Cure #1: Sa Laban ng Buhay

375 14 16
                                    

Cure #1: Sa Laban ng Buhay

PINASADAHAN ko ang kabuuan ng aking repleksyon sa salamin at inayos ang gusot sa blusa nang makita kong may sumilip pang isang pasa sa braso ko. Kinagat ko na lang ang aking labi nang mapagtantong hindi ko ito matatago gamit ang uniporme kong masyado nang maliit para sa akin, kaya minabuti kong kunin ang polbo na binigay sa akin ng bakla kong pinsan at pinahiran ng kaunti ang pasa ko sa braso.

"Bakla kung gusto mo talagang ipagpatuloy iyang kagustuhan mo, gamitin mo ito. Lagyan mo ang mga pasa mo pero kaunti lang, a? Iyong tipong tutulad pa rin sa kulay ng balat mo." Iyon ang eksaktong sinabi ni Butch na hindi ko kailanman kinalimutan. Tama siya, gamit na gamit ko talaga ang bagay na ito.

Paglabas ko ng kwarto ay bumungad kaagad sa akin ang mesang walang ibang nakalatag kun'di isang maliit na pitsel. Kumakalam pa naman ang sikmura ko, mabuti na lang at wala si nanay o tatay at baka makita ko na naman ang awa at paninisi nila sa sarili nila. Marahil ay hindi na naman sila pinautang ng pang-agahan man lang namin.

Kailangan ko na naman yata ng raket.

KAHARAP ang salamin ay itinali ko nang maayos at mahigpit ang buhok ko at sandaling natigil ang mata ko sa pasa ko at napangiwi. Hindi pa nga gumagaling ito ay madadagdagan na naman ng pasa ang mukha ko. Siguro ay iiwas ko na lang ang ito hangga't maaari.

Nagsimula na akong maghubad ng uniporme at pinalibutan ang dibdib ko ng makapal na tela. Nang matapos ako sa dibdib ko ay tinulak ko ito nang madiin at dinama kung masakit ba o hindi. Nang makuntento ako ay sinuot ko ang sandong yumayakap sa balingkinitan kong katawan at ang aking kamay naman ang pinaikutan ko ng tela.

Pinasadahan ko ng huling tingin ang sarili sa salamin bago lumabas ng banyo rito sa underground kung saan may gaganaping laban - laban kung saan kasali ako.

"Madel! Our little tigress..." Nginitian ko ang sumalubong sa akin pagkalabas ko - ang nagpakilala, nagturo sa akin sa raket na 'to at naging ama-amahan ko. "Mr. Chan," pagtawag ko sa kan'ya at pinagdikit ang palad at kamao ko 'tsaka yumuko bilang respeto. Pag-angat ng ulo ko ay bahagyang bumagsak ang balikat ko nang mapansin ang sobrang pagbaba ng timbang niya.

Tumango siya at nakangiting hinila ako patungo sa iilang lalakeng nasa mahabang mesa kung saan palagi siyang nakaupo. "Gentlemen, meet Madel Arkia. One of the toughest underground fighters we have!" Hindi man magandang pakinggan dahil sa pagiging iligal ng pinagkakakitaan ko ngayon, pero nakaramdam ako ng saya nang banggitin ito ni Mr. Chan na parang isa akong kampyon sa palarong pambansa.

Nawala na ako sa mga papuri niya sa harap ng mga kaibigan dahil sa sobrang tuwa. Siya ang nagturo sa akin na makipaglaban. Siya rin ang nagturo sa akin na walang baba-babae sa pagiging underground fighter, lahat pantay-pantay ang tingin. Walang hinay-hinay, walang maaawa sa 'yo kahit babae ka pa. At sa kabila ng pagiging estranghero namin sa isa't-isa ay hindi ito naging hadlang sa pagkakaroon ko ng magaan na loob sa tuwing kasama ko si Mr. Chan.

Bumuntong hininga ako at nagpaalam kay Mr. Chan at sa mga kaibigan niya nang tinawag na ako. Pinakilala muna kaming dalawa sa mga nanonood, bago may maskuladong lalake na lumapit sa bandang gitna namin at magsisilbing referee.

Pagkatunong ng bell ay umatake kaagad siya kaya umatras ako at iniwasan ang mga suntok niya. Ang paulit-ulit na pagtawag ng pangalan ko ang nagbigay sa akin ng kumpiyansang matatalo ko ang lalakeng ito, kaya nang makahanap ng pagkakataon ay tumakbo ako sa likod niya at pinulupot ang aking kanang braso sa leeg niya. Tumalon ako para makabwelo at malakas na hinila siya pababa at bago pa man siya matumba ay umalis na ako sa likod niya at pinanood ang kan'yang pagbagsak. Matagal bago siya nakabangon, kaya umupo ako nang hindi tumatama ang aking pang-upo sa semento at hinintay siya, o ang referee na nagbibilang sa gilid niya. Bago pa umakyat sa lima ang nabilang ng referee ay nakabangon na siya at lumakas ang hiyawan sa paligid.

SUICIDE OUTBREAK: Round TwoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon