CURE #7: SA PAMAMAGITAN KO
Halos magiba ang pinto ng bahay namin ng pabalagbag itong buksan ng isang armadong lalaki. Napatayong bigla ang aking ama mula sa pagkakaupo sa sofa katabi ko nang magsimulang pumasok ang mga ito. Subalit ang tanong n'yang 'Sino kayo? Anong kailangan ninyo sa amin?', ay wala man lang sumagot isa man sa apat na pumasok. Bagkus ang dalawa sa kanila ay itinutok ang dalang mahabang armas sa aking ama, at may isa naman sa akin. Sa edad kong labing siyam, tanging takot at pangamba ang mababakas sa aking mukha.
Isang tili naman ang kumawala sa aking ina mula sa kusina. Nanginginig at impit s'yang pinapalapit sa amin, habang may nakatutok sa likuran n'yang baril. Halos mga nakaitim silang damit, at walang takip ang mga mukha. Mahigpit kaming nagyakap ng aking ina ng mapang-abot sa sofa. Mga magnanakaw kaya?
Lagatak ng sapatos ang nakapag palingon sa amin sa gawi ng pinto. Isang may edad ng lalaki ang marahang lumalapit sa aking ama, habang tila binibistahan n'ya ang paligid. Nakangiting tumayo pa ito sa harapan namin na parang wala lang ang mga nakatutuok na baril sa aming mga ulo. Si Don Ferdinand? Kapatid ng amo dati ng aking ama. Anong...
"O Gerald? Kamusta ka at ang iyong pamilya? Matagal-tagal na rin ng huli tayong nagkita." Bagama't nakangiti s'ya, naniningkit naman ang kanyang mga mata at kababakasan ng galit ang kanyang kulubot na mukha.
"Hayop ka, Ferdinand! Nagkausap na tayo, 'di ba? Ipinaliwanag ko na sa'yong wala na akong magagawa kaya nag-resign na ako. Ano pa bang..." isang suntok sa mukha ang nagpatigil sa sasabihin pa sana ng aking ama. Muling napasigaw ang aking ina, dadaluhan sana n'ya ang asawa subalit agad na sumenyas ito na huwag lumapit. Muling mahigpit na yakap na lang at iyakan naming mag-ina ang namayani sa paligid.
Mabilis namang pinunasan ng aking ama ang dugong tumulo sa gilid ng kanyang labi, at tumayo pagkatapos sumasadsad sa sahig.
"Bumalik ka sa bahay ko at pag-uusapan natin ang dapat gawin. Dalawang taon na ang nasasayang, at ayoko nang maghintay pa ng matagal." May diin ang bawat katagang lumalabas sa bibig ni Don Ferdinand. Tila ba pinagbabantaan nito ang aking ama oras na hindi sumunod. Sabagay, sa mga oras na ito halatang nanganganib na ang aming mga buhay.
Subalit matigas na hindi ang isinagot ng aking ama. Isang suntok pa sana ang kan'yang ibibigay, nang ako naman ang napasigaw sa sobrang takot. Hindi ko alam kung ano ba talagang nangyayari.
Natigil sa ere ang kamao ni Don Ferdinand at napatingin sa gawi ko. Mahigpit naman akong niyakap ng aking ina nang magsimulang lumapit sa akin ang nasabing matanda.
"Huwag ang anak ko!" Lalapit sana ang aking ama, subalit mahigpit s'yang hinawakan ng isa na kahit nagpapalag s'ya ay hindi makawala.
"Hmmm... dalaga na pala si Janice. At maganda ha?" marahan n'yang hinaplos ang buhok ko mula sa tuktok ng ulo papuntang likuran. Nang tatabigin ko ang kanyang kamay, bigla akong napaigik sa sakit ng sabunutan n'ya ako, sapat para mapatingala ako. Kita ko ang paglisik ng kanyang mga mata at mayamaya pa ay pag ngisi. Walang humpay naman s'yang pinaghahampas ng aking ina na pinipigilan naman ng isang lalaki.
"Bakit ba ngayon ko lang naisip? Sige dalhin ang babaeng ito!" at pabiglang binitawan n'ya ako na halos ikasubsob ko na. Buti na lang, agad akong nasalo ng aking ina na walang magawa kung hindi ang umiyak na lang at magmakaawa.
Halos mabali na ang braso ko sa paghila ng aking ina at ng lalaking inutusan para kunin ako. Isang sapak sa mukha ni mama ang nakapag pabitaw sa amin. Walang malay s'yang na bumagsak sa sofa. Habang walang humpay namang binubugbog ng dalawang lalaki si papa. Sigaw ako ng sigaw ng makita ko ang mga pangyayari sa aking mga magulang. Bagong lipat lang kami sa bagong subdivision na iyon, kaya walang pag-asang may makarinig at tumulong sa amin. Iilan pa lamang ang mga nakatayong bahay, at karamihan ay wala pang mga nakatira. Ang sabi ni papa, dito raw kami para safe. Hindi na ako nagtanong nang sabihin n'ya iyon. Ngayon, naiintindihan ko na.
BINABASA MO ANG
SUICIDE OUTBREAK: Round Two
RandomLITERARY OUTBREAK: SURVIVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 1) Suicide Outbreak: Round Two