Cure #7: Gitara
Pinunasan ko ang pawis sa aking noo gamit ang kanan kong braso, saka pumikit nang mariin at nagbuntong-hininga. Tirik na tirik ang araw, pero hindi ko 'yon alintana. Kailangan kong makahanap ng magandang trabaho para sa kinabukasan ng kapatid ko. At para na rin mabili ko ang hinihiling niya na gitara.
Hindi ako nakapagkolehiyo, ni hindi ako nakapagtapos ng hayskul dahil sa hirap ng buhay. Ngunit gano'n pa man, umaasa pa rin ako na magkakaroon ako ng maganda at maayos na hanap-buhay.
Nagpatuloy ako sa paglalakad kahit hindi ko alam kung saan ako mapapadpad. Maaaring abutin ako nang paglubog ng araw, ngunit hindi ibig sabihin no'n ay ang pagkawala ko ng pag-asa. Nangako ako sa kapatid ko. At kailangan kong tuparin 'yon.
---
"Kuya!" masiglang tawag sa akin ni Jane, ang kapatid ko. Tumakbo siya papunta sa akin at sinalubong ako ng isang mahigpit na yakap. Napangiti ako sa ginawa n'ya kaya naman nagawa kong guluhin ang nakatali niyang buhok.
"Kumain ka na?" pagtatanong ko. Lumabi siya at umiling.
"Hindi pa. Hinihintay kasi kita," malambing niyang sagot. Tumango-tango lamang ako't umupo sa halos sira na naming upuan.
"Kamusta, Kuya? May trabaho ka na ba?" sunud-sunod na tanong ni Jane. Tumabi siya sa akin at tinulungan akong tanggalin ang marumi kong sapatos. Tiningnan ko siya at tipid na ngumiti.
"Wala pa?" aniya. Tila nahulaan niya ang nais kong sabihin kaya wala na akong ibang nagawa kung hindi ang tumango.
"Pasensya na," nahihiya kong sabi. Nag-iwas ako ng tingin upang hindi ko makita ang pagkadismaya sa kaniyang mga mata. Pero, taliwas sa inisip ko ang ginawa niya.
"Okay lang 'yan, Kuya!" saad niya sabay akbay sa akin. "We must accept finite disappointment, but never lose infinite hope."
Tiningnan ko siya at saka tinawanan. Sa edad na katorse, daig pa niya ako sa pagsasalita ng ingles.
"Aba! Porke't top one ka sa klase niyo, umi-ingles ka na ngayon? Paki-tagalog naman!" pagbibiro ko. Sinamaan niya ako ng tingin, at binigyan ng mahinang palo sa balikat sabay sabi ng, "Kuya naman! Minsan lang ako mag-English, pagbigyan mo na! At saka, ang ibig sabihin lang naman nang sinabi ko ay 'wag kang susuko! Habang may buhay, may pag-asa!"
Napangiti ako lalo dahil sa sinabi niya. Tama siya. Habang may buhay, may pag-asa.
---
Bagsak ang mga balikat ko habang naglalakad pauwi, wala na naman kasi akong nakitang trabaho. Ano na lang ang mukhang ihaharap ko kay Jane nito? Napabuntong-hininga ako. Nakakapagod na.
Malapit na ako sa bahay, nang mapatigil ako sa mabigat kong paglalakad dahil narinig ko ang sigaw ng aking kapatid. "Itay! Tama na po!"
Bigla akong kinabahan, kaya, mabilis kong tinakbo ang daan pauwi. Wala na akong naging pakialam sa mga nakabunggo ko makarating lang kaagad sa kinaroroonan ng kapatid ko.
Pagdating ko sa bahay, nadatnan ko si Jane na nakalupasay sa sahig habang umiiyak. Nakatayo naman sa harapan niya ang aming ama, animo'y isa itong mabangis na leon kung makatingin.
"T-tama na po," nanangis na pakiusap ni Jane habang pilit na tinatakpan ang mukha gamit ang kaniyang mga braso. Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang lapitan siya ni Tatay at sabunutan.
"Bigyan mo ako ng pera!" singhal sa kaniya ng aming ama. Tinabig ni Itay ang mga braso ni Jane at nilamukos niya ang mukha ng aking kapatid bago ito isinubsob sa sahig. Halos mabiyak ang puso ko sa aking nakita. Inihagis ko sa sahig ang dala kong bag, at walang pakundangan na sinugod si Itay.
BINABASA MO ANG
SUICIDE OUTBREAK: Round Two
RandomLITERARY OUTBREAK: SURVIVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 1) Suicide Outbreak: Round Two