos ako sa pader na 'to. Sa bawat sigaw at hiyaw ay nasasalo ko ang sakit. Bawat salita'y nararamdaman ko sa aking tainga, nakakabingi. Bawat hampas ay nararamdaman ko sa aking mga balat. Ang mga hapdi at sakit ay dumadampi sa aking katawan, mula sa aking paa hanggang ulo. Buong katawan ko'y nanginginig, hindi ako makagalaw. Pinapaikutan ako ng mga salita, hiyaw, tunog, sigaw, saklolo.

SUICIDE OUTBREAK: Round TwoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon