Cure #8: Sementadong Gubat
Tangan ko ang isang papel, hindi, isa itong liham galing sa aking anak. Napakahaba ng kanyang liham na halos abutin na ng dalawang pahina, ngunit kung gaano ito kahaba ay siya namang haba ng mga luhang lumalandas sa pisngi ko. Bawat katagang aking nababasa ay parang isang punyal na tumatarak sa puso ko.
Halos lumabo na ang mata ko dahil sa luhang hindi mapigilang umalpas mula rito. Poot ang nararamdaman ko; halos magdugo na ang kamao ko sa lakas ng puwersang ginawa kong pagsuntok sa pader katabi ng higaan ko. Mula dito ay tumayo ako sa pagkakahiga. Impit na iyak lamang ang maririnig sa akin ng mga kakosa ko.
Mga mata nila'y sa akin nakasentro; hinihintay ang bibigkasin kong mga salita. Pero wala akong maapuhap sambitin dahil sa galit na nararamdaman ko ngayon. Kapagdaka'y nilapitan ako ni Manong na siyang pinakamatanda dito sa grupo namin. Tumabi siya sa kinauupuan ko't hinawakan ako sa aking balikat na nanginginig pa dahil sa pigil kong pagtangis.
"Ano bang nangyari? May masama bang nangyari sa anak mo?" puno ng pag-aalala niyang tanong sa akin habang nakatitig sa mukha ko.
Hindi ko siya sinagot, bagkus, ibinigay ko sa kanya ang liham ng aking anak. Naglalaman ito ng mga nakaririmarim na salita na parang panis na pagkain na hindi ko kayang kainin. Tumatak pa rin sa isipan ko ang huli niyang sinabi sa liham...
Pa, tulungan niyo po ako...
Halatang agarang tinapos ang sulat dahil hindi na niya nakuha pang magpaalam sa liham niya sa akin. Hindi pa rin matanggap ng sistema ko ang nangyari sa anak ko. Hindi ko matanggap na pinagsasamantalahan ng kapatid ko mismo ang sarili kong anak. Napakawalang hiya ng hayop na 'yon. Nagngingitngit ang kalooban ko sa ginawa niya. Gusto kong sugurin siya at patayin sa ginawa niyang panghahalay sa nag-iisa kong anak. Pero hindi ko magawa ang nais ko, dahil heto ako, nasa madilim at kinaayawan na lugar ng mga kriminal; ang selda.
"Wala akong magawa, ni hindi ko man lang maipaglaban ang anak ko sa labas ng madilim na silid na ito. Minsan, naiisip ko na lang na sumuko na..." anas ko habang patuloy pa ring namamasa ang mga mata ko. "Mahirap bigyan ng pag-asa ang mga presong tulad kong matagal na sa kulungan," dagdag ko pa.
"Ang mga taong agad sumusuko ay hindi nananalo. Ang mga taong laging panalo ay hindi kailanman sumusuko," wika ni Manong habang tinutupi niya ang papel.
Tinamaan ako sa mga salitang iyon, pero hindi ko maikakailang mahirap ang manalo. Marami na akong isinugal para lang manalo, ngunit wala pa rin. Sadyang bulag ang mundo. Malapit na sana akong bigyan ng parol pero sadyang pinipigilan ng mga nakatataas. Nag-umpisa lang 'to ng tinanggihan ko ang alok ni Warden na lumaban sa isang duwelo...
Gabi-gabi ay may nagaganap na labanan sa loob ng isang selda dito na kung tawagin ay Gubat ni Kamatayan. Malalaking tao at may sinasabi sa lipunan ang mga tao sa likod ng palarong ito. Gobyerno mismo ang may hawak sa leeg ng mga namumuno dito. Oras na pasukin mo ang laro, buhay mo ang kapalit kung ika'y matatalo o aalis sa sinimulan mong laro. Gabi-gabi rin ay may namamatay. Dumadanak ang dugo sa bawat patalim na itinatarak nila sa bawat kalaban nila.
Para silang mga laruan sa kamay ng gobyerno't mapepera. Ginagawa nilang pampalipas oras ang kamatayan ng bawat nilalang sa loob ng selda. 'Yon ang kaligayahan nila.
Isang gabi ay nanood ako ng duwelo, hindi ko inaasahang lalapitan ako ni Warden at aalukin ng malaking halaga kapalit ng paglaban ko, pero tinanggihan ko ito. Hindi ko kayang ibuwis ang buhay ko para sa salapi. Nandito ako para magbago, hindi para magpakagago.
Matapos ang pag-uusap naming iyon ay doon na nagsimula ang pagpapahirap sa akin. May mga binabayarang tauhan si Warden para lang ipabugbog ako. Halos mamanhid na ang katawan ko sa mga natatamo kong galos at pasa. Ganyan si Warden kapag hindi niya nakukuha ang gusto niya. Inuunti-unti niya ang pagpatay sa mga sumasalungat sa kanya. Siya ang Evil Warden ng kulungang ito.
BINABASA MO ANG
SUICIDE OUTBREAK: Round Two
RandomLITERARY OUTBREAK: SURVIVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 1) Suicide Outbreak: Round Two