Chapter Fourteen: The Exorcism 2

376 8 0
                                    

"Ako ang pinakamakapangyarihan sa lahat".

Nilapitan ni Aries ang dalaga at saka dinikit ang hawak na krusipiho sa dibdib nito. Naghumiyaw ang diyablong nasa loob ng dalaga na para bang napapaso. Dahil dun ay inakala ng batang pari na totoong nasasaktan ito ngunit di nagtagal, ang nakakahindik nitong sigaw ay unti unting napapalitan ng nakakalokong halakhak.

"Akala mo ba matatakot ako dyan sa krus na hawak mo?" Tanong nito habang mas lalong dinidikit sa sariling dibdib ang krus na hawak ng pari. "Baka nakakalimutan mo, dati akong anghel bago ako itinapon sa dagat ng apoy ng Diyos na sinasamba mo".

Pagkasabi nun ay isang malakas na sampal ang tinamo niya mula rito dahilan para siya'y malugmok sa sahig, bahagyang umikot ang kanyang paningin dahil sa pagkahilong naramdaman. Akmang susugurin siyang muli nito ngunit maagap itong pinigilan ni Dr. Peralta sa pamamagitan ng pagyapos sa bewang ng dalaga. Nagpupumiglas si Nicole hanggang sa mabuwal silang dalawa sa sahig. Umibabaw sa kanya ang dalaga at saka pinagkakalmot ang kanyang mukha. Naglikha iyon ng malalalim na sugat. Nagtangka sina Suzie at Madeline na pigilan ito ngunit sadyang napakalakas ng diyablong sumanib sa dalaga.

Nang mawala ang hilo ay tumayo si Aries mula sa pagkakatumba upang saklolohan ang kaibigang doktor. Muli niya itong winisikan ng agua bendita mula sa botelyang hawak nito.

"Inuutusan kita, iwan mo ang katawan ng babaeng ito!!!".

Natigil ang dalaga sa ginagawang pagkalmot sa binatang doktor at nagsisigaw na para bang may iniindang kirot. Umalis ito sa pagkakadagan kay Dr. Peralta, akmang tatayo ito upang lapitan si Aries ngunit agad rin itong napaluhod. Kitang kita naman nila na may mumunting usok na sumisingaw sa katawan nito habang patuloy na binabasbasan ng holy water ni Aries.

Marahas nitong sinabunutan ang sariling buhok dahilan upang matanggal ang ilang hibla nito. Paulit ulit ang ginawa nitong pagsabunot hanggang sa tuluyan nang dumugo ang anit. Bawat buhok na makuha ay sinasalpak niya sa kanyang bibig. Punung puno na ng buhok ang bibig ni Nicole ngunit ayaw pa rin nitong tumigil sa ginagawa. Marahil ay hindi na nakayanan ng sikmura nito ang napakaraming buhok na kinain kaya sumuka ito. Napatakip naman ng ilong sina Suzie at Madeline dahil sa nakakasulasok na amoy ng likidong lumabas sa bibig ng dalaga. Makalipas ang ilang segundo ay nangisay ito. Tirik na tirik ang mga mata at naninigas ang katawan nitong bumagsak sa sahig. Maya maya lang ay narinig nila ang mahihinang hikbi nito.

"H-hindi... ko na....k--kaya". Umiiyak na sabi nito bago ito tuluyang panawan ng ulirat.

Halos mabasag ang puso ni Suzie dahil sa narinig. Katulong si Madeline ay maingat nilang binalik sa higaan si Nicole. Mabilis nilang tinali ang magkabilang braso at binti ng dalaga. Di hamak na mas mahigpit kesa kanina, para kung sakaling sumanib muli ang diyablo dito ay hindi na ito makakapanakit.

Hinihingal na umupo si Fr. Aries sa isang sulok habang sina Suzie at Madeline naman ay umupo sa dalawang silyang isang dipa ang layo mula sa kama ng dalaga. Habang si Dr. Peralta naman ay sinusuri ang kalagayan ng dalagang walang malay.

"Bumaba na ang kanyang body temperature at bumalik na rin sa normal ang kanyang heartbeat".

Mula sa pagkakasalampak sa sulok ay tumayo si Aries at lumapit sa kinahihigaan ng dalaga saka pinagmasdan ito. Mas lalo pang namayat ang dalaga kumpara nung una niya itong makita ilang araw lang ang lumipas. Hindi rin mabilang ang dami ng mga pasa at sugat nito sa buong katawan.

"Sa palagay ko ay kailangan na natin siyang dalhin sa ospital". Suhestiyon ni Dr. Peralta.

"Pari ang kailangan niya at hindi doktor". Mahina ngunit may diin na sabi ni Suzie.

"Alam ko po iyon. Pero malaking pinsala na ang idinudulot ng demonyong iyon sa katawan ng anak niyo. Kung sakaling magtagumpay ang exorcism, baka mahirapan rin tayong ibalik siya sa dati".

THE POSSESSIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon