Cure #1: Reyalidad

434 16 11
                                    

Cure #1: REYALIDAD

MALUBAK at madilim ang daang dinaraanan mo. Paipis na naglalakad papasunod sa isang tao. Hindi mo ito kilala, ni hindi mo ito kamag-anak. Dahil ngayong gabi, ito ang 'yong biktima. Nakasuot siya ng long sleeves, 'di kaila na isa siyang empleyado. Ilang minuto mo na rin pala siyang binubuntutan. Mula nang makita mo ang pagbibilang niya ng pera sa kalapit lamang na parke. Sinundan mo lang siya, hanggang sa lumiko siya sa mas madilim pang eskinita.

Agad kang tumalima ngunit nahulog ka sa bitag. Doo'y nakaabang siya at sa isang kilos ay hinampas niya sa 'yo ang kaniyang bag. Napa-aray ka sa sakit lalo pa't tumama ito sa dibdib mo, walang pakialam sa kasarian mo. Napaatras ka at ilang segundong natigilan.

Nanatiling malamig ang iyong mga mata. Ikinuyom mo ang iyong kamao at humakbang ka upang suntukin siya. Mukhang napaghandaan iyon ng lalaki kaya't naiharang niya ang kaniyang braso na siyang nasuntok mo. Nagtunugan ang buto sa 'yong kamay. Walang emosyon na napangiwi ka subalit kaagad ka namang gumawa ng kilos. Itinaas mo ang iyong paa upang maipatama iyon sa kaniyang ulo. Inilagay mo ang iyong bigat sa paa mo, at saka mo bahagyang ini-arko ang katawan mo upang maging solido ang pagkakatama nito. Nakita mo ang mabagal na pagtumba ng kaniyang katawan sa lupa. Ang pagsalampak nito sa sahig, at ang pagpikit ng mga mata nito.

Kinuha mo ang hawak niyang bag at naglakad ka pauwi na parang walang nangyari. Sinalubong ka ng mainit mong bahay. Nababalutan din iyon ng katahimikan. Sa palagay mo ay wala pa rito ang iyong anak.

Dumiretso ka sa banyo at natitigan mo roon ang iyong repleksiyon. Magulo ang iyong buhok, pawisan ang iyong mukha. Hinihingal ka rin at bakas sa mukha mo ang pagod.

Nasaan na ang dating lakas mo? Noong disisais ka na napakagaling mo sa pagdepensa sa sarili mo. Bakit nga ba nawala ang dating sigla ng buhay mo? Nadala ba ito ng agos ng mga problemang naging dagok sa iyo?

Natigilan ka nang maalala ang lahat. Bawat sakit at pighating dinanas. Mga dahilan sa sitwasyon mo ngayon, mga gulong napasok ng dahil doon.

Isang babaeng may magandang mukha, sikat na pangalan at magandang pamumuhay. Napakalapit na nga ng iyong buhay sa perpekto. Kilala ka bilang isang babaeng puno ng dignidad dahil bukod sa isa kang panglahatang pinakamaganda sa eskwelahan, ikaw din ay bihasa sa mga sports at paglaban sa mga martial arts.

Disisais na anyos ka na ngayon, at panibagong araw lamang ang araw na ito para sa 'yo. Maaga kang pumasok sa paaralang pang sekondarya. Nasa ikaapat na taon ka na at malapit ka na ngang makapagtapos ng hayskul.

Naglalakad ka sa hallway nang masalubong mo ang isa mong kaklase. Kaibigan ito ng lalaking dati pa nanliligaw sa 'yo, na paulit-ulit mo namang binabasted.

"Shey, pinapatawag ka raw ni Miss Mendoza sa room 207," aniya sa 'yo. Napakunot ang noo mo sa biglaang pagpapatawag ng tagapayo mo ngunit dumiretso ka pa rin sa sinasabi nitong k'warto.

Nang makarating ay binuksan mo ang pinto at pumasok ka sa loob. Ilang hakbang pa lamang ang nilalakad mo nang kakaibang lamig ang naramdaman mo sa iyong batok kaya't napagdesisyunan mong umalis na lamang. Ngunit nang lalabas ka na sana ay nakita mo roon ang lalaking matagal nang baliw na baliw sa 'yo. Namumula ang mga mata nito at nakangiti ito na animo'y wala sa tamang pag-iisip.

"Jake...bakit...nasaan si...anong..." Hindi mo mabuo ang iyong mga tanong. Pakiramdam mo'y nagbubuhol ang dila mo. Ano nga bang ginagawa ni Jake sa silid? Nasaan nga ba si Miss Mendoza? Lahat ng mga tanong mo ay nanatili na lamang sa isip mo.

"Shey, kasalanan mo 'to e. Kung sinagot mo sana ako e 'di sana hindi mangyayari ang mangyayari ngayon," mapang-asar na usal niya sa 'yo. Nanlaki ang mata mo nang lumakad siya papalapit. Naging malikot ang iyong mga mata. Inikot mo sa paligid ang iyong paningin. Puro lamesa sa k'warto. Hindi ka makatakbo sa pintuan dahil nasa likod lamang niya iyon.

SUICIDE OUTBREAK: Round TwoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon