Cure #6: Attack On Table
Sa bawat araw na lumilipas...
Ang bawat sandali
Napakamot sa ulo si Monggol. Nakakailang beses na s'ya ng bura, pero hindi pa rin n'ya magawang simulan ang sinusulat na kuwento.
"Monggol, gusto mo ng tulong?"
Napalingon si Monggol sa nagsalita. Si Magic Pencil pala 'yon. Hindi n'ya alam kung bakit magic pencil ang tawag dito samantalang wala namang magic sa nasabing lapis. Isa lamang itong lapis na gawa sa plastic at ang mga tasa ay nakalagay sa ilang maliliit na plastik na tinatawag na bala.
"Ano naman ang maitutulong mo kay Monggol? Hindi ba ginawa ka lang naman para mapagkatuwaan ng mga bata?" singit naman ni Mataba.
Hindi n'ya alam kung anong pangalan ni Mataba. Sa katunayan, kapag tinanong ito ng pangalan ay wala rin itong maisasagot. At dahil sa itsura nito na isang matabang lapis na kulay itim, tinawag na lang ito ng lahat na mataba. Ito rin ang klase ng lapis na madalas gamitin ng mga batang nagsisimula pa lang na mag-aral sa pagsusulat.
"Aba't! Sino nagsabi sa'yo n'yan?!" pasigaw na sambit ni Magic Pencil kay Mataba.
Mabilis na pinuntuhan ni Magic Pencil si Mataba pero dahil sa pagtalon nito mula sa bookshelf ay nalaglag ang mga bala nito, kaya sa halip na masapak si Mataba ay nagpulot na lang ito ng mga bala.
"If I ever got a line to heaven, I swear, I'll be there."
Muling napabaling si Monggol kay Mataba na nasa tabi na pala n'ya.
"Anong pinagsasabi mo?" tanong n'ya rito.
Mataman itong nakatingin sa papel n'yang puro bura.
"Hindi ba magandang simula 'yong sinabi ko? Pinag-isipan ko 'yon," maluwag ang pagkakangiti ni Mataba habang sinasabi 'yon.
"Plagiarist!" sigaw naman ni Magic Pencil na nagpupulot pa rin ng mga bala n'ya. "Pinag-isipan mo? Kanta kaya 'yan ng J Brothers!"
"Sinong nagsabi sa'yo? Hindi kaya sa J Brothers 'yon. Introvoys kumanta no'n!"
"J Brothers!"
Muling napakamot si Monggol dahil sa pag-aaway ng dalawa n'yang kaibigan. Hirap na nga s'yang magsulat dahil walang napasok sa utak n'ya, sinabayan pa ng pag-iingay ng dalawa.
Tumingin si Monggol sa bookshelf na pinanggalingan kanina ni Magic Pencil. Doon ay payapang nakasalansan ang mga libro. Simula pa noong mapunta s'ya sa isang bookstore para maibenta at sa unang pagkakataon ay nakakita ng libro, natuwa na s'ya sa mga iyon. Lalo na nang marinig n'ya ang isang bata na nagbabasa.
Magmula noon pinangarap na n'ya na makapagsulat ng isang libro. 'Yong tipo ng libro na babasahin rin nang patago ng mga tao sa loob ng bookstore. 'Yong magiging best seller.
Nang muling balingan ni Monggol ang sinusulat ay burado na ang ilan sa mga nasulat n'ya. Agad na napansin n'ya ang isang pambura sa gilid ng papel na sinulatan n'ya.
"Tingnan mo, G-tech, ang mga hampaslupa nangangarap na naman."
Napakuyom ang kamay ni Monggol. Nandito na naman ang grupo ng mga sigang ballpen. Tiningnan n'ya ang grupo nila G-tech, Dong-A, at Lotus. Ang grupo ng tatlo ang pinakakinakatakutan sa loob ng kwarto. Sila kasi ang pinakamahal na mga ballpen na binibili ng amo nila. Lalong-lalo na si G-tech.
Dahan-dahang lumapit si Lotus kay Monggol. Ang mga mata ay nakatingin sa papel n'ya. Pilit na itinago ni Monggol ang papel sa kanyang gilid. Pero hindi n'ya namalayan na nasa likuran na pala n'ya si Dong-A. Naramdaman na lang n'ya ang paghila ni Dong-A sa kanyang papel.
BINABASA MO ANG
SUICIDE OUTBREAK: Round Two
RandomLITERARY OUTBREAK: SURVIVE OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 1) Suicide Outbreak: Round Two